Site icon Iglesia Ni Cristo – Silent No More by Antonio Ramirez Ebangelista

OPEN LETTER SA LAHAT NG MGA MINISTRO SA LOOB NG IGLESIA NI CRISTO

November 25, 2015

Alam kong marami sa inyo na kapamatok sa banal na Ministeryo ay mas pipiliing hindi basahin ang sulat na ito bilang pagpapatunay sa mga nasa Sanggunian na kayo ay kaisa ng Pamamahala. Subalit marami din sa inyo ay natitiyak kong babasahin ito ng palihim kapag wala ng nakakita sa inyo. Alam kong iba’t-iba kayo ng magiging damdamin pagkatapos ninyong basahin ito, may makakaunawa, may ilan din na hindi, may ilan na matutuwa, may ilan din na magagalit. Subalit bago ninyo ito talikuran at isumpa ako at ang aking buong sambahayan, hayaan nyo munang makiusap ako sa inyo na huwag matakot na basahin ito dahil mayroon naman kayong sapat na pag-iisip upang matimbang kung ano ang tama at ano ang mali. Sa pagkakataon man lamang na ito ay isa-isang tabi muna ninyo ang inyong personal na galit sa akin at magpakita muna kayo ng isa maka-kristyanong pag-uugali upang pakinggan ang isang mensahe ng isang tao na minsan ninyong nakasama sa banal na Tungkulin sa Destino o marahil sa Tanggapan sa Central. Kung sa mga tao ng sanlibutan ay nagagawa nating magpakita ng kabutihan, pagtityaga, pang-unawa, paglingap at pagmamalasakit, bakit hindi natin kayang gawin ito ngayon, kahit pa s ataong itinuturing ninyong kaaway g pananampalataya? Kahit ngayon lamang sana, ipakita ninyo ang isang banal at kristyanong pag-uugali na hinangaan sa Iglesia Ni Cristo sa buong mundo. Inuulit ko po, kahit ngayon man lamang…..

Una sa lahat ay nais ko sanang anyayahan kayong saliminin ang ating pagka-ministro mula ng tayo ay lumusong sa banal na Ministerio. Dito ay mahahangaan natin ang maraming mga matatandang Ministro na unang sumabak sa banal na Ministerio, sila ang mga tunay na bayani ng Iglesia sapagkat sinabak nila ang bukirin at nagtanim ng mga salita ng Diyos. Dahil sa kanilang mga pagpapagal, pagtitiis, pagmamalasakit, marami sa mga kapatid ngayon ang naging bunga at ngayon ay naglilingkod sa tunay na Diyos. Hindi matatawaran ang kanilang Ministerio lalo nga at sila ang mga kawal ng Diyos sa panahon na hindi pa maluwalhati ang Iglesia, inuusig, kinukutya, mahihirap ang kalagayan, subalit hindi nila alintana ang mga ito, mistulang magkakasakit sila, mapagod at magbuwis ng buhay, alang-alang sa banal na Iglesia. Sa atin na mga kabilang sa henerasyong ito na malapit na ring magdapit-hapong gaya nila, ano kaya ang naging kasaysayan ng ating Ministerio? Masasabi ba natin na natupad natin ang mga aral na ating tinanggap noong tayo ay nagaaral pa? Sa EVCO pa tayo noon, samantalang marami sa mga Ministro ngayo ay nakahihigit na sa atin sa kaalaman at kakayahan dahil dumaan na sila sa pormal na paaralan ng CEM. Subalit magkaiba man ng programa ang ating pinagdaanan, iisa naman ang aral na ating tinanggap, iisa ang doktrina na itinuro sa atin, at iisa ang Ministerial na itinanim sa ating puso. Iisa din lang ang sumpang ating sinumpaan ng tayo ay naging mga Regular at maging ng tayo ay ordenahan sa banal na Ministerio. Nangako tayo na mamahalin natin ang Panginoong Diyos ng buong katapatan, susundin ang Kaniyang mga aral, ipagmamalasakit ang Pamamahala at ipagpapauna ang kapakanan ng Iglesia. Ano na ang nangyari pagkalipas ng maraming mga taon sa buhay natin sa Ministerio? Nakalimutan na ba natin ang ating sinumpaang tungkulin? Bakit nagkaganito ang marami sa atin? Bakit wala man lamang ni isang nanindigan upang ipagmalasakit ang Tagapamahalang Pangkalahatan upang maipaalam sa kaniya ang katotohanan? Bakit wala man lamang ni isa ang nagsalita at nagsabi sa Tagapamahala na mayroon ng nagaganap na kakaiba sa Iglesia? Bakit wala man lamang ni isa na nagsabing pumapasok na ang anomalya sa pananalapi sa Iglesia? Bakit wala man lamang na naglakas ng loob na isiwalat ang mga katiwaliang ito? Napakalaki ng aking paggalang sa marami sa inyo na aking mga kasamahan? Marami sa inyo ang higit ang katangian, katalinuhan at kakayahan, alam ninyo na may mali na nangyayari ngayon subalit walang ginawa ang marami sa inyo? Hindi ninyo maisusumpa sa harap ng Ama na wala kayong alam sapagkat tayo-tayo din ang magkakausap noon pa ukol sa mga napapansin nating nagaganap na ngayon sa Iglesia. Ang mga puna sa pagbabago sa mga tuntunin, ito ang mga napaguusapan natin tuwing tayo ay nagkikita at nagkakatawagan. Subalit ng nagsimula ng kumilos ang Sanggunian upang tugisin ang mga Ministrong nag-iisip at nakakaunawa ng tama at mali, marami sa inyo ang umurong sa paninindigan at mas piniling tumahimik, magmaang-maangan at sumunod sa bawat ipag-uutos ng Sanggunian, kahit pa labag na ito sa ating damdamin dahil sa alam nating mali na ito. Bakit kayo naging mga mistulang mga “robot”?

