BUKAS NA LIHAM PARA SA LAHAT NG KANDIDATO PARA SA PAGKAPANGULO
Sa mga kinauukulan,
Una sa lahat, nagpapasalamat kami sa inyong pagnanais na tumakbo sa pagkapangulo sa halalan sa 2016. Nababatid namin na ang pagiging Pangulo at commander-in-chief ay lubhang mabigat at maselang responsibilidad. Dito masusukat ang hangganan ng inyong katatagan, integridad at kaalaman. Dahil dito, tunay na kahanga-hanga ang inyong lakas ng loob sa pagtakbo sa darating na halalan.
Kami ay mga kaanib sa loob ng Iglesia ni Cristo at nabibilang sa populasyon ng mga registradong botante. Hindi importante kung sinu-sino kami. Ang mahalaga ay kabilang kami sa malaking bahagi ng mga kapatid na naghihimagsik ang loob dahil hindi na kayang ipinid ang mga mata sa mga nangyayari ngayon sa Iglesia.
Hingi lingid sa inyong kaalaman na ang mga kapatid sa Iglesia ay nagkakaisa sa pagboto tuwing may eleksyon. Gayun pa man, sa pagkakataong ito, ang mga kapatid ay HANDANG BUMUWAG SA KAISAHAN at maghalal ng kandidatong KAYANG MANINDIGAN SA NARARAPAT anuman ang maging kahinatnan nito. Ang hinahanap namin ay kandidato na hindi sariling kapurihan ang hangad, sa halip ay handang umaksyon sa kapakanan ng bayan. Ang pagkakaroon ng paniningdigang matuwid ang susi sa aming pagpili ng kandidatong aming susuportahan.
Ang aming mga iba’t ibang concerns ay inilahad namin sa liham na ito. Ang hinahanap naming mamumuno sa bayan ay yung kayang itama ang mga mali sa ating pamahalaan dahil ito ay salamin din sa mga kamalian ngayon sa aming mahal na Iglesia. Mangyayari lamang ang pagtutuwid na ito kung may pangulo tayo na matatag ang loob at determinasyon na PUKSAIN ang mga bagay na katulad ng: (1) SUHULAN at KATIWALIAN sa pamahalaan; (2) pag-endorso ng mga special interest groups ng mga POLITICAL APPOINTEES; at (3) ang kultura ng “padrino”. Ang kandidato na aming iboboto ay yung hindi mapapayuko ng kahit na alin mang relihiyon sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng TRUE SEPARATION of Church and State.
Kamakailan lang, ang ilan sa inyo ay hayagang pumanig sa liderato ng INC sa kagustuhang mailapit ang mga sarili nila sa maimpluensyang kapisanang ito. Sa aming pananaw, ang pagpipinid ng mga mata sa katotohanan at katarungan dahil sa pinakamimithing solidong boto ng INC ay nagpapakita ng depekto sa karakter, isang bagay na hindi namin maaaring matatanggap lalo na sa isang taong tumatakbo para sa pinakamataas ng posisyon sa ating bansa. Gayon pa man, nakahanda kaming ipagbale wala ang mga nasabi noon at magsimulang muli, mula ngayon.
Mayroon ding iba sa inyo na hanggang ngayon ay hindi nagpapahayag ng saloobin at nananatiling nakapinid ang bibig tungkol sa mga iba’t ibang isyu na nababalita laban sa Sanggunian ng INC. Ito na ang pagkakataon ninyo na ihayag sa publiko nang buong linaw kung ano ang inyong posisyon. Ito ang hamon naming sa inyong lahat.
Sa tanggapin man natin o hindi, hindi masupil ang katiwalian sa lahat ng antas at sangay ng pamahalaan ngayon. Sa katunayan, sa hustong halaga, o pressure na galing sa mga special interest groups, lalo na ang uring nag ba bloc vote, ang mga tao sa pamahalaan ay payag na ipagamit ang mga sarili nila at ipagkanulo ang tiwala ng publiko sa pagsusulong ng mga interes ng iilan sa halip na protektahan ang interest ng nakararami. Ang konsepto na “Katarungan para sa lahat” ay napapawi at nabibili ng mga pangakong pagsuporta sa halalan at mga sako-sakong pera.
