Posted onMay 13, 2015
When A Worship Service Lesson Becomes Self-Serving for the Sanggunian
Mga Kapatid, narito po ang sipi ng leksyon na ituturo naming mga Ministro sa pagsambang pang-Miyerkules at Huwebes (Mayo 13/14, 2015) na inihanay ng Kapatid na Maximo Bularan Jr., kabilang sa Sanggunian sa Iglesia upang muling gamitin ang kasagraduhan ng tribuna at pulpito upang umiwas pa rin sa pagsagot sa mga isyu ng katiwalaian ng mga nasa Sanggunian, bagkus ang kanilang patuloy na ipinagsisigawan at pinangangatwiranan, na syang mababasa ninyo sa hanay ng leksyon na kanilang ginawa, na ito raw ay paglaban sa Tagapamahalang Pangkalahatan at sapat na dahilan para itiwalag ang sinoman na gagawa nito. Basahin po ninyo ang nilalaman ng leksyon at ibinigay na komentaryo ng ilang mga Tagapangasiwa na nagpadala sa akin ng leksyon na ito. Nais ko lang pong linawin na wala kaming tinututulan sa mga talatang ginamit sa leksyon, ang nililinaw po at sinasagot namin sa ay ang kanilang maling paggamit ng mga talata sa leksyon ito upang gamitin nila sa kanilang sariling kapakanan upang mapangatwiranan nila ang kanilang ginagagawang katiwalian at upang gipitin at takutin ang mga kapatid na huwag ng magtanong at magsuri ukol sa mga nagaganap na katiwalian sa loob ng Iglesia ngayon. Nakapaloob po sa [***___***] ang kanilang mga komentaryo.
ANG URI NG KAPATID NA SUMISIRA SA PAGKAKAISA NG IGLESIA NI CRISTO
ISYU
Ang mga kapatid na hanggang ngayon ay nabubuhay pa sa laman ang sumisira ng pagkakaisa ng Iglesia Ni Cristo.
MGA LAYUNIN
- Liwanagin ang ikakikilala sa mga kapatid na sumisira sa pagkakaisa ng Iglesia Ni Cristo—sila’y mga taong sa laman.
- Ipapansin ang masamang ginagawa ng mga kapatid na lumilikha ng mga pagkakabaha-bahagi sa Iglesia.
- Ipaunawa na si satanas ang siyang nag-uudyok sa sinumang kapatid na tumatangging makipagkaisa sa ipinapasiya ng Namamahala sa Iglesia.
- Bigyang-diin kung anong pag-iisip ang dapat taglayin ng mga Iglesia Ni Cristo nang huwag masira ang pagkakaisa.
PANIMULA
Gaya ng ating nalalaman, may mga kilusang inilulunsad ang Namamahala sa Iglesia, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo. Halimbawa, ang Masaganang Pagbubunga, ang paglingap sa mga kapatid at hindi kapatid na nangangailangan ng tulong, ang pagpapatibay sa mga kapatid sa paraang lalong pagtalagahan ang mga paglilingkod at pagsamba sa Diyos, ang paghikayat sa mga kapatid na tumanggap ng tungkulin sa Iglesia, at ang gawing totohanan o puspusan ang pagbabagong-buhay.
Sa awa at tulong ng Diyos at sa pakikiisa ng mga ministro, mga manggagawa, mga maytungkulin sa Iglesia, at ng marami nating mga kapatid ay nagtagumpay at patuloy na nagtatagumpay ang mga kilusang ito. At ang Iglesia, sa kabuuan, sa kabila ng iba’t ibang kasamaang naghahari sa mundo ay nakapamamalaging malinis sa paningin ng Diyos, sapagkat ang mga kapatid ay patuloy na nagsisikap na mabuhay sa kabanalan. Ang Iglesia, bagama’t nakalaganap na sa mundo, ay parang iisang tao na gumagawa—kaisa sa lahat ng kilusan na inilulunsad ng ating Namamahala.
Subalit, may ilan pa ring hindi na nga nakikipagkaisa sa Namamahala ay tumututol pa. May mga ikinakatuwiran at sinasabi silang iba’t ibang dahilan kaya hindi nila magawa ang makipagkaisa. Ano kaya ang sinasabi ng Biblia tungkol sa mga ganitong uri ng kapatid?
[*** Kung mapapansin po ninyo ay tinukoy nila na ang Iglesia ay namamalaging malinis sa paningin ng Diyos dahil sa ang mga Kapatid ay nagsisikap na mabuhay ng may kabanalan, tama po ang pahayag na iyon, subalit hindi naman ang pinupuna sa mga inilalabas sa social media ay ang mga paglabag ng mga karaniwang kapatid sa mga aral ng Diyos kundi ang mga katiwalian ng SANGGUNIAN dahil sa kanilang pagmamalabis sa kapangyarihan, di maipaliwanag na kayamanan, at namumuhay para sa kanilang pansariling kapakinabangan at nililinlang ang Tagapamahalang Pangkalahatan ukol sa tunay na kalagayan at suliranin na kinakaharap ng Iglesia ngayon. Ang leksyon na ito ay isang katunayan na sapagkat hindi nito naa-adres ang tunay na suliranin, kundi ang inilalabas nilang di-umanoy suliranin para ilihis ang Tagapamahalang Pangkalahatan sa katotohanan.***]
PASIMULA:
ANONG URING KAPATID ANG SUMISIRA SA PAGKAKAISA?
- Ang mga nasa laman…………………………………. I Cor. 3:3-4
3Sapagka’t kayo’y mga sa laman pa: sapagka’t samantalang sa inyo’y may mga paninibugho at mga pagtatalo, hindi baga kayo’y mga sa laman, at kayo’y nagsisilakad ayon sa kaugalian ng mga tao? 4Sapagka’t kung sinasabi ng isa, Ako’y kay pablo; at ng iba, Ako’y kay apolos; hindi baga kayo’y mga tao?