Sumulat ako sa inyo upang antigin ang inyong damdamin na manindigan sa tama. Kaya ba ninyong humarap sa Panginoong Diyos pagdating ng panahon at sabihin na alam ninyo ang mga nangyayari sa Iglesia na mga mali subalit hindi ninyo nagawang magsalita. Hindi ba nangangahulugan lamang iyan na naging mga Pastol kayo na inutil, mga asong hindi makatahol kapag may dumarating na masama? Paano ngayon ang Iglesia? Saan natin sila dinadala? Na mapuno ng galit? Mapoot sa kanilang kapwa tao? Iyan ba ang kristyanong pamamaraan? Hanggang kailan kayo magbibingi-bingihan? Hanggang kailan kayo magmamaang-maangan? Hanggagang kailang kayo magbubulag-bulagan? Marami sa inyo nakasama ko sa opisina sa Central. Ano na ang nangyari sa inyo? Nilamon na ba kayo ng sistema? Mas pinili na ba ninyo na huwag na lamang makialam upang huwag manganib ang inyong “posisyon” sa opisina at huwag mawala sa libreng Pabahay, libreng Sasakyan at Tulong pinansyal mula sa Pamamahala? Iyan ba ang mabigat na dahilan na pumipigil sa inyo upang manindigan sa tama? Hanggang kailan kayo magpapatianod sa kasalukuyang agos ng Sanggunian? Mula ng ako ay lumabas upang isiwalat ang lahat ng aking nalalaman, marami sa inyo ang nagtaglay din ng ganung damdamin, iyan ang dahilan kung bakit nagbabasa kayong lahat ng mga artikulo na lumalabas sa Iglesia Ni Cristo Silent No More blog at iyan nga ang laman ng bawat patagong usapan ng lahat ng mga nag-oopisina. Mula umaga hanggang hapon, magta- Time In ka, Time Out sa hapon, araw-araw, kamusta ang iyong Ministeryo? Nararamdaman mo pa ba ang dugong Tunay na Ministrong dating nananalantay sa iyong mga ugat? O nahirati ka na lamang sa buhay opisina? O ng dahil sa pangambang mapag-initan, ma-“demote”, mawalan ng Karapatan o matiwalag ay mas pinili mo ng talikuran ang tama at ang katotohanan?