Noong Augusto 2015, dahil sa maling pagpapasya na mag “show of force” rally sa EDSA upang tutulan ang ginawa ng DOJ na pagtanggap ng reklamo na isinampa ng dating ministro ng INC na si Ka Isaias Samson Jr., ay nalantad sa lahat kung ano na ang Iglesia ngayon – isang makapangyarihan at walang pakundangang BULLY na walang paggalang sa batas, o sa pamahalaan na kayang-kaya niyang brasuhin upang makuha ang gusto. At sa pinaka ipokrito na yatang ginawa ng mga namumuno sa Iglesia, at pananamantala sa kamangmangan at bulag na mga kaanib nito, pinagbitbit ang mga nagpoprotesta ng karatula na nagsusumigaw ng “Separation of Church and State”!
Upang tugunan ang matinding galit ng mga commuters na naapektuhan ng rally sa EDSA at gayon din ang pagpupuyos ng publiko dahil sa tahasang demanda ng INC sa pamahalaan na baluktutin ang batas para pumabor sa kanila, ano ang ginawa ng Malacañang? Sa halip na kasuhan ang INC ng public disturbance sa ginawa nitong pagharang sa isang pangunahing daluyan ng trapiko na wala man lang kaukulang permiso ng lokal na pamahalaan, o kaya ay kasuhan ng sedition dahil sa paghikayat sa mga miyembro ng INC na lumaban sa pamahalaan, ang Malacañang pa mismo ang nakipag-ugnayan sa liderato ng INC na magkaroon sila ng lihim na pagpupulong na hindi kasama ang mga abogado ni Ka Samson!
Hindi nagtagal pagkatapos ng pagpupulong na ito, pinahinto na ng liderato ng INC ang rally at nagpahayag na “nagkaroon na raw sila ng kasunduan sa Malacañang”. Marami ang mga naging spekulasyon ukol sa kung ano nga ang naturang kasunduan na ito, na masikap namang itinanggi ng Malacañang.
Isang ahensiya ng balita ang nag-ulat na para wala ng mapahiya, isang kompromiso ang napagkasunduan ng dawalang panig. Diuman ay itutuloy daw ng DOJ ang imbestigasyon sa reklamo ni Ka Samson subalit ito ay hindi na tutuloy sa trial dahil ibabasura nila “for lack of probable cause”. Ref. http://newsinfo.inquirer.net/718051/no-deal-struck-with-iglesia-says-palace
Makatapos ang dalawang buwan, ganito na nga ang nangyari. Nagdesisyon ang DOJ na ibasura ang kaso ng Ka Samson “for lack of evidence”. http://newsinfo.inquirer.net/740454/doj-junks-criminal-complaints-against-iglesia-leaders
Kayong mga kandidato, hindi namin alam ang kung ano ang naging saloobin ninyo sa mga pangyayaring ito. Wala man kami direktang katibayan ng sabwatan ng mga opisyales ng INC at mga tao sa Malacañang, ang karamihan ng mga kapatid namin sa Iglesia at pati na rin ang publikong sumusubaybay sa kasong ito na mga kabilang sa uring nag-iisip, ay hindi bobo o bulag. Ang totoo, hindi nila ginawang mahirap para kanino man na i-connect ang mga dots. Ang aming pangamba ay ang mga panlilinlang na ito ay nagbabadya ng mga darating pang mga ganito rin kapag kayo ay naupo na sa pagka Pangulo. Ngayon ninyo patunayan at maliwanag na ipahayag sa amin kung bakit sa tingin ninyo ay walang basehan ang aming pag-aalala.
Nakaupo ngayon sa kalagitnaan natin ang isang napakamakapangyarihang relihiyon na walang patumanggang manghingi ng kapalit sa mga pabor na ginawa nila sa mga politiko. Isa na rito ay ang pag appoint ng mga INC loyalists, qualified man o hindi. Sa haba ng panahon ng ganitong gawain, ang INC ay nakapag-upo ng maraming tao sa mga mahalagang posisyon lalo na sa iba’t ibang law enforcement agencies, judiciary, customs, immigration, labor, at iba’t-iba pang ahensya ng pamahalaan. Ang mga taong ito ay mga taong may utang na loob sa Iglesia, o kaya ay kaibigan ng Iglesia, o di kaya naman ay kaanib sa INC na ang pangunahing katapatan ay sa Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia ni Cristo.
