Part 1: Isang Malayang Pagsusuri

Mga Mahal na Kapatid,

Ako po ay buong galang na sumusulat po sa inyo upang himukin ang lahat ng mga kapatid na makapagsagawa ng isang malayang pagsusuri upang lubos na maunawaan ang aming layunin kung bakit natin isinisiwalat ang mga katotohanang ito sa Social Media. Alam po namin na ang mga impormasyon na inyong nababasa ay nasa uring sensitibo at pribado, at hindi sana dapat nailalantad sa publiko lalo na sa social media. Lagi po nating tandaan na ang katotohanan ay isang “double bladed sword” na ang ibig sabihin ay dalawa ang maaaring maging epekto nito sa isang taong bumabasa. Kung ang isang kapatid ay mahina ang pananampalataya at nasa uring matitisurin, ang mga bagay na kaniyang mababasa dito ay maaaring lalong makapagpahina sa kaniyang pananampalataya, na magbubunsod sa kaniya upang lalong matisod sa mga aral na kaniyang tinanggap sa Diyos, titigil na sya sa paglilingkod at mahihiwalay sya sa tunay na Iglesia dahil sa nagsilbing katitisuran sa kaniya ang mga kapintasan at katiwalian ng mga tao na nasa hanay ng nasa Ministerio at nasa Sanggunian pa. At ang isang epekto pa nito, na ito dapat ang maidulot sa atin, na kapag naunawaan natin na totoo ngang mayroong nakapasok ng lihim sa Iglesia, na siya namang ipinagpauna na ng Biblia, at nagpasimula ng pagtalikod sa Iglesia sa pamamagitan ng pagmamalabis ng mga Saserdote o mga Ministro, panggigipit, kahambugan, pag-ibig sa salapi at materyal na bagay at ang katiwalian, ang dapat na maging epekto nito sa atin ay ang lalong manghumawak sa mga salita ng Diyos. Manindigan kung ano ang tama at matuwid na siyang itinuro ng Diyos, na siya ring itinuro ng Sugo sa mga huling araw na siya ring itinuro ng Kapatid na Eraño G. Manalo hanggang sa mga huling sandali ng kaniyang buhay. Sa ganitong mga pagkakataon lalong dapat gumising ang ating kamalayan at buklurin tayo ng iisang damdamin, iisang pag-iisip at iisang paghatol…. na tayo ay mananatiling TAPAT SA PANGINOONG DIYOS AT SA KANIYANG MGA ARAL. Hindi natin papayagan na ang anuman, kahirapan, kalamidad, panguusig, panggigipit, katiwalian ay makapagpapahiwalay sa atin sa pag-ibig ng Ama. Hindi natin papayagan na ang sinoman, mga di tunay na tagapangaral, mga mag-uusig, mga kalaban ng Iglesia, mga malulupit na mga Pastor, mga mapagsamantala at sunud-sunurang mga Tagapangasiwa at mga tiwaling Sanggunian, ang siyang makapagpapahiwalay sa atin sa pag-ibig ng Ama. Kaya sa halip na katakutan natin ito, sa halip na umiwas tayo sa pagtuklas ng mga kasalukuyang kaganapan sa Iglesia sa takot na para bang kapag nagbasa tayo o kaya ay nagsuri tayo kung ano nga ba talaga ang mga sinasabi nila tungkol sa Iglesia, ay pakiramdam natin ay nagkakasala tayo o kaya ay nagtataksil tayo sa Pamamahala. Hindi po ganyan ang dapat nating maging damdamin, sapagkat kailanman ang pagtuklas ng karunungan at ng katotohanan ay hindi masama. Ito nga ang pangunahing dahilan kaya tayo naliwanagan sa mga aral ng Diyos. Laging nasa ating puso ang pananampalataya sa mga katotohanan kaya kahit ano pa ang mabasa natin dito, uudyukan tayo ng Espiritu Santo upang malaman kung alin ang