Sa mga kapamatok ko na nasa “Field” o nasa Destino, napakapalad ninyo at kayo ang nasa mismong bukirin, nakakasalamuha ng mga kapatid at pangunahing nakakapagmalasakit sa kanila. Subalit bakit yata lubhang dumarami ang bilang ng mga Minsitrong ang ugali ay hindi na gaya ng ugali natin noong tayo ay nag-aaral pa lamang sa Minsterio? Nasaan na yung “enthusiasm” ninyo sa pagtupad? Nasaan na yung damdaming handang mahirapan, magutom, mapuyat, manganib, alang-alang man lamang sa mga tupa na ibinigay sa ating pangangalaga? Bakit natupad sa inyo ang ipinagpauna ng Biblia na marami ang maging mala-panginoon, mababagsik, walang malasakit, mga sakim, mga materyalistiko at inuuna na ang sariling kapakanan kaysa kapakanan ng mga kapatid. Naglipana na ang mga Ministro na kala mo kung sino na maghari-harian sa Lokal o sa Distrito, mga Ministrong tamad at walang malasakit sa tungkulin at mandaraya, dinadaya nila ang Pamamahala upang pagandahin lamang ang kanilang imahe. Ang pinagsikapan na ng mga Ministro ngayon ay ang magbigay lugod sa tao, mistulang magmolestya sa mga kapatid para lamang mayroong ipang-abot na pera o regalo sa mga taga Sanggunian kapag sila ay dumalaw sa inyong Lokal o Distrito, hindi na ang Diyos ang kanilang binigyang lugod. Bakit ang marami pa sa inyo ang napakakasangkapan sa mga masasamang gawain ng Sanggunian? Hindi ba nakakahiya na ang isang marangal na Ministro ang siyang mangunguna sa isang mahalay at kahiya-hiyang gawain gaya ng ginagawang pangkukutya sa mga tiniwalag na Ministro at mga kapatid? Hindi ko sukat akalain na darating ang panahon na makikita at maririnig ko ang mga salita na manggagaling sa mga dating magigiting na mga Ministro na gaya ng Ka Arnel Tumanan at mga katulad pa niya. At ginagamit pa ngayon ang Tribuna upang ipalaganap ang kasinungalingan, karahasan, kapootan, kahit pa ang pagpatay ay ipinapanalangin na ngayon? Masyado naman nilang ibinaba ang uri ng Ministeryo ng sila na ang nagsilbing boses ng mga mabababaw na pahayag na pang-kanto lamang o pang-palengke masusumpungan at ang lalong nakababahala dito, marami silang mga kapatid na nahihikayat, na sinasalinan din nila ng mabagsik at mapanirang puri na espiritu na ni minsan ay hindi tinaglay ng mga unang Namahala sa Iglesia. Lagi nilang tinitiyak na nasa mataas na uri ng pakikipagtunggali ang ginagampanan ng mga Ministro, hindi gaya ngayon na masahol pa sa taong walang pinag-aralan at pinagkatandaan. Mga Ministro tayo, kung hindi man tayo magkakapareho ng pananaw ukol sa mga nangyayari ngayon, bakit hindi tayo magtunggali sa paraan na hindi naman nayuyurakan at nabababoy ang dangal ng Ministerio. Kung meron tayong dapat na pagtunggalian, bakit hindi ninyo gawing “professional” man lamang ang approach ninyo? Nakakahiya na kasi at tinuturuan pa ninyo na maging bastos, palamura, at mapangkutya ang mga kapatid na naniniwala sa inyo at dinadala ninyo itomaging sa Social Media, kung saan parang hindi na kayo mga Iglesia Ni Cristo, ni parang hindi na kayo Kristyano magsalita. Hindi ba’t kung sa palagay ninyo na kayo ang banal at nasa tama ay dapat lalong kayo ang magpakita ng mataas na uri ng pakikipagusap dahil sa paniniwala ninyo na kayo ang higit na nakakaunawa? Sapagkat sa paraan pa lamang ng inyong pakikipag-usap ay napaghahalata na kung sino ang nagsasabi ng totoo at nagsasabi ng kasinungalingan.

