Recovered Article: Posted May 19, 2015 but was shutdown by ACTIV July 17, 2015.
Itinuro noon ng Sugo at maging ng Kapatid na Eraño Manalo at ng kasalukuyang Tagapamahalang Pangkalahatan, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo, na ang dapat pagtalagahan ng isang Ministro ay ang kaniyang tungkulin at ang kawan at hindi ang mga bagay na walang kinalaman sa pagiging kawal ng Diyos. Kaya ang mga pangunahing pangangailangan ng isang Ministro at ng kaniyang Sambahayan ay ipinagkakaloob ng Pamamahala sa Iglesia sa pamamagitan ng TULONG. Ito ay sapat upang hindi maging kawawa ang isang Ministro at sapat upang hindi rin naman sya maging labis na marangya sa buhay. Ang Pamamahala ang nagkakaloob ng pangangailangan ng isang Ministro upang magamit nya sa pagtupad ng kanyang tungkulin. Subalit dahil sa naiba na nga ang kultura ng Ministerio sa pangunguna ng mga nasa Sanggunian, ang unang nagbago din ay ang mga Tagapangasiwa, sunod ay ang mga Ministro na kanilang nasasakupan. Kaya kung paanong noon ay walang Ministro ang mayroong sariling sasakyan at bahay, kundi kung ano lamang ang ipinagkaloob ng Pamamahala, subalit ngayon ay ibang-iba na.
Bagamat sa panahon ngayon ay tinatanggap nating isa ng “necessity” ang sasakyan bilang kagamitang pangtransportasyon upang makarating ang Ministro sa kaniyang mga Suguan sa Pagsamba, pagdadalaw at mga aktibidad sa Iglesia. Natuto na rin ang mga Ministro ngayon na magkaroon ng “FALL BACK PLAN”, kung sakali mang siya ay magkaproblema at mawalan ng karapatan kaya nagpundar na rin ng sariling lupa at bahay. Wala naman sanang problema sa ganito lalo nga kung ang layunin ng isang Ministro ay ayaw niyang maging pabigat sa Pamamahala lalo na nga pagdating ng araw na sila ay magreretiro at aasa pa sa Pamamahala ng pabahay at iba pang pangangailangan, subalit may ilan na hindi ganito ang pananaw sa Ministerio at hindi nakuntento, at naghangad pa ng mas magagara at mararangyang bagay sa buhay na hindi na angkop sa estado ng isang Ministro.
Ang pinakamagandang paraan para matiyak ng isang Ministro na siya ay walang nalalabag na tuntunin patungkol sa uri ng pamumuhay na karapatdapat na ibuhay ng isang Ministro ay ang UMUGNAY sa Namamahala sa Iglesia, humingi ng pahintulot na magmay-ari ng isang bagay gaya ng sasakyan, tahanan, at iba pa. Upang sa ganun ay matiyak ng Pamamahala kung ito ba ay angkop sa isang kawal ng Diyos at hindi labis sa nararapat. Kapag ito ay binigyan ng pahintulot at pasado sa pamantayan ng Ministerial Ethics, maaari na itong pahintulutan ng Pamamahala na maging pag-aari ng isang Ministro. Dito ay napakahalaga ang TRANSPARENCY AND ACCOUNTABILITY, kung paanong sa panahong palang na ang isang tao ay magpasyang pumasok sa Ministerio ay tinitingnan na kung siya o ang kaniyang mga magulang ay may kakayanan na tustusan ang kaniyang pag-aaral dahil kung hindi ay hindi ito pahihintulutan dahil baka mahulog lang siya sa pagmomolestya sa mga kapatid na tumustos ng kaniyang pag-aaral, kaya lalo itong APLIKABLE sa isang Ministro na. Kailangan niyang patunayan na sa kaniya ang salapi na kaniyang gugugulin sa kaniyang bibilhin upang mawala ang anomang isipin na ito ay mula sa molestya sa mga kapatid o mula sa mahalay na pakinabang. Kaya kung sakali mang dumating ang panahon na may mga lilitaw na usapin ukol sa mga bagay na pag-aari ng isang Ministro na nagsisilbing katitisuran sa Iglesia, napakadaling paliwanagan ito sapagkat sasabihin lang ng Tagapamahalang Pangkalahatan na “Iyan ay may pagpapaalam at may Pahintulot”….TAPOS ANG USAPIN.