- Ayon kay Apostol Pablo, ang mga taong sa laman pa ay ang mga kapatid na “may mga paninibugho at mga pagtatalo” na sumisira sa pagkakaisa. Ang mga gayon ay “nagsisilakad ayon sa kaugalian ng mga tao.” Ano ang kanilang ipinipilit kaya hindi nila magawang makipagkaisa? Ang sarili nilang kagustuhan. Maging sa panahon ng mga apostol sa unang Iglesia ay mayroon na ring ganiyang pangyayari. Mayroong ang gusto ay si Apostol Pablo, mayroon namang ang gusto ay si Apolos.
- Ano ang masamang ginagawa ng ganitong uring mga kapatid?
- Binabahagi si Cristo……………………………….. I Cor. 1:12-13
12Ibig ko ngang sabihin ito, na ang bawa’t isa sa inyo ay nagsasabi, Ako’y kay pablo; at ako’y kay Apolos; at ako’y kay Cefas; at ako’y kay Cristo. 13Nabahagi baga si Cristo? Ipinako baga sa krus si Pablo dahil sa inyo? O binautismuhan baga kayo sa pangalan ni Pablo?
- Ito marahil ang hindi alam ng mga kapatid na ang ipinipilit ay ang kanilang kagustuhan o batay sa kanilang sarili. Binabahagi nila si Cristo. Hindi ba napakasamang gawain ito? Hindi ito dapat masumpungan sa kaninumang kapatid. Isipan at gawain ito ng mga taong sa laman.
- Bakit hindi na tayo dapat masumpungan sa isipan at gawain ng mga taong sa laman?
- Wala sa laman ang kay Cristo………………….. Roma 8:9-10
9Datapuwa’t kayo’y wala sa laman kundi nasa sa Espiritu, kung gayo’y tumitira sa inyo ang Espiritu ng Dios. Datapuwa’t kung ang sinoma’y walang Espiritu ni Cristo, siya’y hindi sa kaniya. 10At kung si Cristo ay nasa sa inyo, ang katawan ay patay dahil sa kasalanan; datapuwa’t ang espiritu ay buhay dahil sa katuwiran.
- Ang mga tunay na kapatid ay wala na sa laman, kundi nasa sa Espiritu o sa Diyos na. Kaninong espiritu na ang tumatahan sa kaniya? Ang espiritu ng Diyos, na siya ring espiritu ni Cristo. Ang walang espiritu ni Cristo ay hindi sa Kaniya, hindi tunay na Iglesia Ni Cristo. Kalaban sila ng Diyos at ni Cristo.
- Ang Diyos at si Cristo ang may nais na magkaisa ang Iglesia. Para ito’y matupad, naglagay ang Diyos ng isang Namamahala sa Iglesia, ang Kapatid na Eduardo Manalo, na siyang magpapasiya at sa kaniya tayo nakikipagkaisa upang hindi magkaroon ng baha-bahagi sa Iglesia.
- Ano ang dapat gawin sa mga pinagmumulan ng pagkakabaha-bahagi dahil ayaw pasakop at makipagkaisa sa Namamahalang inilagay ng Diyos sa Iglesia?
- Tandaan at layuan …. ………………………….. Roma 16:17-18
17Ngayo’y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na tandaan ninyo yaong mga pinanggagalingan ng pagkakabahabahagi at ng mga katitisuran, laban sa mga aral na inyong nangapagaralan: at kayo’y magsilayo sa kanila. 18Sapagka’t ang mga gayon ay hindi nagsisipaglingkod sa Cristong Panginoon, kundi sa kanilang sariling tiyan; at sa pamamagitan ng kanilang mabuting pananalita at maiinam na mga talumpati ay dinadaya ang mga puso ng mga walang malay.
- Ayon sa mga apostol, sino ang dapat nating tandaan at layuan? Ang mga pinanggagalingan ng pagkakabaha-bahagi at mga katitisuran. Bakit? Sapagkat kalaban sila ng aral ng Diyos na ating tinanggap. Hindi ba maliwanag na aral ng Diyos at ni Cristo na tayo’y makipagkaisa at pasakop sa inilagay ng Diyos na mamahala sa Iglesia? Kaya ang sinuman na hindi kikilala, pasasakop, at makikipagkaisa sa Namamahala sa Iglesia ay tahasang nakikipaglaban sa Diyos at sa ating Panginoong Jesucristo. Kaya dapat lamang na sila’y layuan o iwasan.
- Ano pa ang masama nilang ginagawa kaya dapat silang layuan? Ang sabi, “Sa pamamagitan ng kanilang mabuting pananalita at maiinam na mga talumpati ay dinadaya ang mga puso ng mga walang malay.” Kaya kapag ang ganitong uri ng kapatid ay hindi nagbago, inaalis sila o itinitiwalag sa Iglesia, sapagkat lumilikha sila ng pagkakabaha-bahagi at pagkakampi-kampi.