Bakit ba kayo nagagalit sa amin? Dahil sa maling pagkaunawa ninyo na kinakalaban namin ang Ka Eduardo? Gusto namin syang palitan? Naninira lamang kami? Hindi ba mas magandang hangarin ninyo na malaman talaga ang totoo para mailantad kung sino ang nagsisinungaling? Subalit iisa ang aking paninindigan at paninindigan ng lahat ng aking mga kasamahan, wala kaming personal na laban sa Ka Eduardo V. Manalo. Sinomang may ibang “agenda” ay hindi ko kasama sa adhikaing ito. Kaya nga kahit ilang beses nyo ulit-ulitin ang video sa internet, iisa lamang ang hinihiling ng mga Kapatid at ina ng Ka Eduardo, na makausap nila sya. Sa palagay ko naman, hindi na kayo maglalakas loob na ipagsigawan pa na kesyo “sila” lamang daw ang HINIHINTAY NA LUMAPIT ng Tagapamahalang Pangkalahatan, sapagkat napanood na rin ng maraming mga kapatid ang Video na kung saan buong-kapakumbabaan na lumapit na ang pamilya ng Ka Eduardo upang makausap sya subalit ipinagtabuyan lamang sila, isa lamang ito sa napakaraming mga ginawa nilang hakbang ng paglapit sa kanilang “Kuya” subalit alam naman nating lahat kung bakit hinahadlangan ng Sanggunian na sila ay magkausap-usap ng sarilinan, lalabas kasi ang katotohanan. Ang ginagawa ko lamang ay ang paglalabas ng mga ebidensya ukol sa katiwalian, pagkatapos ay ipagsisigawan na naman ninyo na WALANG EBIDENSYA samantalang nagkalat na sa mga artikulo ko ang mga ebidensya sa bawat katiwalian at anomalya na aking isinisiwalat. Kung hindi pa ninyo nakikita, maaari ninyong puntahang muli sa http://incsilentnomorebackup.wordpress.com at simulan nyo sa simula para makita ninyo ang mga ebidensya. At kung magmamatigas pa kayo at sasabihing walang ebidensya, pwes sabihin na ninyo kung ano bang klaseng ebidensya ang hinahanap ninyo dahil sa ang mga ebidensyang pinakita ko ay hindi man lamang nila kayang pasinungalingan sa pamamagitan din ng “credible documentary proof”, kundi puro salita lamang at mga pilit na pangangatwiran. Ipinagkakalat ninyo na isinusulong namin na ang totoong Tagapamahalang Pangkalahatan diumano ay ang Ka Marc Manalo at ang dapat sana na General Auditor ay ang Ka Angel Manalo? Tatapusin ko na ang katha-kathang isipan na iyan. Wala pong katotohanan iyan. Ni minsan ay hindi po nila isinulong ang bagay na iyan at wala po silang ambisyon na man-agaw ng kapangyarihan, ang TANGING IBINILIN SA KANILA NG YUMAONG KAPATID NA ERAÑO G. MANALO AY ANG TULUNGAN NILA ANG KANILANG KUYA NA MAGMALASAKIT SA IGLESIA. Kaya ito na rin ang paraan upang maituwid ang paniniwala ng ibang mga kapatid ukol sa isyu na iyan. Marahil ay nadala lamang sila ng kanilang damdamin dahil sa kanilang disgusto sa kasalukuyang Pamamahala sa Iglesia. Kung may ipinakakalat man sila na video ng Ka Lowell Menorca II kung saan ay may mga sinasabi syang ganun, siguro naman kayang unawain kahit ng isang bata, na kapag ang isang tao ay nanganganib ang buhay ay mapipilitan itong gawin o sabihin ang anuman na ipinagagawa sa kaniya ng mga taong may hawak sa kaniya (Pakihanap po ang kahulugan ng “Under Duress”). Ito naman ay nilinaw na ng Ka Lowell sa kaniyang ipinalabas na pahayag, ang problema ay ayaw lang tanggapin ng mga taong sarado ang isipan at mahina ang pang-unawa.