katotohanan, at alin ang kasinungalingan, kung alin ang mabuting layunin, at alin ang paninirang puri lamang, kung alin ang udyok ng pag-ibig at pagmamalasakit sa kawan at alin ang may pusong mapaghimagsik, kung alin ang naguudyok sa pagkakaisa at alin ang nagtutulak sa pagkabaha-bahagi. Ang sabi ng Biblia, hindi na tayo dapat parang mga bata na madaling mapapaniwala sa masasamang ihip ng maling pananampalataya at pandaraya. Samakatuwid, magbasa po tayo sa mga impormasyong aming inilalahad na may matibay na paninindigan na pagkatapos nating basahin ang mga ito ay buong tapang tayong maninindigan sa totoo, sa wasto, sa mga dalisay na salita ng Diyos. Mayroon din silang ginawang blogsite para pasinungalingan at baluktutin ang mga pinahayag ko sa aking website. Sa halip na bawalan ko kayo na puntahan iyon at basahin ay hinihikayat ko kayong lawakan ang inyong kaalaman, maaari ninyong basahin ang kanilang mga isinulat sa kanilang mga sites at fb pages laban sa akin para palabasin na ako daw ay nanghihikayat ng mga kapatid na lumaban sa tagapamahalang pangkalahatan, na nagtatanim daw ako ng maling aral sa mga isip ng mga kapatid at marami pang iba para lamang wasakin ang aking kredibilidad upang huwag na daw akong makahikayat pa ng mga kapatid sa maling paniniwala ko. Mayroon pa nga silang ibinibigay na mga “clues” para daw makilala ninyo kung sino daw ako at kung sinu-sino pa ang kanilang pinaghihinalaan na nagtatago sa pangalang Antonio Ebangelista. Hindi ko na sila papatulan sa bahaging iyon, hahayaan ko na lang silang pulaan ang aking pagkatao, o hulaan kung sino nga ba talaga ako, kawawa nga lamang ang mga kapatid na mapag-iinitan nila sa pag-aakalang ako ay sila. Sa kanilang ginagawa ay lalo lamang nilang napapatunayan na wala silang kabatiran sa tunay na pagkatao ko. Sapagkat natural lamang na reaksyon ng tao na kapag hindi nya kayang patayin ang mensahe, ang sisikapin na lamang nyang patayin ay ang nagdadala ng mensahe. If they cannot extinguish the truth, they will go after the messenger of the truth. Kaya hinihikayat ko po ang lahat na maging balanse po kayo sa inyong pagsusuri sa mga bagay na nababasa ninyo lalo na sa social media. Huwag kayong maniniwala ng basta-basta sa mga impormasyon na inyong makikita sa social media, kahit pa sa mga sinabi ko dahil baka meron lamang nagpapanggap na ako, ang pinakamabisang paraan upang malaman kung ano talaga ang paniniwalaan ninyo ay siguraduhin ninyo na ito ay katotohanan at wala ng hihigit pa sa katotohanan kundi ang mga nakasulat sa Banal na Kasulatan o mga salita ng ating Diyos. May kani-kaniya tayong pag-iisip at may kakayahang mabasa kung ano ang panlilinlang, kung ano ang kasinungalingan, paninirang puri at kung ano ang hubad na katotohanan lalo nga kung ang mga ito ay ating nasaksihan din o nararanasan. Dahil dito, wala tayong kailanman dapat na ikatakot na alamin ang iba’t-ibang impormasyon sa layunin na kayo mismo ang makapagtimbang kung ano nga ba talaga ang TOTOO hangga’t nasa panig tayo ng Panginoong Diyos, gagabayan nya ang ating puso at isipan na mapagtanto kung ano nga ba talaga ang dapat nating paniwalaan.