[*** Wala po tayong tutol sa nilalaman ng talata, subalit ang tinututulan natin ay ang kanilang paggamit ng mga talatang ito upang palabasin ang kanilang pinupunterya. Pinalalabas nila na mayroong mga taong lumalaban sa Tagapamahalang Pangkalahatan dahil sa ayaw magpasakop at makipagkaisa. Subalit hindi naman iyan ang isyu ng Iglesia ngayon, hindi ang Tagapamahalang Pangkalahatan ang aming binabatikos kundi ang katiwalian ng Sanggunian, bakit ba lagi nilang ibinabalandra ang Ka Eduardo V. Manalo para lamang makapagtago sila sa likod ng namamahala dahil sa hindi nil akayang harapin ang totoong isyu ng katiwalian na pinasimulan ng Sanggunian. Ang dapat nating lalong mapansin sa talatang binasa ay sino daw ang dapat na layuan? Ang mga kapatid na pinanggagalingan ng pagkakabaha-bahagi at katitisuran. Ngayon alamin po natin, sino po ba ang lumilikha ng pagkakabaha-bahagi at katitisuran? Kami po ba na nagsisiwalat ng katiwalian na pilit nilang tinatago at hinaharang para hindi makarating sa kaalaman ng Tagapamahalang Pangkalahatan? O yaon bang may ginagawang paglabag, may itinatagong di-maipaliwanag na kayamanan, umaabuso sa kapangyarihan, lumulustay ng salapi ng Iglesia mula sa banal na handugan at marami pang iba. Hindi ba’t iyan ang katitisuran sa Iglesia, iyan ang dahilan kaya nababahagi ang Iglesia, hindi alam ng mga kapatid kung saan sila papanig, doon ba sa ginagawang katiwalian ng mga nasa Sanggunian para lamang hindi sila gipitin at matiwalag, o papanig ba tayo sa tama, sa pagsunod sa kalooban ng Diyos at lalabanan natin anglahat ng uri ng katiwaliang ito? Sa lahat ng pinagmumulan nito, ang sabi ng Biblia, layuan natin sila o itakwil natin sila. Angmg aganitong uri ng tao ang siyang dapat na itinitiwalag sa Iglesia upang huwag pamarisan ng ibang mga kapatid.***]
- ANO ANG KASAMAANG IBUBUNGA NG PAGKAKABAHA-BAHAGI O PAGKAKAMPI-KAMPI?
- Ikawawasak ng kaharian ……………………….. Mar. 3:24-26
24At kung ang isang kaharian ay magkabahabahagi laban sa kaniyang sarili, hindi mangyayaring makapanatili ang kaharian yaon. 25At kung ang isang bahay ay magkabahabahagi laban sa kaniyang sarili, ay hindi mangyayaring makapanatili ang bahay na yaon. 26At kung manghihimagsik si Satanas laban sa kaniyang sarili, at magkabahabahagi, hindi siya makapanananatili, kundi magkakaroon ng isang wakas.
- Ang sabi ni Cristo, “Kung ang isang kaharian, maging ang isang bahay ay magkabaha-bahagi laban sa kaniyang sarili, hindi mangyayaring makapanatili ang kaharian o bahay na yaon.” Tandaan natin na ang Iglesiang itinayo ni Cristo ay itinulad ng Biblia sa isang kaharian at bahay.
- Kaya hindi pakukundanganan ng Namamahala ang sinumang pinagmumulan ng pagkakampi-kampi at pagkakabaha-bahagi—aalisin o ititiwalag sila sa Iglesia. Hindi papayag ang ating Namamahala na mapinsala o wasakin ang Iglesia na pinamuhunanan ni Cristo ng buhay at pinagsakitan din ng Kapatid na Felix Manalo at ng Kapatid na Eraño Manalo, noong sila pa ang namamahala sa Iglesia. Hindi isasakripisyo ng ating Namamahala ang Iglesia dahil lamang sa mga taong ang pinahahalagahan ay ang kanilang pansariling kapakanan kaysa kapakanan ng Iglesia.
- Ano ang aral na itinuro ng mga apostol na dapat nating sundin upang mamalaging natutupad natin ang pagkakaisa sa loob ng Iglesia?
- Ang aral na dapat sundin ……………………………. I Cor 1:10
10Ngayo’y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kayong lahat ay mangagsalita ng isa lamang bagay, at huwag mangagkaroon sa inyo ng mga pagkakabahabahagi; kundi kayo’y mangalubos sa isa lamang pagiisip at isa lamang paghatol.
- Napansin ba ninyo? Hindi sa panahon lamang ng pamamahala sa Iglesia ng Kapatid na Felix Manalo at ng Kapatid na Eraño Manalo itinuro at ipinatupad sa Iglesia ang pagkakaisa, kundi maging sa panahon pa ng mga apostol. Kaya hindi isang bagong aral ang pagkakaisa na itinataguyod ng kasalukuyang Namamahala, ang Kapatid na Eduardo Manalo.
- Ano ang aral na itinuro ng mga apostol para maingatan ang kaisahan sa Iglesia? Ang sabi, “Kayong lahat ay mangagsalita ng isa lamang bagay, at huwag mangagkaroon sa inyo ng mga pagkakabahabahagi; kundi kayo’y mangalubos sa isa lamang pag-iisip at isa lamang paghatol.”
- Kaya, kung sa kapulungang ito ay mayroon pang mga kapatid na hindi lubusang nakikipagkaisa sa mga kilusang inilulunsad ng Pamamahala ay dapat matawagan ng pansin at magsuri. Ang nilalabanan nila ay ang mga aral ng Diyos na nakasulat sa Biblia, na ito’y katumbas na rin ng paglaban nila sa Diyos.