Ngayon, sa atin-atin lamang na mga Ministro, tayo ba naman ay maglolokohan pa para isipin na hindi totoo ang ginawa ng Sanggunian kina Ka Isaias Samson Jr. at Ka Lowell Menorca II? Alam naman nating pare-pareho kung gaanong makapangyarihan ang mga nasa Sanggunian at matagal na nilang ginagawa iyan, nagkataon lamang na may umalma na sa kanilang ginagawa dahil sa lumabis na sila sa panggigipit. Huwag kayong agad na manghusga lalo nga at palibhasa ay hindi ninyo dinanas o ng asawa at mga anak ninyo. Pero sige, sabihin na nating, “for argument sake” na wala pang katiyakan kung sino ba talaga ang nagsasabi ng totoo, hindi ba man lamang ninyo gustong malaman kung ano nga ba talaga ang nangyari para mapalabas kung ano nga ba talaga ang TOTOO? O kabilang din kayo dun sa mga tao, lalo na ang mga abugado ng Iglesia, na hindi mahalaga sa kanila kung sino ang nagsasabi ng totoo, ang mahalaga lamang ay HUWAG LUMABAS ANG TOTOO. Hindi ba kayo nagtataka kung bakit lahat na lamang ng taktika ay ginagawa ng mga abogado ng Iglesia upang huwag matuloy ang pagdinig at paglabas ng testimonya at ebidensya ng Ka Jun at Ka Lowell, maging ang testimonya ngayon ng Ka Lottie Manalo-Hemedez ay pinipigilan nilang mailabas. KUNG TOTOONG WALANG KASALANAN ANG MGA ITINUTURONG NAGKASALA, BAKIT HINDI NILA PAYAGANG MAILAHAD ANG TESTIMONYA AT MAITULOY ANG PAGDINIG PARA MAKITA TALAGA KUNG SINO ANG NAGSASABI NG TOTOO. Hindi ba mas maganda yun, para kapag dumaan sa legal at PATAS na pagdinig ng hukuman at nanalo ang Sanggunian edi pwedeng pwede ninyong ipagyabang na “Ayan ha, inilabas na ang mga testimonya at narinig namin at ng mga hukom at napatunayan na mali kayo”, edi tapos ang usapan mali nga. Pero halatang halata naman kasi na ni walang nangyaring pagdinig e “BIGLA BIGLA” na lamang “NADISMISS” ang kaso ng Ka Jun Samson sa korte pa ng QUEZON CITY na alam na alam naman natin, kahit ilang beses na ikaila ng Ka Edwil Joy Zabala, eh balwarte ng Central at walang maglalakas loob na kalabanin ang Pamamahala sa Iglesia sa Quezon City. Bakit ba kasi takot na takot ang mga abogado ng Sanggunian na marinig at lumabas ang katotohanan mula sa testimonya ng mga nakaranas ng panggigipit ng Sanggunian. Dito lalabas kung sino talaga ang PANATIKO, alam nating lahat ito sapagkat itinuturo ito sa panahon ng pagdudoktrina, ang mga PANATIKO ang mga taong nanghahawak sa isang paniniwala KAHIT PA WALANG KATUNAYAN O BASEHAN O HINDI NAUUNAWAAN ANG KATOTOHANAN. Kaya tuloy maraming mga Ministro at nahawa na rin ang mga Kapatid, na bulag na naniniwala na guilty na agad ang mga nagsampa ng kaso laban sa Sanggunian kahit na wala hindi man lamang nila pinadaan sa Legal na Proseso ng Pagdinig ng mga hukom at presentasyon ng mga ebidensya at testigo. Anong klaseng katarungan yun? Moro-moro lang? Kunwari may hustisya pero wala pala? Kung Objective lamang mag-isip ang isang kapatid, malakas ang loob nitong maghamon na “Sige ipatuloy nga ninyo yang mga kaso na yan ng mga Samson, Menorca at iba pa ng mapahiya sila dahil walang katotohanan ang kanilang mga paratang”. Kaso kapag naghamon ng ganun ang mga kapatid, ang mga abugado at mga Sanggunian ang unang-unang nangangatog ang tuhod sa takot na pipigil dito at gagawin ang lahat upang huwag matuloy ang pagdinig sa mga kaso. Kaya nga lahat ng panggigipit ay ginagawa na nila ngayon, mistulang magpasampa ba naman ng kaso ng libel mula sa SCAN mula sa lahat ng Distrito sa Pilipinas, hindi ba isang “sintomas” ito ng pangbu-bully sa layunin na huwag lamang matuloy ang mga kaso niya laban sa Sanggunian. At huwag naman ninyong linlangin ang mga kapatid na sasabihin ninyong kusang loob na nagsampa ng kaso ang mga SCAN na iyon ng walang utos mula sa Central, samantalang alam naman nating lahat na hindi pwedeng kumilos ang sinomang kapatid, lalo nga at kumakatawan sa opisyal na organisasyon sa Iglesia gaya ng SCAN, ng walang Opisyal na pahintulot mula sa Tagapamahalang Pangkalahatan. Subukan mong gawin iyon sa ibang pagkakataon, ewan ko lang kung hindi ka masuspinde o matiwalag. Kaya kung lalong itinutuloy ninyo ang ganyang sistema ng mga panggigipit, mas lalong napapaisip tuloy ang mga tao, “TOTOO NGA BA TALAGA NA WALANG KASALANAN ANG SANGGUNIAN, EH BAKIT PARANG TAKOT NA TAKOT SILANG HARAPIN ANG MGA KASONG ISINASAMPA LABAN SA KANILA? BAKIT GANUN NA LANG KUNG KUMASANGKAPAN SILA NG MGA POLITIKO AT MGA ABOGADO O PERSONALIDAD NA MAGSASALITA SA MEDIA PARA PASINUNGALINGAN ITO SA HALIP NA SILA MISMO ANG MAG-“DEMAND” NG ILABAS ANG KATOTOHANAN?” Kayo din ang nagtutulak sa mga Kapatid para pagdudahan kayo at upang makita nila ang tunay na nagsasabi ng katotohanan.

