Site icon Iglesia Ni Cristo – Silent No More by Antonio Ramirez Ebangelista

THE STORY OF THE COFFEE TABLE BOOK

Abril 21, 2015

Paksa: FYM at EGM Coffee Table Book

Mga Mahal na Kapatid,

Ang Coffee Table Book (FYM + EGM) ay inilunsad ng Kapatid na Glicerio B. Santos Jr. “sa atas daw ng Tagapamahalang Pangkalahatan” upang pakinabangan ng lahat ng mga kapatid na malaman ang kasaysayan ng mga unang namahala sa Iglesia. Ito ay kaniyang unang ipinakita noong nagdaang Video Conferencing ng lahat ng mga Ministro at Manggagawa at itinatagubilin na dapat ang lahat ng Lokal ay magkaroon ng File nito na kukunin sa pondo ng Lokal. Dapat ang lahat ng mga Ministro at Manggagawa at estudyante ay magkaroon din nito. Dapat lahat ng mga Maytungkulin ay magkaroon din nito. HINDI NAMAN DAW MASAMA NA ANG BAWAT KAPATID AY MAGKAROON NITO. Ang halaga po ng isang aklat ay Php 1,500 kaya ang dalawang aklat ay nagkakahalaga ng 3,000 dito sa Pilipinas subalit mas mahal pa sa abroad dahil $50 ang isa. Hindi ito maaaring bilhin ng pa-isa-isa, kailangan ay magkasama ang dalawa o isang pares lagi. Automatic bawat tulong ito linggo-linggo hanggang sa mabuo ang Php 3,000. Sa Lokal ay sisimulan na rin itong ibenta subalit sa Pamamagitan ng “Tanging Handugan”. Ipapaliwanag ko sa inyo kung paanong nililinlang nila ang Iglesia sa pamamaraang naisip na ito ng Ka Jun.

Pababayaran nila ito sa mga kapatid na ito daw ay nakasobre na pang-Tanging Handugan at ihuhulog din sa Tanging Handugan Box na parang karaniwang Tanging Handugan.

Ang sobre nila ay lalagyan nila ng salitang “COFFEE TABLE BOOK”

Pagkatapos pagdating ng bilangan, ihihiwalay ang mga sobreng ito at “ibubukod ng pagbibilang” at HINDI isasama sa talaan ng P-13 (Talaan para sa Tanging Handugan).

Magkakaroon ng bukod na P-13 form na pagtatalaan ng mga Tanging Handugang ito SUBALIT HINDI ITO ISASAMA sa iba pang P-13 Form AT HINDI RIN ISASAMA SA OPISYAL NA RESUMEN NG P-13 FORM, gagawa na lamang ng sariling talaan ang Lokal para sa denomination at resument para dito.

Ang perang malilikom na ito ay HINDI ISASAMA SA OPISYAL NA RESIBO NG P-1 o yung tinatawag na RESIBO OPISYAL SA PAGSAMBA na opisyal na pinagtatalaan ng lahat ng salaping nagugugol sa panahon ng pagsamba.

HINDI RIN ITO ISASAMA SA SOBRE NG IE-ENTREGO sa Tanggapan ng Central. Ito ay bukod na bibilangin at BUKOD NA SOBRE na ipapadala sa Tanggapan ng Ka Jun Santos.

Ano po ang “VERY OBVIOUS” na ginagawa ng Tanggapan ng Ka Jun Santos sa ganitong pamamaraan? Pinalalabas nila na “Opisyal” na handugan ito sa Iglesia para hindi nga naman kwestyunin ng mga kapatid na pinagkakakitaan lang sila. Binilinan ang lahat ng mga Ministro na “sikapin” na mapabayaran ng buong Php 3,000 ang mga librong ito. Pero kung hindi talaga ay kahit gawin na lang itong “installment” linggu-linggo na ihuhulog nila sa Tanging Handugan at nasa mga Pastor iyon para tiyaking linggu-linggo ay nakakakolekta sila ng bayad kung hindi ay ibabawas sa tulong nila. At kapag hindi umorder ng libro ang mga kapatid sa Lokal na kanilang pinangangasiwaan ay “alam na daw nila ang ibig sabihin nun, hindi daw sila kaisang diwa ng Pamamahala na siyang naglunsad ng coffee table book na iyan”. Kaya takot din ang mga Pastor at pressured sila kaya mapipilitan silang kausapin ang mga kapatid ng personal upang hikayatin silang bumili ng aklat.

