VOICE OF THE BRETHREN
English Translation: https://incsilentnomorebackup.wordpress.com/2015/12/03/bro-angel-and-bro-marc-manalo-based-on-my-experience/
Sulat mula po kay Kapatid na Lowell Menorca II
========================================
Isa sa maituturing kong biyaya sa buhay ko ay ang pagkakataon na maging bahagi ang aming Pamilya sa buhay ng Sambahayan ng Kapatid na Eraño G. Manalo, partikular na ang Ka Angel at Ka Marc V. Manalo.
Backtrack: Mula sa murang edad, taliwas sa alam ng marami, hindi ako lumaki sa karangyaan at kaginhawahan. Ang aking Ama, Ka Lowell, ay isang simpleng guro sa Bongabon, Oriental Mindoro ng sya ay tawagin upang mapaanib sa Iglesia Ni Cristo. Ang aking ina naman, Ka Minda, ay isang midwife sa Calapan, Oriental Mindoro. Nang nag-iglesia ang aking ama ay itinakwil sya ng kaniyang buong pamilya na sagradong katoliko, hinabol siya ng itak ng kanilang panganay na kapatid kaya napilitan syang umalis sa kanilang bahay. Siya ay napadpad sa Manila. Nakapagpatuloy siya sa pagi-Iglesia, kinalaunan ay lumusong siya sa Ministerio. Ang aking ina ay nagsikap na makapag-abroad, naging Nurse sya sa Amsterdam at lumipat sa Canada, isa sa mga naging pioneers ng Iglesia Ni Cristo sa Canada. Na-petition nya ang kaniyang ina at (6) pitong mga kapatid, isa ay seaman, kaya silang lahat ay mga naging Canadian Citizen samantalang ang aking ina ay umuwi sa Pilipinas, nakilala ang aking ama na noon ay 3rd year sa kaniyang pag-aaral sa pagka-Ministro. Ipinakilala nya ang Ka Minda kay Ka Erdy upang hilingin na mapangasawa, pinahintulutan sya ng Ka Erdy na mag-asawa bagamt nag-aaral pa siya sa pagka-Ministro. Nadestino din sila sa mga probinsya gaya ng Bicol, at iba pang probinsya maging sa Manila. Siya ay nadestino at naging coordinator sa Cavite samantalang kami naman ay nakatira sa Taytay, Rizal. Tuwing araw lang ng Sabado at Linggo ko nakikita ang aking ama noong ako ay bata pa dahil sa malayo ang kaniyang destino. Pagkatapos noon ay pinili at pinatawag na ang aking ama sa Central at pina-train na ng Ka Erdy kay Ka Vivencio “Bining” Pineda sa mga gampanin sa opisina. Lingid sa kaniyang kaalaman, siya pala ay pinahahanda na ng Ka Erdy upang maging kaniyang Administrative Secretary. Sa murang edad ay ginampanan na niya iyong tungkulin na iyon sa loob ng mahabang panahon at pormal na pinanumpaan noong tinaguriang Araw ng Katapatan noong Abril 1994 (kung hindi ako nagkakamali sa aking alaala) bilang Administrative Secretary, samantalang ang Ka Arnel Tumanan naman ay nanumpang General Secretary.