Noong Abril 2015, nayanig ng iskandalo ang Bureau of Customs na tumuloy sa pagbibitiw sa tungkulin ng isang taong may mataas na prinsipyo at integridad, ang dating Bureau of Customs Commissioner na si John Sevilla. Ayon kay Mr. Sevilla, ang kanyang pagbibitiw ay dala ng ilang mga appointments na diumano ang nasa likuran ay may kapangyarihang puwersa, kasama na rito ang Iglesia ni Cristo, bago pa dumating ang halalan sa 2016. Ref.
http://www.rappler.com/nation/90846-customs-chief-resigns. Di nga natagalan, pag-alis ni Mr. Sevilla ay na-appoint si Teddy Sandy Raval bilang head of BOC’s Enforcement and Security Services (ESS), isang appointment na ipinaglaban ng bigating INC.
Pagkatapos ng tatlong buwan, isa na namang kontrobersiyal na appointment ang napabalita. Ito ay si Ricardo Marquez bilang PNP chief. Nag-lobby nang husto ang INC para ma-appoint ang taong ito. Isang araw lamang makalipas ang pagtitibay sa bagong tungkulin ay nangyari na ang mga coordinated na kidnappings at illegal detention ng ilang mga ministro at manggagawa ng INC. Ito ay isang araw na habang buhay ng mauukit sa aming mga isipan – Hulyo 16, 2015.
Sa kabila ng mga kidnapping, torture at illegal detention ng mga ministro ng INC na ikinagimbal ng buong mundo, ang HUSTISYA ay nananatiling mailap at naaantala hanggang sa araw na ito dahil sa isang makapangyarihan at maimpluwensyang relihiyon na ito. Maging ang pamahalaan at ang mga ahensiya nito ay hindi kayang tapatan ang malakas na kamay at madulas na buntot ng liderato ng INC.
Kahit na hindi sabihin, alam natin na ang naunang mga presidente at administration ang lumikha ng halimaw na ito. Sa paglipas ng maraming taon, ito ay hinayaang lumaki at lalo pang naging maimpluensiya. Ang mga kaganapan sa taong ito ang katunayan na mas makapangyarihan pa ang INC kaysa sa Estado na kaya nitong pasukuin. Ang nasa ugat ng lahat mga kasamaang ito ay ang napakahalagang BLOC VOTES. Ang halimaw na ito ay hindi ang Iglesia ni Cristo kundi ang mga nangunguna rito sa kasalukuyan. Ang mga doktrina ng Iglesia ni Cristo ay nananatiling dalisay subalit sa maling paggamit at pang-abuso rito ng kasalukuyang liderato ng Iglesia ay patuloy na nawawasak ang dating malinis na Iglesia.
Ito ang mga katanungan namin sa inyo:
- Ano ang balak ninyong gawin dito, kung sakaling kayo ang maging Presidente? Kung kakailanganin, may sapat na tapang ba kayo upang sugpuin ang halimaw na ito at putulin ang ulo ng Gorgona?
Hayaan ninyong linawin namin isang malahagang punto. Hindi namin hinihiling sa inyo na gambalain ang ginagawang bloc voting ng INC. ANG HINIHILING NAMIN AY PIGILIN NINYO ANG MASAMANG NAGIGING EPEKTO NITO.
- Mahigpit nyo bang ipaninindigan ang Saligang Batas at ipatupad ang TUNAY na paghihiwalay ng Iglesia at Estado?
- Handa ba kayong matatag na labanan ang mga special interest groups at tutulan ang ine-endorso nilang mga tao sa mga posisyon sa opisinang pampahalaan? O mas mabuti, mapipigil nyo ba ang pag appoint ng manunungkulan at sa halip ay mag hire at mag promote ng tao na ang basehan lamang ay merit, qualification at patas na labanan.
- Maipangangako nyo ba na aalisin ninyo ang suhulan at katiwalian sa iba’t ibang lebel at sangay ng pamahalaan?
- Kaya ba ninyong sumuporta, humikayat at magbigay ng pabuya sa mga whistleblowers (anonymous man o hindi) upang sila ay mag-ulat ng mga insidente ng pang-aabuso, katiwalian at iba pang mga krimen na ginawa o ginagawa ng mga kawani ng pamahalaan?
- Maninindigan ba kayo sa panig ng mga inaapi, mga ‘maliliit na tao’, at mga mahihirap at walang impluwensiya, sa kanilang pakikibaka para sa katarungan?