Lahat tayo ay tao, maging ang mga Ministro na nakadestino sa mga Lokal, sa mga Distrito, ay tao, maging ang mga nasa Sanggunian ay pawang mga tao. At dahil sa tao, may panganib na mahulog sa tukso at sa kasalanan. Kung paanong ang mga karaniwang kapatid at mga maytungkulin ay mga tao din na nakakalimot, nakakapagpabaya, natutukso, nagkakasala, ganun din ang mga Ministro na ating iginagalang at pinagpipitaganan dahil sa banal na Tungkuling ibinihis sa kanila ng Panginoong Diyos. Iyan ang dahilan kaya tinuruan tayo ng Ama na ang dapat nating tingnan ay ang Tungkulin at hindi ang tao at lalong hindi ang pagkatao. Sapagkat ang tao at pagkatao ay may kapintasan at napakadaling ito ay pintasan, laiitin o menusin. Ito ang dahilan kaya ang Sugo, maging ang Kapatid na Eraño G. Manalo, ng sila ay nabubuhay pa, ay binantayang mabuti ang lahat ng kanilang mga Ministro at Manggagawa, lalo na ang mga nasa tabi nila na pinagkalooban ng ibayong pagtitiwala sa Iglesia dahil nauunawaan ng mga naunang lider sa Iglesia na tao din ang mga iyan at kapag hindi nabantayan ay maaaring magmalabis, maaaring manamantala, matukso at makapagbigay dungis sa kalinisan ng Iglesia at ng Pamamahala. Iningatang mabuti ng mga naunang namahala sa Iglesia na panatilihin ang “transparency”, “credibility” at “accountability” ng lahat ng mga nasa maseselang tungkulin sa Iglesia. Sa anong layunin kaya buong sikap na binantayan ng mga naunang namahala sa Iglesia ang kalinisan at katapatan ng mga Ministro sa Iglesia? Dahil sa ang mga Ministro at Manggagawa ang nagsisilbing tagapag-alaga sa mga Kapatid saan mang Lokal sila naroroon. Sila ang nagsisilbing “extension” ng pag-ibig at pagmamalasakit ng Pamamahala sa buong Iglesia. Kaya papaano kapag ang isang Ministro ay nagmalabis, nanggipit, nagpabaya, naging tiwali at ginawang kalakal ang Iglesia? Ano ang magiging masamang epekto nito sa Pamamahala? Lalabas na para bang ang Pamamahala ang gumagawa mismo nun sa kanila. Ang tawag ng Biblia sa ganyang mga Ministro ay Pastol na Bayaran o Upahan, na kaya nagpupumilit manatili sa karapatan at tungkulin ay dahil sa pansariling pakinabang at hindi para magmalasakit sa kawan. Ang mga ganyan ay kinasusuklaman ng Panginoong Diyos dahil hindi ipinagmamalasakit ang kawan at hinahayaang mangalat, manghina at mahiwalay at pinangangasiwaan nila ang kanilang kawan ng may kamay na bakal at may pagkapanginoon, pinagmamalupitan at tinatakot sa layuning masunod ang anomang nais niya. Yan ang dahilan kaya kahit maliit na balita pa lamang ng katiwalian at paglabag sa mga Ministro ay agad ng dinisiplina ng Sugo at ng Kapatid na Eraño G. Manalo. Naglalapat sila ng “disciplinary suspension” at agad itong ginagawan ng katampatang pagsisiyasat o “comprehensive investigation” upang malaman ang katotohanan. Pagkatapos dumaan sa prosesong ito at napatunayang totoo ang sumbong na paglabag o katiwalian, agad na dinisiplina ang Ministro, sinususpinde, inaalisan ng karapatan o kung kinakailangan, itinitiwalag pa sa Iglesia. Kung mapapatunayan naman na hindi totoo ang ulat at ito ay dulot lamang ng paninira o masamang layunin na makapinsala ng karapatan ng Ministro, ay agad namang itinutuwid ang masamang puso ng sinumang nag-ulat o naninira sa Ministro o sa Pamamahala upang mapanumbalik siya sa pag-ibig sa kapatid at pagpapasakop sa Pamamahala. Kung mapapatunayan na ayaw ng magpasakop ng sinomang kapatid na naninirang puri, sila na gumagawa ng paninira at pagkabaha-bahagi ang siyang dinidisiplina, sinususpinde o kaya ay itinitiwalag. Idinadaan lahat sa tamang proseso na ang layunin ay maingatan ang pag-iibigang magkakapatid at pagpapasakop sa Pamamahala akay ng pag-ibig at pananampalataya. Kaya buong pagtitiwalang kayang-kayang humarap sa Pamamahala ng sinomang Ministro na pinararatangan ng masamang ulat sapagkat alam niyang siya ay bibigyan ng patas na pagsisiyasat ng Pamamahala at ipagtatanggol kapag napatunayang walang katotohanan ang ulat. Ganyan ang Pamamahala… “TRANSPARENT”…. “FAIR”….. “JUST”….. “EQUAL”…..