Subalit nakalulungkot isipin na sa pangunguna ng Sanggunian ay nawala ang integridad ng Ministerio dahil sa sila ang unang kinakitaan ng paglilingid sa Tagapamahalang Pangkalahatan ng kanilang mga mamahaling mga ari-arian na kung iisa-isahin nting pag-aralan ay hindi maipapaliwanag kung saan nanggaling ang malalaking halaga na ginugol sa pagbili nito. Idagdag pa ang kawalan nila ng pagpapahalaga sa imahe ng Ministerio dahil nagsisilbing katitisuran ang pagkakaroon nila ng malabis na karangyaan gaya ng sobrang mamahaling mga sasakyan, bahay, kagamitan, damit, at salapi na hindi na angkop sa isang Ministro ng Diyos. At dahil sa ganyan na ang nakikita sa Sanggunian, ganyan na rin ang ginagawa ng mga Tagapangasiwa na nagmamay-ari na rin ng mga mamahaling mga sasakyan at mararangyang mga tahanan at mga kagamitan. At syempre kung ganyan ang mga nangangasiwa, papaano nila sisitahin ang mga karaniwang Ministro na gumagawa na rin ng iba’t-ibang kaparaanan upang magkaroon ng karangyaan sa buhay. Wala na ba talaga ang mga panahon na payak o simple lamang ang pamumuhay ng isang Ministro? Bisitahin ninyo ang bahay ng isang Ministro, tingnan ninyo ang uri ng sasakyan na kaniyang ginagamit at iba pa nyang ari-arian… O kaya ay dumalaw kayo sa parking lot ng (LIG) Central Condo sa Basement 1 and Basement 2, dyan po kayo makakakita ng mga mamahaling mga sasakyan na hindi lang isa o dalawa, minsan ay higit pa. Hindi naman nating sinasabi at gugustuhin na magmukhang aba at kawawa ang ating mga Ministro lalo nga’t sila ang kinakasangkapan ng Ama ng mangalaga sa Kaniyang kawan at magturo ng mga dalisay na salita ng Diyos kaya marapat lamang na magkaroon man lamang sila ng maayos at desenteng kagamitan na magagamit nila sa pagtupad nila ng kanilang tungkulin. Subalit papaano kung sakaling kami mismong mga Ministro ang kakitaan ng malabis na karangyaan? Ano kaya ang mararamdaman ng karaniwang kapatid, ano kaya ang iisipin niya, lalo nga at alam naman nilang “tulong” lang naman ang aming tinatanggap sa Pamamahala. Ang maaari nilang isipin ay malamang may mayaman itong kamag-anak na nagbibigay sa kanila ng pera na pangtustos sa kanilang marangyang pamumuhay. O kaya ay malamang may “raket” itong Ministrong ito at nagnenegosyo. O kaya malamang ay tumatanggap ito ng pera sa mga politiko o kaya ay malakas magmolestya sa mga kapatid? Kayo po na bumabasa, ano po kaya ang iisipin ninyo? Hindi ba’t sa ganitong paraan ay nadudungisan ang Ministerio at ang napakabanal na tungkuling ito?