KUNG WALA TALAGANG ITINATAGO ANG SANGGUNIAN, BAKIT SILA NATATAKOT HUMARAP SA HUKUMAN UPANG SAGUTIN ANG MGA PARATANG SA KANILA? NI MINSAN HINDI NILA MAGAWANG BUONG GITING NA SUMIPOT SA HUKUMAN AT PASINUNGALINGAN ANG MGA PARATANG? NAGTATAGO NA LAMANG SILA SA LAYLAYAN NG MGA ABUGADO NILA NA MAGSASABING “HINDI PO KASI NILA ALAM NA KAILANGAN PALA NILANG PUMUNTA SA HEARING”. BAKIT HINDI NILA DITO IPAKITA ANG BUONG TAPANG AT KISIG NILA? BAKIT SILA NAGTATAGO AT PILIT NA PINATITIGIL ANG MGA PAGDINIG NA ITO MISTULANG UBUSIN NILANG LAHAT ANG PERA NG IGLESIA SA KAKABAYAD NG SUHOL AT MGA ABOGADO AT MGA TAONG NAKAHANDANG TUMISTIGO SA MALI PARA LAMANG PAGTAKPAN ANG GINAWA NILANG KASAMAAN? Eto simplihan na lang natin, kung wala talagang ginagawang labag sa karapatang pantao, labag sa batas ang mga Ministro ng Sanggunian, bakit maglalakas loob na tumindig ang mga dating Ministrong ito (at Manggagawa, baka mag-react na naman kayo), anong mapapala nila? Ang totoo, nanganganib pa nga ang kanilang buhay, pwede naman silang manahimik na lamang at lumayo? Bakit sila naninindigan kung wala sila sa panig ng katwiran. Wala silang mapapala dito kung nanggugulo o naninira lamang sila. Ika nga, “IT DOESN’t MAKE SENSE”. Kaya magsaliksik, alamin, imbestigahan, ILAHAD ANG KATOTOHANAN, at HUWAG PAGTAKPAN O PIGILAN.

Bakit hindi ninyo magawang sabihin sa mga kapatid na huwag magalit sa mga nagsampa ng kaso laban sa Sanggunian? Bakit hindi ninyo maipaliwanag sa kanila ng buong kahinahunan na ang pinaguusapan sa kaso ay hindi naman DOKTRINA KUNDI USAPING LEGAL? Kaya hindi ito katumbas ng lagi na lamang nilang ipinangtatakip na “PAGLABAN SA PAMAMAHALA”. KUNG WALANG GINAWANG LABAG SA BATAS ANG SANGGUNIAN, BAKIT SILA SINAMPAHAN NG KASONG LEGAL? KUNG SA PALAGAY NINYO AY HINDI TOTOO ANG ISINAMPANG KASO, BAKIT HINDI NINYO MAGAWANG HINTAYIN NA MAPAKINGGAN ANG BAWAT PANIG AT BAKIT KAYO TUMATALON AGAD SA KONKLUSYON? Ang nilalabanan ng Ka Jun Samson at Ka Lowell Menorca at iba pa ay ang MASAMANG GINAWA SA KANILA NG MGA TAONG SINAMPAHAN NILA NG KASO, hindi ang doktrina ang kinakalaban nila at hindi rin ang Tanggapan ng Tagapamahalang Pangkalahatan. Sa mga bansa nga kung saan mataas ang dangal sa sarili ng mga tao, gaya ng JAPAN, yun lamang madawit ka sa iskandalo, kahit hindi pa nga napapatunayang nagkasala ka, nagpapakamatay na ang mga nakasuhan dahil sa kanilang mataas na uri ng pagpapahalaga sa “HONOR”, kung hindi man mag-“harakiri”, bumababa na lamang sa posisyon at nagpapaubaya sa imbestigasyon sa layunin na mapatunayan kung sya man ay nagkasala o hindi. Subalit nakalulungkot na ang mga Ministro sa Sanggunian na inaasahan sana natin na nagtataglay ng matataas na uri ng pagiging tapat, nakaladkad na nga sa katakut-takot na isyu ng anomalya at katiwalian subalit hindi man lamang natitinag at, ika nga, kapit tuko sa posisyon, wala na talagang hiya o dangal sa sarili. Kaya ang ginagawa nila ngayon, sa halip na linisin ang pangalan nila sa pamamagitan ng pagsasailalim sa imbestigasyon ng hukuman, mas pinili pa nila na tugisin lahat ang mga Ministro, Manggagawa, Maytungkulin, Kapatid na “gising na” sa katotohanan at nakakaalam ng totoo na may nagaganap nga na mga anomalya at katiwalian lalo na sa pananalapi sa Iglesia. Di baleng lipulin lahat ng Sanggunian at ipagtitiwalag lahat ng mga kapatid na iyan, huwag lamang silang malantad sa kanilang ginagawang kalapastanganan, lubhang napakalaki ng mawawala sa kanila kasi, ginawa na nilang “retirement plan” o gatasan ang Iglesia.