Ganito kahigpit ang mga naunang namahala sa Iglesia dahil alam nilang kapag hinayaan nilang mamayani ang mga tiwalang Ministrong ito sa karapatan at sa tungkulin ng kahit isang sandali pa ay katumbas na rin ito ng pagkukunsinti sa kanilang ginagawang katiwalian at kalapastanganan sa kabanalan ng Ministerio. Kaya namalaging malinis at katiwa-tiwala ang Pamamahala, ang Sanggunian, mga Tagapangasiwa, Ministro at mga Manggagawa, dahil sa mayroong “check and balance” sa Iglesia. Umuusbong pa lamang ang binhi ng katiwalian ay agad ng pinuputol sa ugat pa lamang upang huwag ng lumaki, lumaganap at makapinsala pa. Kaya noon ay buong tapang na itinataguyod ng mga Ministro ang malinis na pamumuhay at buong katapatan na pagtupad ng tungkulin dahil sa hindi lang sa sila ay mananagot sa namamahala sa Iglesia, kundi higit sa lahat ay sa Panginoong Diyos.

Natatatandaan ba ninyo noon kung paanong napakatapang ng Sanggunian na kahit sino mang magsimula ng paninira sa Iglesia ay agad na buong tapang na hinaharap ng Sanggunian? Kahit sinong tagapangaral yan, kahit sa liblib na probinsya, kapag nagparatang ng kahit ano laban sa Doktrina, sa Pamamahala, o sa Iglesia, agad na sinasagot ito ng Sanggunian sa kahit anongparaan, sa pamamagitan man ng harapan, paglilibag, sa radyo man o telebisyon, hindi palalampasin ng mga magigiting na Ministro ng Sanggunian na magkaroon ng batik ang reputasyon at kredibilidad ng Iglesia. Wala siyang inuurungan o winawalang bahala. Kapag may naghamon sa Iglesia, agad na ipapadala ang mga debatista ng Iglesia at ipinagtatanggol ang Iglesia. Ng lumabas si Eli Soriano at ang Dating Daan, bagamat kung tutuusin ay di na sana dapat patulan ang maliit at maling relihiyon na nagiingay lamang at idinadamay ang Iglesia upang sumikat sya, pero hindi ito pinaghinayangan at inurungan ng Sanggunian. Itinatag ang programa sa telebisyon na “ANG TAMANG DAAN” upang sagutin ang lahat ng akusasyon ni Eli Soriano at ilantad ang kaniyang mga kasinungalingan at kontradiksyon upang huwag ng makapaglason ng isipan ng mga tao lalo na ng mga kapatid na mahihina ang pananampalataya. Natatandaan ba ninyo ang mga palabas pa noon ni Ka Maximo Bularan at Ka Michael Sandoval, kung paanong pagdidikit-dikitin pa nila ang mga video/audio para lang maipakita ang mga kontradiksyon ng aral ni Eli Soriano. Inilalabas nila ang mga sagot ng Iglesia at buong tapang na sinasagot ang bawat paratang ni Eli Soriano kaya nabigong makapanghikayat si Eli Soriano ng mga sasampalataya sa kaniya.

Kapag may tiwaling Ministro na naiulat saan mang probinsya o distrito ay agad na pinasisiyasat ng Sanggunian upang maaksyunan at ng hindi na makapinsala sa dangal ng Ministerio. Subalit bakit ngayon tila baga iba na ang direksyon ng Sanggunian? Laganap na ang katiwalian, lantad na ang maluluhong pamumuhay at pagmamalabis ng mga Sanggunian at ng ilang mga Tagapangasiwa at Ministro, subalit walang pagsisiyasat. At lalo pang tumatapang ang mga tiwaling Ministro na gumawa ng kababalghan sa loob ng Iglesia at may lakas pa ng loob na sabihan ang mga kapatid na nakasasaksi sa kanilang mga ginagawang katiwalian na kesyo hindi sila natatakot na iulat sila ng sinoman. Ito ay dahil sa alam nilang kayang kaya nilang timbrehan ang mga tatanggap ng ulat na huwag ng pansinin ang anumang ulat laban sa kanila. Kitang kita na ng maraming mga kapatid ang kakaibang kultura na ibinubuhay nila sa loob ng Iglesia subalit hindi sila natitinag sa kanilang pagmamalabis at pananamantala sa kanilang posisyon. Anu-ano ang ilan sa ito na laganap na sa Iglesia subalit nananatiling hindi ikinababahala ng Sanggunian at lalong hindi naaksyunan kaya tuloy nagtataka ang marami kung bakit tila baga hindi ito batid ng ating Tagapamahalang Pangkalahatan o kung alam man nya, bakit kaya wala pang nagaganap na pagsisiyasat at pagtutuwid sa mga kamaliang ito? Narito ang serye ng mga isyu na ating tatalakayin: (to be continued…)

Antonio Ebangelista

“They tried to bury us…they didn’t know we were seeds.”

Contact Information

Offcial Email: AntonioRamirezEbangelista@gmail.com

Official Blog: Http://incsilentnomorebackup.wordpress.com

Official Facebook Page: https://www.facebook.com/Iglesia-Ni-Cristo-Silent-No-More-by-Antonio-Ramirez-Ebangelista-1611787305760651/

Official Facebook Account: https://www.facebook.com/antonio.ebangelista.77

Official Instagram: @antonioebangelista

Official Twitter: @AEbangelista1

Also visit: https://www.facebook.com/RestoretheChurch

#iglesianicristo #inc101 #inccentennial #centennial #inc4life #incootd #incfashion #icmedianews #inctv #net25 #incmedia #increview #fymfoundation #mycountrymenmybrethren #kabayankokapatidko #incselfiechallenge #incwikileaks #sanggunian #radelcortez #gerrypurification #junsantos #gliceriosantosjr #rodelcabrera #biensantiago #erdzcodera #ernestosuratos #mattpareja #antonioebangelista #silentnomore #iglesianicristosilentnomore

Similar Posts