Sa mga kapwa ko Ministro, huwag po ninyong ipagkamali na panatiko ako, hindi po ako ipokrito, walang masamang maghangad ng magagandang bagay para sa atin at sa ating pamilya, hindi masama na maghangad at mangarap na guminhawa sa buhay, subalit dapat po natin itong ilagay sa lugar, lagi nating dapat isaalang-alang at ipagpauna ang kapakanan ng banal na Ministerio na kung sa paghahangad natin ng mga bagay na nais natin ay mapupulaan o matatawaran ang Ministerio, dapat marunong tayong magtanggi ng ating sarili para sa kapakanan ng Ministerio. Kung hindi natin ito kayang gawin, malamang ay hindi tayo dapat manatili sa Ministerio dahil madudungisan lang natin ito. Kaya kung susuriin natin ang ating sarili ngayon at ang ating pamumuhay, angkop ba tayo sa uri ng pamumuhay na karapatdapat sa Ministerio o namumuhay tayo ng may pagmamalabis, ng may karangyaan, ng walang pagtatanggi sa sarili, ng walang pagsasaalang-alang sa integridad at kalinisan ng Ministerio? Sana balikan natin ang mga aral na itinuro sa atin noong tayo ang nag-aaral pa sa paaralan ng mga nagmiministro, balikan natin ang ating mga Ministerial lessons, Ministerial ethics, para manariwa sa atin kung gaano nga ba ka banal ang Ministerio kung saan tayo tinawag na MAGLINGKOD at HINDI PAGLINGKURAN. Tayo ang maglilingkod sa mga Kapatid at hindi ang kabaligtaran. At habang tumataas tayo sa tungkulin, halimbawa naging Pastor, naging District Staff, naging Tagapangasiwa, hindi nangangahulugan na aasta na tayong may pagkapanginoon, kundi lalo lang lumawak at dumami ang mga kapatid na ating paglilingkuran at ipagmamalasakit. Kaya sana po ay tigilan na ng mga Tagapangasiwa at mga District Staff at iba pang mga “malalakas ang loob” na mga Ministro ang pamimihasa ng “pakimkim system” kung saan ay maghihintay sila na sila ay kamayan (may nakaipit na pera sa pagkamay) kapag sila ay dumalaw o nangasiwa ng pagsamba. Ang masama ay may iba na talagang nagsasabi pa ng hayagan na “O ikaw na bahala sa pangpagasolina ko ha” o kaya naman “saan ba magandang bumili ng pampasalubong sa mag-ina ko, hindi ko kasi sila naisama eh?” Ito ay hayagang pagmomolestya na kung saan ay nagmamalabis na ang ilang mga Ministro sa kabutihang loob ng mga kapatid na tumatanggap sa mga Ministro sa kanilang pagdalaw o pangangasiwa. Ang hindi naiisip ng isang Ministro na gumagwa nito ay pag-alis nya ay nagsasalita ng hindi maganda ang kapatid dahil sa ginawa niya kaya nadudungisan nya ang kaniyang karapatan bilang Ministro at ang Ministerio sa kabuuan. Ang masaklap nito ay ganito din ang sistema habang papataas ng papataas ang tungkulin ng isang Ministro. Kaya kapag ang isang Tagapangasiwa ay dumalaw o nangasiwa, nangangamba na ang asawa ng Ministro kung saan nila kukunin ang halaga na kanilang iaabot sa District Staff at sa Tagapangasiwa. Kung paanong nag-aalala din ang mga Tagapangasiwa kapag sila naman ay pupunta sa Central tuwing may klase at pulong ng mga Tagapangasiwa dahil higit na mas mahalaga ang perang kanilang iaabot sa mga nasa Sanggunian lalo nga at hindi pwedeng hindi sila dadaan sa opisina ng mga nasa Sanggunian dahil kailangan nilang magpapirma ng Clearance sa bawat departamento. Hindi ba’t may mga kilala tayo na mga Ministro na pagkalipas lang ng ilang taon, kahit hindi naman pumapasa sa standard sa bunga at wala rin namang mahusay na record sa lokal eh mababalitaan mo na lang na ginawa ng Kalihim ng Distrito, yun pala dahil sa malakas mag-abot sa Tagapangasiwa, kaya pinaboran, hiniling sa Central, pinagtibay. Kaya ganyan din ngayon ang natututunan ng ibang mga Ministro na kahit hindi ka na magbunga, basta magaling kang magbigay sa Tagapangasiwa mo, irerekomenda ka nyang maging Pastor, at pagka naging Pastor ka naman na ay lagi ka ring butas ang bulsa dahil lalong dumami ang bibigyan mong mga “Boss”. Kaya tuloy sa iba, dito na namulat ang kanilang batayan sa PROMOTION ay kung gaano ka kagaling magbigay at magpaligaya ng O1 mo o ng Sanggunian. Kaya tuloy ang nasasabi ng mga matatandang Ministro, “Ang pinaghusay nila ay ang pagpapaligaya sa tao, nakalimutan na nila na ang una at Siya naman talagang dapat na paligayahin at kumbinsihin ay ang Ama, para ang isang Ministro ay sumulong sa karapatan.” SANA MATAPOS NA ANG TIWALING KULTURANG ITO SA MINISTERIO. Kawawa kasi ang Iglesia kapag ipinagpatuloy pa ito, mawawala ang kabanalan at ang pagsama ng Espiritu Santo sa atin kapag ganyan.