[*** Hindi ba’t halatang halata na bigla na lamang nilang isisingit ang pakikipagkaisa sa namamahala sa Iglesia pagkatapos ay mananakot sa mga Kapatid na kapag hindi nakipagkaisa sa mg aproyekto na inilulunsad nila ay ititiwalag dahil sa ito ay paglaban sa Diyos? Wala namang nakikipagtalo sa isyu na ito sapagkat lahat naman ng mga Kapatid ay nakikipagkaisa sa pag-ibig at pagmamahal sa kasalukuyang Tagapamahalang Pangkalahatan at sinisikap ng mga kapatid na kahit na mahirap ang buhay at ginagawa nila ang lahat para matugunan ang lahat ng mga ipinanawagan ng Pamamahala para sa Iglesia. Samakatuwid, sa ano hindi nakikipagkaisa ang mga kapatid sa Iglesia? Sa pagsangayon sa katiwaliang ginagawa ng mga Minsitrong nasa Sanggunian, sa pangangalakal sa Iglesia sa pamamagitan ng iba’t-ibang ibinebenta at ipinabebenta sa mga Minsitro at mga kapatid na wala namang kinalaman sa ating paglilingkod manapa ay taliwas pa nga sa mga doktrinang ating tinanggap. Halimbawa na lamang ay ang katatapos lamang na concert ni Katy Perry na halos nakahubad na ang mga performers na kumakanta at sumasayaw. Pagkatapos manunood ang mga kabataang Iglesia Ni Cristo at pagkatapos kung sila ay magkikilos sanlibutan din, magdadamit ng gaya ng napanood nila, anong sasabihin natin sa kanila, huwag nilang gagawin yun dahil mali yun? Eh bakit wala tayong kaingat-ingat na ipinalabas iyon sa gusaling kilang-kilala sa buong mundo na pag-aari ng Iglesia Ni Cristo? Sa INCTV at NET25 nga, bagamat marami tayong pwede sanang maipalabas na mga palabas, subalit hindi maaari sapagkat baka ito makapagbigay ng maling impresyon sa mga kapatid na ganito ang ipino-promote ng Iglesia Ni Cristo na may nalalabag naman sa Doktrina na ating tinanggap sa Iglesia. Kung gayon, bakit pagdating sa Philippine Arena, ay kahit ano na lamang ay pwede basta may maipapasok na pera sa pamamagitan ng ticket sales na malimit ay sa mga pobreng mga kapatid sa mga Lokal din naman pilit na ipinabibili, at kapag hindi naibenta ay sa Pastor ikakaltas ang halagang ito? Ipinalabas ang laban ni Manny Pacquiao at Mayweather, naging “venue” pa tayo ng malakihan at malwakang sugalan sa buong mundo? Makikipagkaisa na rin ba tayo sa pagsusugal na syang pangunahing nagpapaandar sa mundo ng boxing, pati ang mga sponsors nila na inuming nakalalasing o mga bagay na labag sa ating doktrina, ibig sabihin makikipagkaisa na rin tayo dun? Nagconcert ang K-Pop, isang kultura ng kalayawan sa mg akabataan, makikipagkaisa na rin ba tayo? Ilan lamang ito sa mga bagay na naitatanong ng mga kapatid sa mga Ministro at sa mga Sanggunian, subalit sa halip na sagutin ito, ay itong mga ganitong leksyon sa pagsamba ang kanilang gagamitin para huwag na lang tayong magtanong sa isang bagay na hindi naman nila kayang sagutin. Ang problema kasi sa Sanggunian, kapag sila ang binabatikos dahil sa kawalan nila ng tunay na pagmamalasakit sa Iglesia kundi sa sarili lamang nila, ang kanilang itinuturo lagi ay ang Tagapamahalang Pangklahatan. Ibig bang sabihin ang Kapatid na Eduardo Manalo ang siyang personal pang namili na si Chris Brown ang magpeperform sa Year End Celebration ng Iglesia? Ang Ka Eduardo ang namili sa KPOP Group at kay Katy Perry bilang mga performers sa Philippine Arena? Sila lang ang may gawa nito ng hindi nag-iisip kung ano nga bang mensahe ang ibinibigay nito sa buong Iglesia, ano nga bang imahe ang ibinibigay nito sa Iglesia?***]
- Ano ang ipinagbabawal ng Diyos upang malubos tayo sa isang pag-iisip, sa gayo’y magawa natin ang pakikipagkaisa sa anumang ipinapasiya ng Namamahalang inilagay Niya sa Iglesia?
- Huwag pantas sa sariling haka ………………… Roma 12:16
16Mangagkaisa kayo ng pagiisip. Huwag ninyong ilagak ang inyong pagiisip sa mga bagay na kapalaluan, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. Huwag kayong mga pantas sa inyong sariling mga haka.
- Pinagbabawalan tayo na maging pantas sa sariling haka. Paano natin maiiwasan ito? “Huwag nating ilagak ang ating pag-iisip sa mga bagay na kapalaluan, kundi sa kapakumbabaan.”
- Sino nga ba ang hindi magawa ang pakikipagkaisa at pagpapasakop sa Namamahala sa Iglesia bagkus ay nagsasalita pa ng laban sa kaniya? Hindi ba ang mga taong palalo? Hindi nila magawang magpakumbaba at magtanggi ng sarili. Binulag sila ng paniniwala na higit ang kanilang katangian at kakayahan kaysa Namamahala. Hindi tuloy nila makita ang tulong at patnubay ng Diyos sa Pamamahala at sa mga kilusang inilulunsad nila sa Iglesia. Kung totoo ang paniniwala nila na sila ang higit na may kakayahan, bakit hindi sila ang inilagay ng Diyos na mamahala sa Iglesia? Ibig ba nilang sabihin, nagkamali ang Diyos? Ang Diyos ba ang mali at sila ang tama?
- Alam natin na maging sa panahon ng mga apostol ay may sumira sa pinagkaisahan noon ng buong Iglesia—ang mag-asawang Ananias at Safira.