Ako naman ay ipinanganak noong Abril 2, 1977 at inihandog ng Kapatid na Eraño G. Manalo sa pagka-Ministro. Subalit bagamat ako ay handog sa Ministerio, hindi ako kailanman pinilit ng aking ama na lumusong sa pagka-Manggagawa. Bagamat nag-iisang anak ako sa loob ng 13 taon, hindi ako pinalaki na “spoiled” ng aking mg amagulang dahil pareho silang “disciplinarian”. Dinanas namin ang hirap ng Ministerio ng akong ay lumalaki pa lamang kaya sanay ako sa hirap at simpleng buhay. Pagka-graduate ko sa High School ay humiling ako ng courtesy visit sa Kapatid na Eraño G. Manalo sapagkat mayroon po akong mga awards na prinesenta sa Ka Erdy na mga napanalunan para sa New Era sa mga inter-school competitions, maging ang Department of Science and Technology (DOST) Scholarship na pinagkaloob sa akin. Tandang-tanda ko yung araw na iyon, ibang-iba pala talaga ang pakiramdam kapag nakaharap mo ang Ka Erdy, damang dama mo ang malakas na kapangyarihan ng Espiritu Santo, ni hindi ako nakapagsalita yata dahil sa sobrang pagkamangha ko na nakaharap, nakamayan at kinakausap ako ng Ka Erdy. Iyon po ang pagkakataon na nagpaalam ako kay Ka Erdy kung maaari na po akong lumusong sa Ministerio para mag-aral sa pagka-Manggagawa. Ang sagot sa akin ng Ka Erdy, mas mabuti daw kung makakapagtapos muna ako ng kurso para mas lalong pakinabangan sa Iglesia. Sumangayon ako, ang sunod kong itinanong ay kung anong kurso po ba ang gusto nilang kunin ko. Tinawag ng Ka Erdy ang Ka Marc Manalo at tinanong sya kung anong kurso ang magandang kunin para makatulong sa Iglesia, ang sagot ng Ka Marc ay, “nangangailangan po tayo ng mga Engineers”. Tiningnan ako ng Ka Erdy at tinanong kung papayag daw ba ako na kumuha ng kurso sa Engineering. Sumagot ako ng OPO. Tinanong ko kung ano pong klaseng Engineering. Muling tinanong ng Ka Erdy ang Ka Marc, ang sagot ng Ka Marc ay, “Kulang po tayo ng mga Electronics and Communication Engineers”. Tinanong akong muli ng Ka Erdy kung papayag ba ako na kumuha ng ECE. Sabi ko po ay OPO.
Fast Forward. Pagkatapos kong grumadweyt sa ECE, muli akong humarap sa Ka Erdy at iprinisenta sa kaniya ang mga napanalunan kong mga inter-collegiate awards para sa New Era University at muling nagpaalam kung pwede na po akong pumasok sa pagka-Manggagawa at sa kaniyang pagsang-ayon ay nag-enroll na ako sa College of Evangelical Ministry bilang Preparatory Student, section MICAH.
Sa panahon namin ay pinahihintulutan pa ang working student na BEM. Kaya nagta-trabaho po ako sa isang Multi-National Company habang ako ay nag-aaral naman sa BEM pagka-gabi. Minsan po ay dumalo ako ng Balikbayan Day kung saan naka-kamay po akong muli sa Ka Eraño Manalo. Habang hinihintay ko po na matapos ang aking ama sa kanilang pulong ng Ka Erdy ay nagkausap po kami ng Ka Marc Manalo. Nagkwentuhan po kami ng Ka Marc at naikwento ko sa kaniya kung papaano ako nalinya ng ECE. Natanong nya ako kung kamusta ang pag-aaral ko noon sa ECE, kung anong naging expertise ko, kung anong trabaho ko ngayon, kung anong ginagawa ko sa kompanya at iba pa. Magalak ko namang sinagot lahat ng mga katanungan ng Ka Marc at manghang-mangha ako kung paanong ang “aura” ng Ka Erdy ay sya ding “aura” na aking nararamdaman kapag kausap ko ang Ka Marc at Ka Angel, kaya siguro mai-imagine nyo kung gaano ako kasaya na nakausap ko ng ganun katagal ang Ka Marc. Nang naipaliwanag ko sa Ka Marc kung anu-ano ang pananagutan ko sa kompanyang aking pinagtatrabahuhan sabi nya, “para ka na palang CEO sa kumpanyang iyan sa lawak ng gampanin mo at laki ng sweldo mo”, sabi ko na lang ay dahil lahat iyon sa tulong at awa ng Panginoong Diyos. Ang huling tanong sa akin ng Ka Marc bago sya umalis, “Kailan ka naman namin makakasama sa opisina?” Nagulat ako sa huling katanungan nya dahil hindi ko iyon inaasahan, ang mabilis na naging tugon ko ay, “Mamayang hapon po.” Noong ding umagang iyon ay nag-submit ako ng Letter of Resignation sa aking employer na biglang tumawag at kinumbinsi akong huwag mag-resign sa punto na nag-offer na doblehin ang aking sahod, bigyan ng housing at car incentive. Subalit sinabi ko na lamang na iyon ay isang personal na pasya at hiniling ko na igalang na lamang at nagpasalamat ako sa offer subalit mas higit kong pinahalagahan ang tawag ng tungkulin na maglingkod sa loob ng Tanggapang Pangkalahatan.