Pero isipin nyo na lang kung ibabalik natin ang dating sistema at iyon naman talaga ang tama, na mahigpit na ipinagbabawal ang pagtanggap ng kahit anumang salapi sa kanino man o kahit pa “in kind”, matitigil na rin ang isang bahagi ng katiwalian sa Ministerio at iyan ay ang pagmomolestya. Kung maninindigan ang lahat ng mga Tagapangasiwa na HINDI SILA TATANGGAP NG KAHIT ANONG PERA O REGALO, at iyan ay ipapatupad niya sa lahat, lalo na sa kaniyang mga nasasakupang mga Ministro, edi walang ring Ministrong mapipilitang magmolestya sa kapatid para lang may maipang-abot sa kanilang Tagapangasiwa. Ang sarap sana ng pakiramdam kung masasabi mo na “Alam ba ninyo dito sa Distrito namin, yung Tagapangasiwa namin, hindi talaga tumatanggap ng “abot” kahit anong pilit mo, talagang pirmi sya sa paninindigan niyang maingatan ang kalinisan at integridad ng Ministerio”, tapos ganyan din ang magiging paninindigan ng mga Pastor, mga Destinadong Ministro at Manggagawa at maging ng mga nagsisipag-aral sa pagka-Ministro, may pag-asa pang maibalik natin ang dating ningning at kalinisan ng banal na Ministerio. Kung paanong buong ingat na itinuro ng Sugo at ng Kapatid na Eraño G. Manalo ang mataas na uri ng pagpapahalaga sa Ministerio at ito ay buong ingat nilang binantayan upang matiyak na kahit mayroon pa lamang uumuusbong na katiwalian at pagmomolestya ay sinusugpo na nila upang huwag na itong mamayani at lumaganap pa. Kinakailangang maputol ang linya ng katiwalian, mula sa taas, sa mga Sanggunian, hanggang sa pinakababa, sa ugat mismo ng katiwalian at pagmomolestya. Subalit mga kapatid, hindi namanlahat ng Sanggunian ay tumatanggap ng pera o suhol, isa na dyan si Ka Maximo Bularan Jr., at si….. si Ka Maximo Bularan Jr. lang pala. Hindi rin naman lahat ng mga Tagapangasiwa ay tumatanggap ng pakimkim, hindi rin naman lahat ng Ministro ay nagmomolestya, marami pa rin namang mga Ministro ngayon ang hindi tumutulad sa mga tiwaling Ministro ng Sanggunian at nagagawang maingatan ang imahe ng Ministerio, ito ang mga TUNAY NA MINISTRO, MGA MINISTRONG HINDI MASUSUHULAN.