[*** Sana ay mapansin po ninyo sa kanilang paliwanag na hindi na ito naghahayag ng impormasyon sa mga kapatid kundi nasa uring may sinasagot kunwaring mga alegasyon o paratang laban sa kanila at ang nakabalandra na naman ay ang Ka Eduardo V. Manalo. Bakit hindi nila tukuyin kung sino ang kanilang pinatatamaan sa hanay nila? Kulang n alang ay banggitin na nila ang pangalan ko. Subalit ang nakapgtataka, bakit kaya iyan ang mga isyung tinatalakay nila samantalang hindi naman iyan ang laman ng social media, hindi naman iyan ang isinisiwalat ko at ng marami pang iba? Iyan ang kanilang tinatalakay dahil sa nais nilang pagtakpan ang mga isyung totoo, ang ukol sa ginagawang katiwalian ng mga nasa Sanggunian. Sapagkat wala naman nagsasabing hindi karapatdapat ang Ka Eduardo sa pagiging Tagapamahalang Pangkalahatan, wala din namang nagsasabing sana iba na lang ang Tagapamahalang Pangkalahatan, kung meron man ay tiyak na hindi naman iyon ang isyu at isolated case lang iyon kung meron man. Kaya bakit iyan ang pinalulutang nila? Para linalangin ang tagapamahalang Pangkalahatan na mayroong mga taong lumalaban sa kaniya samantalang ang katotohanan ay ang nilalabanan natin ay ang katiwalian ng Sanggunian. Ganyan ang taktika nila ng pag-iwas sa isyu kung saan maiipit sila (Sanggunian).***]
- SINO ANG NAG-UDYOK SA MAG-ASAWANG ANANIAS AT SAFIRA NA SUMIRA SA PINAGKAISAHAN NG BUONG IGLESIA NI CRISTO?
- Si satanas ang nag-udyok ……………………… Gawa 5:3 at 9
3Datapuwa’t sinabi ni Pedro, Ananias, bakit pinuspos ni Satanas ang iyong puso upang magsinungaling sa Espiritu Santo, at upang maglingid ng isang bahagi ng halaga ng lupa?
9Datapuwa’t sinabi sa kaniya ni Pedro, Bakit kayo’y nagkasundo upang tuksuhin ang Espiritu ng Panginoon? Narito, nangasa pintuan ang mga paa ng mga nagsipaglibing sa iyong asawa, at kanilang dadalhin ka sa labas.
- Ayon kay Apostol Pedro, si satanas ang pumuspos sa puso o nag-udyok sa mag-asawang Ananias at Safira para sumira sa pinagkaisahan ng buong Iglesia. [Isalaysay nang maikli ang pinagkaisahan noon ng buong Iglesia, na dito hindi nakipagkaisa ang mag-asawa]. Samakatuwid, si satanas ang nag-uudyok sa sinumang tumatangging pasakop at makipagkaisa sa ipinapasiya ng Namamahala sa Iglesia.
- Sino rin ang pinatutunayan ni Apostol Pablo na gumagawa upang ang mga anak ng Diyos ay mahulog sa pagsuway?
- Ang gumagawa sa mga anak ng pagsuway…………………………………………………. Efe 2:1-2
1At kayo’y binuhay niya, nang kayo’y mga patay dahil sa inyong mga pagsalangsang at mga kasalanan, 2Na inyong nilakaran noong una ayon sa lakad ng sanglibutang ito, ayon sa pangulo ng mga kapangyarihan ng hangin, ng espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway;
- Ayon kay Apostol Pablo, ang pangulo ng mga kapangyarihan ng hangin, ng espiritu o si satanas o ang diablo ang gumagawa o nag-uudyok para ang mga tao ng Diyos ay mahulog sa pagsuway. Kaya, lagi nating babantayan ang ating sarili: ano ang damdamin natin kapag nagpapasiya ang Namamahala sa Iglesia? Gusto mo bang makipagkaisa o ayaw mo? Kung ayaw mong sumunod, ayaw mong pasakop, at makipagkaisa, ano lang ang kahulugan noon? Naimpluwensiyahan ka na ni satanas, o nadaya ka na ng diablo. Dahil dito …
[*** Hindi ba halatang halata na pagkatapos ilahad ang ukol sa hindi pakikipagkaisa ay agad na ipapasok nila ang Tagapamahalang Pangkalahatan na kapag nagpapasya siya eh tahasang nilang tinatanong ang kapulungan, makikipagkaisa ka ba? O Ayaw mo? Na ang katumbas na gusto nilang palabasin, ang anumang proyekto, panukala, aktibidad, pagbabago sa tuntunin, pagbabago sa doktrina sa Iglesia, pagpapatiwalag ng walang kaukulang dahilan at proseso, at anumang ihahain ng Sanggunian sa Tagapamahalang Pangkalahatan upang palagdaan sa kaniya na ang katumbas ay magiging pasya ng Pamamahala, ito ay ang paraan ng Sanggunian para maipatupad sa Iglesia ang lahat ng gusto nila. Sa dami ng inaasikaso ng Tagapamahalang Pangkalahatan, hindi na niya halos mahihimay-himay ang lahat ng mga aktibidad at panukala para sa Iglesia na pinapipirmahan sa kaniya ng Sanggunian kaya ganun na lamang ang tiwala nya sa kaniyang Sanggunian na para lamang sa ikabubuti ng Iglesia ang kanilang ginagawa na binibigyan ng Tagapamahala ng Kaniyang approval. Ito naman ang sinamantala ng Sanggunian, kaya ng napa-approved na nila ang lahat ng kanilang ginawang pagbabago sa Iglesia at mga panukala at proyekto, saka nila ngayon sasabihin sa Iglesia na ito AY PASYA MISMO NG TAGAPAMAHALANG PANGKALAHATAN KAYA DAPAT NATING SUNDIN NG WALANG KWESTYON O REKLAMO O RESERBASYON. Subalit ang katotohanan ay binigyan nila ng maling impormasyon ang Tagapamahalang Pangkalahatan upang makuha nila ang gusto nila at ngayon ang ipananakot nila sa mga kapatid ay kapag hindi sila sumunod ay lumalaban sila sa Tagapamahalang Pangkalahatan at katumbas nito ay sa diablo sila mapupunta.***]
- Ano ang ipinagbabawal sa atin para huwag tayong madaya ng diablo at ng kaniyang mga kinakasangkapan?