Hinahamon namin kayong lahat na sabihin at ilahad ang inyong posisyon at sagutin ang mga tanong na ito ng buong katotohanan at katapatan. Sa pagtugon ninyo namin malalaman kung paano kami boboto. Naisaad na namin sa simula pa lang ng liham na nito na handa kaming bumoto ng kaiba sa ipapasya ng liderato ng INC. Gayon din, maaari rin kaming magkaisa na hindi bumoto kung sa aming pakiwari ay walang kandidatong karapat-dapat sa aming mga boto.
Sa pagtatapos, ipinababatid namin na patuloy man kaming sumasampalataya sa tinanggap naming doktrina ukol sa pagkakaisa, sa darating na halalan, kami ay boboto base sa aming kunsensya, ito man ay kaiba sa papaboran ng namumuno sa Iglesia.
Ang pagkakaiba ng tunay na doktrina ay ang pagpapatupad nito ng walang pagtatangi, sa lahat ng lokal ng Iglesia saan mang kontinente may nakatatag na INC. Samantala, ang pagkakaisa sa pagboto o bloc voting ay hindi isinasagawa sa ibang mga bansa. Sa katunayan, ang mga kapatid namin sa Estados Unidos ay pinapayagang bumoto sa kandidatong kanilang pinili. Ang INC doon, sa lantaran man o sa lihim, ay hindi nag-eendorso ng mga kandidato sa pulitika na dapat suportahan ng mga kapatid, hindi katulad ng ipinatutupad dito sa Pilipinas.
Ang paniniwala na ang pagboto ay dapat batay sa konsenya ng bawat indibidual ay sinasang-ayunan ng maraming kapatid sa Iglesia, kabilang na rito ang mga ministro, manggagawa, may tungkulin at pangkaraniwang kaanib lalo nga at hayag na hayag na ang masamang epekto ng bloc voting sa Iglesia dahil nagiging daan ito upang magamit ito sa katiwalian at pansariling kapakanan sa halip na s akabanalan. Ito ay sa kabila ng anumang pinapirmahan sa mga may tungkulin ng kanilang mga destinado na sila ay makikipagkaisa sa darating na elekson.
Dahil sa kasalukuyang mga isyu sa liderato ng Iglesia, marami na sa mga kapatid ang di na nais na manahimik na lamang at magsawalang kibo. Ito ay maliwanag sa bawat lokal at distrito ng INC sa buong mundo. Maraming mga bagong exposé at iba’t-ibang mga kaganapan sa Iglesia na nagpapahayag ng matapang na labanan sa mga pang-aapi at papapatupad ng bulag na pagsunod sa mga tiwaling opisyal ng INC. Natuto na ang mga kapatid na ipahayag ang kanilang mga saloobin at manindigan para katarungan. Inaasahan namin na ganyan din ang gagawin ninyo.
Sa kasalukuyan ay ginagamit ng Pamamahala sa Iglesia ang pananampalataya ng mga kaanib upang takutin sa pagsunod sa kaisahan sa pagboto sapagkat hindi gaya sa mga nagdaang halalan kung saan buo at solido ng boto ng Iglesia, ngayon ay alam ng lahat na basag na ito at maraming mga kapatid ang nagpahayag na hindi nila susundin ang ie-endorso ng liderato ng INC. Sa kasaysayan ng Iglesia, ngayon lamang nagkaroon ng ganito napakatinding krisis sa liederato, at dahil sa lantad na ang mga ebidensya ng katiwalian, dadaanin namin sa pagboto ang aming gagawing malawakang protesta.
At dahil sa hanggang sa mga sandaling ito ay hindi pa rin nagagawang sagutin ng malinaw at may katunayan ang mga isyu ng katiwalian at mga eskandalo na kinasasangkutan ng mga pangunahing liderato ng Iglesia na kabilang sa Sanggunian, kaya nawalan na ng tiwala ang mga kapatid sa kasalukuyang Pamamahala at sa kaniyang mga pangunahing katuwang sa Sanggunian. Umasa kayong sa araw ng halalan, kami ay magsasalita ng MALAKAS at MALINAW sa aming gagawing pagboto at hindi kami magpapagamit sa Pamamahala ng INC.
Lubos na gumagalang,
Mga Mapanuring Botante na Iglesia ni Cristo