Bilang panghuli, nais ko sanang himukin ang lahat ng mga Ministro at Manggagawa, balikan po ninyo ang “Basics” sa Ministerio. Kanino po ba tayo naglilingkod? Sa Diyos o sa tao, o sa posisiyon, o sa pera, o sa sarili? Papayag ba kayo na sa paningin ng Ama ay makita Nya na naging duwag kayo at hindi nagawang manindigan para sa Kaniyang kawan? Hanggang kailan kayo mananahimik at magiging sunud-sunuran ng mga makasarili at mabalasik na Sanggunian? Handa na ba kayong ituro sa mga bata na kung hindi sila magkasundo ng mga kapatid nila at ng kanilang magulang ay maaari na nilang itakwil at isumpa dahil sa iyon ang utos ng Diyos? Iyan ba ang “Legacy” na iiwan natin sa kabataang Iglesia Ni Cristo? Wala na bang halaga ang aral ng Diyos na mahalin mo ang iyong Kaaway, lalo pa ang iyong Kapatid, LALO NA ANG IYONG MAGULANG. Kaya na ba ninyong sikmurain na ibuyo ang mga kapatid na maging mabagsik, mapaghimagsik, mahalay, mapangkutya, mapagmura, kahit pa ito ay itinuturing nyong kaaway ninyo? Lubos na ba kayong kumbinsido at solido na kahit na MALI NA ang ipinapagawa sa inyo ng PAMAMAHALA ay pikit-mata kayong susunod? Kahit labag na sa batas ay susundin pa rin ninyo dahil sa kokonsensyahin kayo na “Kung buhay nga ay handa ninyong ibigay….Ito pa kaya? Magsinungaling pa kaya? Mangkidnap pa kaya? Magpakulong pa kaya? Pumatay pa kaya? Wala kayong hindi gagawin di ba? EH ANG SUMUNOD NG HIGIT SA PANGINOONG DIYOS? Nakalimutan na ba ninyo?

Mga kapamatok sa Ministerio… Alam ko po marami sa inyo ang halos walang magawa kundi sumunod sa pinagagawa ng Sanggunian o kaya ay sumunod sa Tagapangasiwa ng Distrito, maging sa pagtuturo sa leksyon sa Pagsamba ay kailangang de-numero ang kilos at salita ninyo at kung hindi ay ipapatawag kayo at pagkakamalang kumakalaban sa Pamamahala. Pero hanggang kelan kayo magiging sunud-sunuran sa mali? Sa palagay po ba ninyo hindi alam ng mga kapatid na sumasamba ang totoo? Kung meron mang nabubulagan sa Lokal na pinangangasiwaan ninyo, mas marami ang gising na at nayayamot tuwing pagsamba na puro na lang handugan, pagpapasakop, tiwalag, handugan, lipulin mo po sila etc. ang naririnig nila. Wala ng pag-ibig sa kapatid, wala na ring pagsama ng Espiritu Santo. Napapaluha na lang ang mga kapatid at tinitiis kahit na nauumalab na ang kanilang mga damdamin sa mga Ministrong sunud-sunuran at lapastangan. Hinihintay kayo ng mga tunay nakapatid na manindigan. Kung hindi kayo ang titindig para sa tama… Sino? Kung hindi kayo ang mangunguna sa pagtataguyod ng katotohanan…Sino? Kung  hindi ninyo ipagpapauna ang kapakanan ng Iglesia… Sino? Kung hindi kayo maglalakas loob na itigil na ang KASINUNGALINGAN AT KASAMAAN…Sino? Kung hindi ninyo ito gagawin ngayon…? KAILAN PA? Kapag nabuyo na ang lahat ng mga kapatid sa pagkapoot? Alam naman nating wala ring kaligtasan sa ganun. Sana kapag nanalangin kayo sa Panginoong Diyos, maramdaman ninyo Syang muli at maiparamdam din Niya sa inyo na KAWAL NIYA KAYO SA KATOTOHANAN AT HINDI SA KAMALIAN. Inilagay kayo sa Iglesia para pangunahan ang mga tupa sa ligtas na lugar at hindi sa kaputikan at kapahamakan. Sana ang mga bagong mga lumulusong sa Ministerio, magpakatatag kayo, isapuso niyo ang mga aral ng Diyos at huwag salapi, posisyon at kapangyarihan ang inyong punteryahin, huwag ang pagpapasikat at pagiging “malapit” sa mga nasa kapangyarihan ang inyong asintahin. Sa Diyos kayo magpalakas mga Manggagawa, huwag sa tao. Kayo ang susunod na henerasyon ng mga kawal ng Diyos, anong uring kasaysayan sa Ministerio kaya ang masusulat ukol sa inyo? Itaguyod ninyo ang kabanalan ng Ministerio na sa kasawiang-palad ay nalapastangan na ng ibang makasarili at makamundong Ministro. May pag-asa pa. Nasa inyo ang pag-asa…