Pagdating ng hapon ay nasa loob na ako ng SVF o Sound and Video Facility at doon ko simulang nakasama ang magkapatid na Angel V. Manalo at Kapatid na Marc V. Manalo na siyang nangangasiwa sa Tanggapan. Mula Preparatory BEM hanggang sa ako ay nag-graduate at nadestino ay nagkapalad ako na manatiling kawani sa loob ng Tanggapan mula noong 1999. Nagsimula ako mula sa pinakamababang posisyon hanggang sa unti unti akong napagtiwalaan sa iba’t-ibang mahahalaga at maseselang gampanin. Sa awa at tulong ng Panginoong Diyos ay nagkapalad ako na makasama din sa mga pinangangasiwaan na pagsamba ng Kapatid na Marc V. Manalo. Kung paano sila sa opisina, maging kapag sila ay nangangasiwa ng pagsamba, masasabi ko po na punong-puno ng biyaya ang kanilang pagtuturo, pananalangin, pagpapayo at pakikisalamuha sa mga kapatid. Magiliw sila sa mga kapatid, napakadali nilang lapitan, wala silang ere ng kayabangan o pagmamalaki o pa-importante. Maamo at malumanay sila. Kahit nga mayroon silang nakikitang puna sa mga lokal na nadadalaw nila, sa halip na magalit sila o bulyawan yung Ministrong nakadestino, malumanay silang nagpapayo para hindi mawalan ng loob ang nakadestino. Hinding hindi rin sila namamahiya o naninigaw.
Sa opisina naman ay masasabi kong daig ko pa ang nagtatrabaho sa ABS-CBN o GMA 7 na mga TV Station na punong puno ng artista dahil lahat ng mga nagtatrabaho sa SVF/GEMNET/NET25 ay laging “star-struck” kapag nakikita nila sila Ka Angel at Ka Marc doon. May mga tagpo nga na naghihintayan ang mga empleyado ng “tamang pagkakataon” na makakasalubong nila sila sa hagdanan, corridor, sa loob ng opisina, sa pintuan, sa parking, at lahat kami ay babati at kakamay sa kanila na para bang noon lang namin sila nakita sa unang pagkakataon at ang makausap lang sila kahit “ilang segundo” lang ay napakasarap na sa pakiramdam, mahirap ipaliwanag ang ganung uri ng pakiramdam. Ika nga “the feeling never wears down”, napakabiyaya na makadaupang palad sila dahil hindi sila mapagmataas, hindi sila magagalitin at lagi silang magiliw sa mga kapatid. Kahit na may isang daan na yata ang nakikipagkamay sa kanila araw araw ay hindi nila ito ipinagkakait sa mga kapatid at hindi mo sila kakikitaan ng pagkayamot o pagkainis o pagka-snob. Kahit pa ang karamihan ng mga nasa Tanggapang iyon ay matatagal na nilang nakasama, subalit hindi pinakakawalan ang bawat pagkakataon na makadaupang palad ang kabilang sa pamilya ng Ka Eraño Manalo.
Pagdating naman sa trabaho, napakaingat nila, metikuloso, lagi nilang iniisip kung ang mga bagay na ginagawa ay makakatulong sa Iglesia at hindi makapipinsala, kaya nga lahat ng ipinalalabas na mga “content” sa NET25 ay kinakailangang nasuring mabuti at natitiyak na hindi sasalungat sa Doktrina at lalong hindi makapipinsala sa imahe ng Iglesia. Lahat ng mga ipinalalabas ay pinadadaan muna sa opisina ng Ka Bienvenido C. Santiago na lubhang napakamitukuloso at napakahigpit noon kaya walang nakakalusot na mga sayawan, hiphop music o rap na mga Christian Music Videos, walang mga talents o host na magagaslaw o mahalay tinganan. Kaya kahit pa gawa na ang isang programa o video, kapag may napuna ang Ka Bien, hindi nila iyon ipapalabas dahil mapupulaan ang Iglesia. Lagi nilang tinitiyak na napapanatili ang kasagraduhan at kalinisan ng imahe ng Iglesia. Personal kong nakita, nasaksihan