- Huwag kayong padaya sa sisira ng pagkakaisa …… Efe. 5:6-7
6huwag kayong madaya ng sinoman ng mga salitang walang kabuluhan: sapagka’t dahil sa mga bagay na ito’y dumarating ang galit ng Dios sa mga anak ng pagsuway. 7Huwag kayong makibahagi sa kanila;
- Tandaan natin ang sinabing ito ni Apostol Pablo: “Huwag tayong madaya ng sinoman ng mga salitang walang kabuluhan.” Ano ang isa sa mga halimbawa ng salitang walang kabuluhan o hindi ayon sa katotohanan? Sa Namamahala lang daw o sa tao sila hindi nakikipagkaisa o napasasakop at hindi sa Diyos. Paano nila sasabihing napasasakop sila sa Diyos kung hindi sila napasasakop sa Namamahalang inilagay ng Diyos sa Iglesia? Ito ang napakabigat na kasalanan na nagagawa ng mga nagtatakuwil o ayaw pasakop, ayaw gumalang at makipagkaisa sa Namamahalang inilagay ng Diyos sa Iglesia. Kaya sila itinitiwalag sa Iglesia.
- Ano ang kanilang iminamatuwid? Tao lang daw ang nagtiwalag sa kanila at hindi ang Diyos. Kaya sa lupa lang daw sila tiwalag. Hindi ba talaga namang tao ang inutusang magtiwalag (I Corinto 5:13 NPV)? Maliwanag rin sa atin na kung paanong ang pagtatali sa lupa ay pinagtitibay hanggang sa langit, gayundin ang pagkakalag sa lupa ay pinagtitibay hanggang sa langit (Mat. 18:18).
- Kaya anuman ang mangyari, patunayan natin na tayo ay napasasakop sa Namamahala sa paraang sumama tayo at gawin natin ang lubusang pakikipagkaisa sa lahat ng kilusan at proyektong inilulunsad nila sa Iglesia.
[*** Walangmali sa mga talatang ito at iisa lang naman ang nakikilala kong nagpahayag ng ganito at ito ay walang iba kundi si Ka Lito Fruto na itiniwalag ng Sanggunian, sa atas daw ng Tagapamahalang Pangkalahatan subalit hindi dumaan sa tamang proseso ngpagtitiwalag kaya makatwiran lamang na magdamdam yung kapatid na itiniwalag nila ng hindi man lamang nila kinausap, pinayuhan o binigyan ng pagkakataong magpaliwanag at magbago kung totoongnagkamali o nagkasala ang kapatid. Gaano ba kahalaga na sundan ng mga lingkod ng Diyos ang prosesong itinuro ng Panginoong Diyos? Halimbawa, paano kung ang proseso ng pagbabautismo ay hindi nila sinunod? Tatanggapin ba ito ng Panginoong Diyos? Halimbawa binautismuhan subalit isang basong tubiglang ang ginamit o kaya winisikan lang? Sa panahon ng unang bayan ng Panginoong Diyos, si Nadab at Abiu, ng hindi sinunod ang prosesong itinuro ng Panginoong Diyos sa paghahandog ay hindi lang basta hindi tinanggap at pinapaging dapat kundi pinarusahan pa sila, si Uzza ng may naging kamalian sa proseso ng pagtupad ng kaniyang tungkulin, bagamat nagmamalasakit pa ay hindi lang basta hindi kinalugdan kundi pinarusahan at pinatay pa sa siping ng kaban ng Diyos. Ano lamang ang mga kahulugan nito, mahalaga ang pagsunod sa kalooban ng Diyos, subalit hindi pwedeng sa kaparaanang gusto na lamang ng Sanggunian, hindi pwede ang shortcut o express tiwalag o express bautismo. Panay nga ang batikos natin sa binyag ng katoliko dahil hindi sinunod ang utos ng Diyos, tapos mababalitaan nila na ganun din pala ang ginagawa ng Sanggunian sa paraan na hindi nila sinusunod ang prosesong inilagda din mismo ng mga namahala noon sa Iglesia. Buti sana kung ang kasalanan ng kapatid ay isang kasalanang may katumbas na dagliang pagpapasya kahit wala ng pagsisiyasat o pagkausap s akapatid, halimbawa napatunayan na pumatay, nang-rape, nasangkot sa malaking kasong kriminal (gaya ng Koreanong Contractor na bunga ng Ka Jun Santos na itinago nya mula sa batas at hindi pa rin natitiwalag hanggang ngayon), ang mga kasong ito ay nangangailangan talaga ng pagpapsya dahil napatunayan na nagkasala sa batas na nagkasala din sa batas ng Diyos. Subalit ano ba ang naging kasalanan ng Kapatid na Lito Fruto kaya sya pinasyahan ng ganun ng Sanggunian? Dahil sa siya ay tumulong sa sambahayan ng Kapatid na Eraño G. Manalo kaya buong higpit na itinagubilin sa buong Pilipinas na siya ay itinitiwalag at ni hindi man lamang maaaring kausapin ng sinoman o palakasin ang loob o bigyan ng pag-asa na makakabalik pa sya sa Iglesia. Ano ba ang sabi ng Biblia ukol sa pagbabago sa mga utos at tagubilin ng Panginoong Diyos? “Kung anong bagay ang iniutos ko sa iyo ay siya mong isasagawa, huwag mong daragdagan ni babawasan.” (Deut. 12:32). Kaya paano kung binawasan nila ang proseso na ibinigay ng Panginoong Diyos sa Kaniyang bayan para sundin? “At kung ang sinoman ay mag-alis sa mga salita ng aklat ng mga