Sa mga Ministro sa Sanggunian, Ka Radel, maningning ang Ministeriong sinimulan mo, wag mo sanang hayaang tuluyang kang pagdimlan…Ka Roland, hindi iyan ang Ministeryong iniwan sayo ng iyong Ama, hindi ganyan ang paraang itinuro sayo ng Ka Erd, bakit ka nagkaganyan?… Ka Bien, hindi ka inutil, hindi bingi, hindi ka pipi… inilagay kang bantay sa Iglesia ng Ka Erdy mismo, sana wag kang magsawalang kibo at umayon na lamang sa masamang nangyayari ngayon. Ka Erning, mabuti kang Ministro sa mahabang panahon… huwag naman sa ganito mo wawakasan ang malinis na pangalan ng Samabahayan ninyo. Ka Bularan, magiting kang Tagapagtanggol ng Iglesia noon, wag kang papayag na magpapahinga ka na ganyan mo iiwan ang Iglesia na hindi ka nagsalita para sa tama. Ka Rodel, papayag ka na lamang ba na manahimik hanggang wakas ng hindi man lamang naninindigan sa tama at katotohanan dahil sa pakinabang na materyal? Ka Matt, bakit ka nagkaganyan? Dati kang magiting na batang Minsitro na may magandang kasaysayan, ilang beses kang nadapa pero itinindig kang muli ng Ka Erdy at pinayuhan upang maituwid ang iyong maling landas, bakit ngayong nawala lang siya ay nagpakalihis ka ng muli? At sa mga dating Sanggunian, Ka Benefrido, alam nating lahat sa Ministerio na kung meron mang hindi pwedeng magmalinis, kayo po iyon. Bakit ngayong binigyan kayong muli ng kaunting pagtitiwala ng Ka Eduardo ay nagmalabis na kayo agad at nagawa ninyo ang mga hindi maktaong bagay sa mga Minstro at Manggagawa? Ganyan ba talaga kataas ang tingin mo sa sarili mo? Alam kong mula pagkabata ay paborito mo na ang Godfather genre, yang ugali at isipang kriminal, yang paghalik-halik sa kamay, yang mala-sindikatong gawain, pero brad, Ministro ka… Ministro ka… bakit ikaw pa ang tumutugis at sumasalbahe sa mga kapwa natin Ministro? Ka Arnel, nakalulungkot… minahal ka ng labis ng Ka Erdy… subalit nagawa mong lapastanganin ang tiwala nya sa iyo. Ikaw pa ang nagpakasangkapan para lapastanganin ang asawa at mga anak ng Ka Erdy. Hindi ka dating ganyan, kilala kita… Magiting kang Ministro, bakit ka nagpadala sa suhol? Bakit mo binaba ang uri ng Ministeryong itinaguyod mo noon. Sana may natitira pang kahit maliit na bahagi sa puso mo na “Dating Ka Arnel” na hinangaan ng maraming mga Kamanggagawa natin at mga kapatid. Lahat tayo magsusulit sa Panginoong Diyos pagdating ng Paghuhukom, maging ako at ang aking Samabahayan at mga katulad ko sa buong mundo, sasalubong sa Panginoong Jesucristo na taas noong sasabihin naming ipinaglaban namin ang Kawan, hindi kami naging piping aso na hindi nakatahol ng mayroong panganib at kasamaan, nanindigan kami sa tama at sa katotohanan, hindi namin ipinagpauna ang sinomang tao kaysa pagsunod sa kalooban ng Panginoong Diyos. Salamat sa Panginoon at ginamit Niya ang maraming mga kapatid upang magsiwalat at hadalangan ang mga katiwalian na dumudungis sa Kaniyang Bayan. Kaawaan nawa tayong lahat ng Panginoong Diyos.

At oo nga pala, ikaw naman Kapatid na Glicerio “Jun” B. Santos Jr….(To be continued. Kulang ang isang artikulo para lamang sa iyo.)

Maraming Salamat po sa inyong malawak na pang-unawa. (English translation to follow)

Antonio Ebangelista

“They tried to bury us…they didn’t know we were seeds.”

Contact Information

Offcial Email: AntonioRamirezEbangelista@gmail.com

Official Blog: Http://incsilentnomorebackup.wordpress.com

Official Facebook Page: https://www.facebook.com/Iglesia-Ni-Cristo-Silent-No-More-by-Antonio-Ramirez-Ebangelista-1611787305760651/

Official Facebook Account: https://www.facebook.com/antonio.ebangelista.77

Official Instagram: @antonioebangelista

Official Twitter: @AEbangelista1

Also visit: https://www.facebook.com/RestoretheChurch

#iglesianicristo #inc101 #inccentennial #centennial #inc4life #incootd #incfashion #icmedianews #inctv #net25 #incmedia #increview #fymfoundation #mycountrymenmybrethren #kabayankokapatidko #incselfiechallenge #incwikileaks #sanggunian #radelcortez #gerrypurification #junsantos #gliceriosantosjr #rodelcabrera #biensantiago #erdzcodera #ernestosuratos #mattpareja #antonioebangelista #silentnomore #iglesianicristosilentnomore

Exit mobile version