at naranasan na makatrabaho ang Ka Angel at Ka Marc, napakatalas ng kanilang pakiramdam at atensyon sa detalye at kalidad. Napakataas din ng kanilang pagpapahalaga sa Security ng lahat ng ipinagagawa ng ka Erdy at maging sa Tanggapan. Si Ka Angel at Ka Marc ay hindi ang uri ng tagapanguna na basta na lamang magpapasya, kahit na magsumite kami sa kanila ng report ukol sa kanilang iniatang na gampanin sa amin, titiyakin nila na mayroon pa silang ibang kukuhanan ng impormasyon para matiyak o ma-confirm na tumpak ang bagay na iuulat mo sa kanila. Hindi sila “gullible” o madaling mapapaniwala. At napakahigpit nila pagdating sa mga napapaulat na puna o iregularidad, agad itong ipinasisiyasat at inaaksyunan, at wala silang sini-sinu, kahit pa malapit sa kanila. Kapag mayroong pagkakamali, dinidisiplina nila agad. Subalit sa lahat ng kanilang higpit at strikto sa pagdidisiplina, ni minsan hindi mo mararamdaman na magalit o magdamdam sa kanila dahil sa ang mararamdaman mo ay pag-ibig at pagmamalasakit. Nae-espirituhan nila ang kausap nila kaya hindi mo kayang magsinungaling sa kanila, meron talaga silang pagkasi ng Ama, kaya nahahayag agad kung sakali mang mayroong hindi nagsasabi ng totoo sa kanila o kaya ay mayroong ibang layunin. Sa pagpapasya ng Ka Angel at Ka MArc, mababakas mo ang mataas na uri ng karunungan, masasabi kong napakalawak ng nararating ng kanilang pangunawa at naeespirituhan nila ang mg abagay-bagay kung ito ay makakabuti o makakasama kaya kahit pa sa palagayan natin ay benepisyo o maganda ang isang bagay pagkatapos ay magpapasya sila ng taliwas sa inaasan natin, sa iba, maaaring kwestyunin o salungatin pa ito, pero kapag pinagmasadan lamang natin, makikita natin ang pagkasi ng Ama sa kanilang mga pagpapasya dahil laging sa ikabubuti ang mga ito. Hindi kasi lahat ng tao ay nakikilala sila at nakakaunawa sa uri ng kanilang pangunguna at paggabay, hindi ka nila tuturuan sa paraan ng “spoon-feeding”, kaya akal ng iba ay napakalawak ng kanilang pagpapayo, subalit mapagtatanto mo na napakalalim pala ng karunungan na kanilang itinuturo sa kanilang mga tagubilin at mga pagpapasya. Kapag naman sila nagdisiplina, hindi sila nagpapakidnap o nagpapadetain, subalit mararamdaman mo na mayroon kang maling ginawa o ginagawa, tahimik lamang sila sayo subalit basa na nila ang laman ng iyong puso kung ito ay mabuti ay mayroong itinatagong hindi mabuti.
Bagamat napakarami ng gampanin at pananagutan ng Kapatid na Angel at Marc, sapagkat hindi lang naman sa NET25 sila nangunguna kundi pinagtiwalaan din sila ng Kapatid na Eraño G. Manalo sa iba’t-ibang gampanin at pananagutan sa Iglesia. Subalit hindi sila nagsasawa na magturo sa mga kapatid na kanilang nakaksalamuha at nakakasama. Napakapalad ko nga po at nagkaroon po ako ng madalas na pagkakataon na nakakapakinig ng kanilang mga pagtuturo at mga pagpapayo, at sa ibabaw ng lahat ng kanilang itinuturo, laging pangunahin ang pagsunod sa mga kalooban ng Panginoong Diyos at pagpapasakop sa Pamamahala. Kahit nga noong dumating na ang panahon na sila na inuusig na ng mga Sanggunian, ginigipit na sila sa kabi-kabila, pinagbibintangan ng kung anu-ano at tinanggal sa iba’t-ibang pananagutan, kung paanong sila ay hiyain ng Tagapangasiwa tuwing klase ng mga Ministro, kung paanong sila ay pahirapan at pag-initan, subalit NI MINSAN HINDI