Alam naman nating lahat na sa panahon ng pamamahala ng Kapatid na Eraño G. Manalo, itinuro nya ang mahihigpit na tuntunin sa pananalapi sa Iglesia. Kaya mulat tayong lahat sa katotohanan na kapag tayo ay naghahandog sa panahon ng Pagsamba, ang ating mga handog ay banal ang pinaguukulan at hindi ito gagamitin sa hindi nya kaukulan. Alam ito ng lahat ng mga kapatid, lalo na ng mga maytungkulin. Kaya nga ano ang isa sa pinakamahigpit na tagubilin sa lahat ng mga Ministro at Manggagawa? BAWAL MAGLIKUMAN SA LOKAL. Kahit na kailangan lang natin ng pambili ng coupon bond o sobre, hindi namin pwedeng hingan at likuman ang mga kapatid. Kinakailangang may kaukulang P-10 Donasyon o P-10 Gugol ng Lokal para opisyal. May mga kaukulang opisyan na pormularyo at resibo para dito na kapag magkaroon man ng kahit isang sentimo na discrepancy ay magsasalaysay ang mga Maytungkulin sa pananalapi maging ang Ministro at kapag napatunayang may paglikom o anumang anomalya ay ikinadidisiplina ito o ikinasususpinde at kinawawala ng Karapatan.

Iyan ang pinangangamba naming mga Ministro at mga Maytungkulin na sumusuporta sa paglilinis sa Iglesia upang ibalik ito sa kaniyang dating malinis at walang dungis na katangian. Na kapag pinasimulan na nila na maglikom ng hindi opisyal na handog sa Iglesia at gagamitin pa nila ang banal na pagsamba para dito at ang mga maytungkulin na tagakolekta nila, nagsisimula na sila ng pagtalikod sa mga dalisay na utos ng Panginoong Diyos na mapanatiling walang dungis ang kasagraduhan ng Pagsamba at Handugan sa Iglesia. Nararamdaman na ito ng Tagapangasiwa, Ministro at Manggagawang, maytungkulin at mga Kapatid na nananatiling tapat sa Diyos. Ramdam natin kung gaano kapangahas na ang Ka Jun Santos para haluan ng pagnenegosyo ang banal na Pagsamba at Handugan. Kung paanong ginagamit pa nya ang banal na kasaysayan ng Sugo at Ka Erdy para pagkakitaan ang libro ukol sa kanila at ipipilit itong ibenta sa mga kapatid. Kaya mga kapatid, paano kung kayo po ay kakausapin namin na mga Ministro at hihikayatin namin kayong bumili sapagkat ang “bilin” daw po ng Pamamahala ay BAWAT MAYTUNGKULIN ay DAPAT na magkaroon ng kopya nito…. ano po ang gagawin ninyo…?

Hindi na natakot ang Kapatid na Glicerio B. Santos Jr. na gamitin ang banal na pagsamba at banal na handugan sa kaniyang paghahangad sa mahalay na pakinabang. Sa ganitong paraan din nahayag si Hudas sa panahon ng Panginoong Jesucristo noon, animo’y nagmamalasakit para sa kawan subalit sariling tiyan lamang ang pinaglilingkuran. Nang ipinagkanulo ni Hudas ang Panginoong Jesucristo noon, bagama’t nagsisi sya ay hindi na siya pinakundanganan ng langit. Huwag nawang mangyari ito sa Kapatid na Glicerio B. Santos, ng buong Sanggunian at ng kanilang buong Sambahayan.

Tulungan nawa tayong lahat ng Panginoong Diyos.

Antonio Ebangelista

“They tried to bury us…they didn’t know we were seeds.”

Contact Information

Offcial Email: AntonioRamirezEbangelista@gmail.com

Official Blog: Http://incsilentnomorebackup.wordpress.com

Official Facebook Page: https://www.facebook.com/Iglesia-Ni-Cristo-Silent-No-More-by-Antonio-Ramirez-Ebangelista-1611787305760651/

Official Facebook Account: https://www.facebook.com/antonio.ebangelista.77

Official Instagram: @antonioebangelista

Official Twitter: @AEbangelista1

Also visit: https://www.facebook.com/RestoretheChurch

#iglesianicristo #inc100 #inccentennial #centennial #inc4life #incootd #incfashion #icmedianews #inctv #net25 #incmedia #increview #fymfoundation #mycountrymenmybrethren #kabayankokapatidko #incselfiechallenge #incwikileaks #sanggunian #radelcortez #gerrypurification #junsantos #gliceriosantosjr #rodelcabrera #biensantiago #erdzcodera #ernestosuratos #mattpareja #antonioebangelista #silentnomore #iglesianicristosilentnomore

Exit mobile version