hulang ito, ay aalisin ng Diyos ang kaniyang bahagi sa punong kahoy ng buhay at sa bayang banal na nangakasulat sa aklat na ito.” (Apoc. 22:19) Samakatuwid ssino ba talaga ang nagkakasala sa Panginoong Diyos sa nangyari kay Ka Lito Fruto? Siya na tumulong sa kapatid na nangailangan o ang Sanggunian na hindi sumunod sa utos ng Panginoong Diyos at nag-alis o nagbawas sa proseso ng pagtitiwalag na iniutos ng Panginoong Diyos? Dahil kung ang Biblia lamang ang ating pagbabatayan at hindi ang pansarili nating opinyon, nangangahulugan na ang Sanggunian pa nga ang pinatutunayan ng Biblia na aalisin ang kaniyang bahagi sa punong-kahoy ng buhay at sa bayang banal. Maliban na lamang kung sasabihin ng Sanggunian na mali ang nilalaman ng talata ng Biblia o hindi nila tatanggapin ang utos ng Panginoong Diyos na nakasulat sa Biblia dahil sa hindi nito sinasang-ayunan ang kamaliang kanilang ginagawa sa mga kapatid na kanilang basta-basta na amang itinitiwalag ng walang pakundangan sa proseso o tamang paraan na iniutos ng Panginoong Diyos. Hindi naman yata tama na ituturo lamang ng Sanggunian na tama ang salita ng Diyos at dapat itong sundin kapag ito ay aayon sa kanilang ginagawa o kagustuhan at kapag hindi ay sasabihin nilang hindi ito tamang pagbatayan? Kaya sana po ay maging patas naman at wasto ang paggamit nila ng mga talata upang ihayag ang katotohanan ng Diyos at hindi para s akanilang pansariling kagustuhan.***]
III. ANONG PAG-IISIP ANG DAPAT TAGLAYIN NG MGA IGLESIA NI CRISTO NANG HUWAG MASIRA ANG PAGKAKAISA?
- Taglayin ang lubos na isa …………………………….. 2:2
2Ay lubusin ninyo ang aking katuwaan, upang kayo’y mangagkaisa ng pagiisip, mangagtaglay ng isa ring pagibig, na mangagkaisa ng akala, at isa lamang pagiisip;
- Upang huwag masira ang pagkakaisa natin sa Iglesia Ni Cristo, dapat tayong magtaglay ng isa lamang pag-iisip at isang pag-ibig. Ano ang katuwiran? Iisa lamang ang Ulo ng Iglesia—si Cristo. Kaya, ang isipan ni Cristo na mapagpakumbaba at masunurin ang dapat nating taglaying lahat upang makasunod tayo sa kaisahan.
- Ano ang dapat nating isaalang-alang kapag tinupad natin ang pagkakaisa?
- Gawin sa pangalan ng Panginoon……………. Col 3:17 at 23
17At anomang inyong ginagawa, sa salita, o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat kayo sa Dios sa pamamagitan niya.
23Anomang inyong ginagawa, ay inyong gawin ng buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao;
- Alalahanin natin na ginagawa natin ang pakikipagkaisa sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo o dahil sa ating pagka-Iglesia Ni Cristo at hindi dahil sa kapakanan o kapakinabangang pansarili. Kaya, paano natin ito dapat isagawa? Ang sabi sa talata, “Gawin natin ng buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao.” Kapag sinabing buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao.” Kapag sinabing buong puso, tuparin natin kalakip ang pag-ibig. Ang ganitong uri ng pagsunod ang mahalaga sa Diyos.
- Ano ang dapat nating laging isaisip kapag tinutupad natin ang mga aral ng Diyos, gaya ng pagkakaisa, pagpapasakop sa Namamahala sa Iglesia, at iba pa?
- Gawin sa ikaluluwalhati ng Diyos …………….. I Cor. 10:31
31Kaya kung kayo’y nagsisikain man, o nagsisiinom man o anoman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Dios.
- Sana hindi lamang sa ating kaisahan kundi maging sa iba pang mga aral ng Diyos na ating tinutupad ay ito ang ating unang isinasaalang-alang—na magawa natin ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos. Kung ito ang laman ng ating isip at puso matutupad natin ang mga utos ng Diyos kahit ano pa ang ating maging puhunan. Magagawa rin nating magtanggi ng ating sarili at magtiis, sapagkat ito’y para sa kabutihan ng Iglesia sa kaniyang kabuuan at higit sa lahat ay para sa ikaluluwalhati ng Diyos.
KONKLUSYON
Sana ang mga katotohanang ito na ating napag-aralan ang magbunsod sa atin upang lalo nating maingatan ang tunay na kaisahan na siyang nais ng Diyos at ni Cristo na mangyari sa Iglesia. Huwag tayong hihiwalay sa Pamamahala. Patuloy tayong sumunod at pasakop sa kanila sa paraang sundin natin ang anumang kanilang mga ipinapasiya para sa kapakanan ng Iglesia. Kapag nagawa natin ito, mapatutunayan nating tayo’y mga tunay na Iglesia Ni Cristo na karapat-dapat sa pagtatamo ng kaligtasan at buhay na walang hanggan sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesucristo.