NAMIN SILA KINARINGGAN NG REKLAMO O PAGLABAN SA PAMAMAHALA. Ang tanging ipinakita nila ay pagsunod, kababaang loob at pagpapasakop. Kahit pa noong hiyain sila at sigawan ng Tagapangasiwa sa klase ng mga Ministro at pinarunggitan sila na para bang naghahamon ng away, at pinalipat ng pagkakaupo na maaari naman sanang maiparating na lamang ng personal sa kanila subalit pinili pa na ipangalandakan sa harap ng lahat ng mga Ministro. Maraming mga Ministro noon ang gusto ng umalma sa kabastusang pinaggagagawa sa kanila sapagkat kung ang mga Tagapangasiwa nga ay ginagalang namin at laging ipinagpapauna, paano pa kaya ang kabilang sa mga anak ng dating Tagapamahalang Pangkalahatan na hindi naman sila dapat binabastos ng ganun, subalit ni minsan ay hindi nagreklamo ang magkapatid at lagi nilang sinasabi sa amin at sa iba pang mga Ministro na sumunod at magpakumbaba. Kaya sa kabila ng lahat ng panggigipit na ginawa sa kanila ng mahigit na 6 na taon, minsan lang sila nagsalita at ito ay HINDI UPANG LUMABAN SA TAGAPAMAHALANG PANGKALAHATAN, KUNDI DAHIL SA PAGMAMALASAKIT SA AMIN NA MGA MINISTRO AT MANGGAGAWA NA DINUKOT AT HINILING NA MAKAUSAP NILA ANG KA EDUARDO. Subalit ng dahil doon ay lalo silang ginipit at binastos at pinahirapan ng mga nasa Sanggunian. Kaya ito na ngayon ang imahe ng Iglesia, larawan ng huwarang pagka-kristyano na masusumpungan pangunahin na sa mga Ministro ng Iglesia na unang nagpapakalat ng mga malalaswa, mababaw at mga bastos na kasinungalingan at paninira laban sa kapatid na Angel at Marc Manalo. Napakasakit para sa amin at sa napakaraming mga Ministro, Manggagawa, Maytungkulin at mga kapatid na makita sa Social Media na binababoy nila ang pagkatao ng Ka Tenny Manalo na maybahay ng dating Tagapamahalang Pangkalahatan, ng Ka Angel, Ka Marc at Ka Lottie na kapatid pa mismo ng Kapatid na Eduardo V. Manalo at ito ay dahil sa pagpapahintulot ng Sanggunian sa Iglesia. Dati rati ang taas ng pagtingin ng sanlibutan sa Iglesia,lalo na sa mga Ministro, maging sa uri at antas ng pakikipagtunggali nito sa iba’t-ibang isyus o pagbatikos dito. Subalit ngayon, kabastusan at kababawan, pagmumura, pangbu-bully at paglapastangan ang karaniwang makikita sa mga nagpapakilalang mga “tunay na kristyano” subalit hindi kristyano sa pag-uugali. Kung mapapansin natin, sa kabila ng lahat ng ito ay hindi sila kailanman naghimagsik o pumatol sa kabastusan ng mga taong naninira sa kanila, bagkus ang patuloy nilang sinasabi ay huwag patulan, patuloy na ipanalangin sila upang magbago ng puso at manindigan sa katotohanan.
Mga kapatid na Defenders, sa palagay ko po ay sila ang ehemplo ng marapat na paraan at uri ng pakikipagtunggali sa kasamaan at kasinungalingan na ipinakakalat ng Sanggunian at ng kanilang mga tiwaling mga Ministro. Lahat na lamang ng bintang na pwedeng ibintang ng mga nasa Sanggunian ay ibinibintang na nila sa Kapatid na Angel at Marc, at iyan ay kanilang ginawa sa pamamagitan ng pagkuha sa amin na mga Ministro at Manggagawa at mga kapatid upang mapilit nila kami na tumistigo ng laban sa kanila, pinilit na kumatha ng mg akwento laban sa kanila upang magamit nila na di-umano ay ebidensya na sila ay nagtatayo ng ibang relihiyon, na sila ay lumalaban sa Pamahahala, na sila ay nagpaplano na palitan ang Tagapamahalang Pangkalahatan at iba pa na pawang mga kasinungalingan.
Masasabi ko siguro na isa sa aking labis na pinagsisisihan ay ang araw na napilitan akong magsalita ng laban sa Ka Marc at Ka Angel at iba pang mga kasama namin, dahil sa patuloy na interrogation sa akin ng mga Sanggunian na si Ka Rolando Esguerra, Ka Erdz Codera, Ka Radel Cortez at Ka TJ Orosa. Madalas nila akong pupuntahan sa bahay at kukumbinsihin sa mga kwentong kinatha nila na iyon ang nais nilang paniwalaan namin, at ng hindi na namin makayanan at pagpapahirap sa kalooban na kanilang ginagawa sa amin ay napilitan na kaming sumangayon na sabihin ang mga kasinungalingang kinatha nila, at iyon nga ang kanilang pinalagay sa salaysay at pinarecord pa ng video at ngayon ay pinakakalat nila. Kung meron mang unang-unang dapat na magalit at maghinanakit sa akin, walang iba kung ang Ka Angel at Ka Marc, subalit ng ako ay nakalabas na sa Central at nakaligtas na mula sa Sanggunian, ninais kong humingi agad ng tawad sa magkapatid, subalit ni hindi na nila ako pinatapos ng aking sasabihin at ang sinabi sa akin ay “nauunawaan ko ang nangyari sayo, ang mahalaga ay ligtas ka at ang pamilya mo”. Lumuha ako ng lumuha sa labis nilang pag-ibig sa amin, na dahil sa tindi ng pressure na binigay sa akin ng mga taong nagpadukot sa akin ay napilitan akong mapakasanagkapan sa kasinungalingan na pinagagawa ng Sanggunian at hindi ako nakapanindigan. Sa halip na itakwil ako ng Ka Angel at Ka Marc at ng kanilang pamilya ay hindi nila kami itinakwil, ni pinagisipan ng masama o pinagduduhan, kundi kami ay kanilang patuloy inibig at pinagmalasakit. Kaya ipinangako ko na hinding hindi na ako pagagagamit sa kamalian at ako at ang aking buong sambahayan ay maninindigan sa katotohanan at sa mga kalooban ng Diyos hanggang kamatayan. Minsan na akong pinapatay ng Sanggunian, pinabilanggo at pina-detain, sumasamapalataya ako na kaya ako iniligtas ng Ama sa napakaraming panganib na iyon ay upang ilahad ang katotohanan na siyang magpapalaya sa ating lahat. Ito ang katotohanan na pilit na hinahadlangan ng Sanggunian at ng napakaraming mga abogado na kanilang binabayaran upang huwag lamang marinig at mahayag ang katotohanan ukol sa mga kasamaan at kasinungalingan na ginawa ng Sanggunian at ng Legal Department ng Central.
Sana lahat din ng ginawan ng ganito ng Sanggunian ay makapanindigan na rin. Ka Nolan Olarte, Ka Jojo Nemis, sana habang hindi pa po huli ang lahat, magsalita na kayo. Tayo ang magkakasama noon sa Sorsogon at alam ko at alam ninyong pareho at ng sambahayan ninyo kung ano ang totoo… huwag po kayong pasilaw sa iniaalok nila, ni matakot sa ibinabanta nila. Sana po mapatunayan ninyo higit sa lahat sa Diyos, maging sa inyong mga anak, na nanindigan sa totoo ang kanilang ama. Ninong Arnel Tumanan, alam po ninyo ang totoong nangyari... pero kung mas pinili po ninyong ikaila ito, igagalang ko po ang inyong pasya.
Lowell R. Menorca II
P.S.
Nais ko pong tiyakin na ito po ay aking isinuat, hindi po sa layunin na itanyag sila bilang higit kanino man, hindi upang sabihin na sila ang dapat mamahala sa Iglesia, hindi upang ikumpara kanino man o pasaringan ang sinoman, kundi upang ipakita sa inyo ang larawan ng Ka Angel at Ka Marc mula sa pananaw at karanasan ng isa sa kanilang nakasama mula sa aking pagkabata hanggang sa mga araw na ito, upang makatulong po sa mga kapatid na hindi nakasama o nakilala ng personal ang Ka Angel at Ka Marc.
At sa lahat naman po ng mga malisyosong kampon ng Sanggunian na kukunin ang sulat kong ito at sa halip na ang mensahe ang unawain ay hihimayhimayin ito at bababuyin bibigyan ng ibang paliwanag at pasisinungalingan sa layunin na makapagbigay aliw sa mga katulad nila ng baba ng pag-iisip. Sige lang po, minsan pa patunayan ninyo kung gaano nga kayo kabastos na mga kristyano. Siguro mas maganda sa halip na mamintas kayo ng iba, gumawa na lang kayo ng sarili ninyong sulat at saka ninyo ipabasa sa mga masusugid ninyong tagabasa na kayu-kayo din lang naman. Salamat po.