GABAY SA TAGAPAGTURO by MMB BY:
MIYERKULES/HUWEBES: MAYO 13/14, 2015 FELIX Y. MANALO
[*** Nawa po ay lalo nating maramdaman ang tunay na layunin ng kapatid na Felix Manalo ng kaniyang ginawa ang leksyon na ito. Ang nais ng Sugo ng Panginoong Diyos ay hikayatin ang mga kapatid, himukin sila, palakasin angkanilang loob at bigyan ng inspirasyon na kahit na gaano kahirap ang buhay, kahit gaanong pagsubok ang kanilang maranasan o pang-uusig na humahadlang sa kanila, ay patuloy silang manghawak sa magagawa ng Panginoong Diyos para sa kanila at para sa kabuuan ng Iglesia. At ang susi ng pagtatagumpay na ito ay sa pamamagitan ng pakikipagkaisa sa Tagapamahalang Pangkalahatan lalo na sa kanilang ginagawang pag-ibig at pagmamalasakit sa mga kapatid, pagsisinop sa Iglesia at paggabay sa mga kapatid sa ganap na pagbabagong buhay upang maging karapatdapat sa ikapagtatamo ng kaligtasang ipinangako. At hindi gaya ng pagkakahanay ng Kapatid na Maximo Bularan, na kilalang magiting na debatista ng Iglesia at tagapagtanggol ng katotohanan at ng Iglesia, subalit nagamit sya ng Sanggunian upang ihanay ang leksyon na ito sa paraang magamit ito ng Sanggunian para milihis ang isyu ukol sa tunay na suliranin ng Iglesia at ito ay ang ukol sa katiwalian ng Sanggunian at pagmamalabis sa tungkulin at kapangyarihan at higit sa lahat ay upang gamitin nila upang manakot sa mga kapatid para huwag na silang magsuri, magtanong, at manindigan sa tinanggap nilang aral mula sa Panginoong Diyos. Ginagamit nila ang leksyong ito upang pigilan ang mga kapatid na alamin at suriin ang mga katotohanang lumalabas sa social media ukol sa mga katiwalian ng Sanggunian. Nakalulungkot na dito nadungisan ang malinis na integridad ng kapatid na Maximo Bularan na ginugol ang kaniyang buong buhay sa pagtatanggol sa kapakanan ng Iglesia subalit ngayon ay naging tagapagtanggol na lamang ng Sanggunian upang pangatwiranan ang kanilang mga ginagawang kamalian. Dito nabigo ang Ka Bularan na magturo ng de-kahon, katunayang hindi na pinapatnubayan ng Panginoong Diyos ang kanilang ginagawa. Ang paglaban na tinutukoy ng sugo sa leksyong kaniyang ginawa ay ang hindi pakikipagkaisa ng sinomang tao sa pagsunod sa kalooban ng Diyos bagkus ay ang sariling kalooban at kapakanan ang sinusunod, ang mga ganitong uri ng tao ang siyang hindi nakikipagkaisa sa Tagapamahalang Pangkalahatan at siyang namumuhay ng ayon sa aral ng diablo at hindi maliligtas. Subalit kapag ang isang kapatid ay nanatiling matatag na naninindigan sa mga dalisay na salita ng Diyos s akabila ng lahat ng uri ng hadlang at pagsubok, lalo siyang nakapagbibigay ng mabisang patotoo sa Panginoong Diyos na siya ay karapatdapat sa kaligtasang ipinangako Niya sa kaniyang bayan na nasa matuwid na pamumuhay at nasa pagsunod sa mga dalisay na kalooban ng Panginoong Diyos na itinuturo ng namamahala sa Iglesia kaya marapat lamang na patuloy tayong makipagkaisa at tumulong sa ating mahal na Tagapamahalang Pangkalahatan upang mapangunahan nya ang buong Iglesia sa ganap na pagsunod sa mga kalooban ng Diyos at paglilinis sa Iglesia sa ikapagtatamo natin ng ating kaligtasan. Tulungan nawa tayo ng Panginoong Diyos na pakinabangan natin ang mga aral at paalalang ito ng Panginoong Diyos.***]
~ Antonio Ebangelista
“They tried to bury us…they didn’t know we were seeds.”
How did did this all start? “Ang Simula” / “The Start”
This is my STAND: “Let me Make Myself Clear”
F.A.Q.: Question and Answer with Antonio Ebangelista
Our Standard: Let this be a CLEAN FIGHT even if THEY FIGHT DIRTY
Philippine Daily Inquirer Article: “Antonio Ebangelista writes Philippine Daily Inquirer, Warns Iglesia Elders”
Para sa lahat ng mga MINISTRO: FOR IGLESIA NI CRISTO MINISTERS
The CHOICE is always UP TO YOU : “The Red Pill. The Blue Pill”
Contact Information
Offcial Email: AntonioRamirezEbangelista@gmail.com
Official Blog: Http://incsilentnomorebackup.wordpress.com
Official Facebook Page: https://www.facebook.com/Iglesia-Ni-Cristo-Silent-No-More-by-Antonio-Ramirez-Ebangelista-1611787305760651/
Official Facebook Account:https://www.facebook.com/antonio.ebangelista.77
Official Instagram: @antonioebangelista
Official Twitter: @AEbangelista1
#iglesianicristo #inc101 #inccentennial #centennial #inc4life #incootd #incfashion #icmedianews #inctv #net25 #incmedia #increview #fymfoundation #mycountrymenmybrethren #kabayankokapatidko #incselfiechallenge #incwikileaks #sanggunian #radelcortez #gerrypurification #junsantos #gliceriosantosjr #rodelcabrera #biensantiago #erdzcodera #ernestosuratos #mattpareja #antonioebangelista #silentnomore #iglesianicristosilentnomore