Sana po mga kapatid magtulong-tulong tayong na sugpuin ang ano mang katiwalian at karumihan na dumudungis sa banal na Ministerio lalo na ang mula sa hanay ng mga Ministrong nasa Sanggunian. Sikapin nating iulat sa Pamamahala ang lahat ng mga nalalaman ninyong katiwalian ng Sanggunian s alayunin na ito ay masugpo. Subalit sa kalagayan ngayon ng Sanggunian na alam naman nating nahaharang nila ang lahat ng mga ulat upang hindi ito makarating sa ating Tagapamahalang Pangkalahatan kaya hindi nasusolusyunan, kung sakabila ng inyong pagsisikap na maituwid ang mga pagkakamali ay nagagawa pa rin nilang harangin ang ga ito, maaari po ninyong ipadala sa amin at sama sama po nating hanapan ng solusyon na mabigyang tinig ang inyong hinaing, hindi sa layuning ilantad ang Iglesia sa kahihiyan at pagkasira, kundi upang lalong maipamulat sa lahat ng mga kapatid na tayo ay gising na sa katotohanan at nagkakaisa sa pakikipagtulungan tungo sa paglilinis at positibong pagbabago sa Iglesia upang maibalik ito sa kaniyang malinis at walang dungis na kalagayan. Sa pamamagitan ng maingat at buong katotohanan na paghahayag sa social media ay nabibigyang tinig ang mga kapatid na ilantad ang mga katiwalian, pagmamalabis, panggigipit at pang-aapi upang ito ay masugpo at maituwid, upang hindi na nila tayo muling mapatahimik sa layuning mamayagpag ang mga taong tampalasan. WE ARE SILENT NO MORE.
Kaya po sa lahat ng mga inihahayag ko sa mga artikulong aking isinusulat ay tinitiyak kong ang mga ito ay batay sa mga bagay na aking personal na nalalaman (first hand information) o nasasaksihan (hindi tsismis o sabi-sabi lamang) at kung hindi ko man ito personal na alam ay tinitiyak ko munang mayroon akong sapat na batayan o ebidensya upang matiyak na ang inyong nababasa ay mga bagay na maghahatid sa atin sa pagkaalam ng katotohanan. Sa tulong at awa ng Diyos ay maipagtatagumpay po natin na maibalik ang mahal nating Iglesia sa kaniyang kalinisan at kaningningan sa kapatdapat sa ikapagtatamo ng kaligtasan. Tulungan nawa po tayo ng Ama.
~ Antonio Ebangelista
“They tried to bury us…they didn’t know we were seeds.”
How did did this all start? “Ang Simula” / “The Start”
This is my STAND: “Let me Make Myself Clear”
F.A.Q.: Question and Answer with Antonio Ebangelista
Our Standard: Let this be a CLEAN FIGHT even if THEY FIGHT DIRTY
Philippine Daily Inquirer Article: “Antonio Ebangelista writes Philippine Daily Inquirer, Warns Iglesia Elders”
Para sa lahat ng mga MINISTRO: FOR IGLESIA NI CRISTO MINISTERS
The CHOICE is always UP TO YOU : “The Red Pill. The Blue Pill”
Contact Information
Offcial Email: AntonioRamirezEbangelista@gmail.com
Official Blog: Http://incsilentnomorebackup.wordpress.com
Official Facebook Page: https://www.facebook.com/Iglesia-Ni-Cristo-Silent-No-More-by-Antonio-Ramirez-Ebangelista-1611787305760651/
Official Facebook Account:https://www.facebook.com/antonio.ebangelista.77
Official Instagram: @antonioebangelista
Official Twitter: @AEbangelista1
#iglesianicristo #inc101 #inccentennial #centennial #inc4life #incootd #incfashion #icmedianews #inctv #net25 #incmedia #increview #fymfoundation #mycountrymenmybrethren #kabayankokapatidko #incselfiechallenge #incwikileaks #sanggunian #radelcortez #gerrypurification #junsantos #gliceriosantosjr #rodelcabrera #biensantiago #erdzcodera #ernestosuratos #mattpareja #antonioebangelista #silentnomore #iglesianicristosilentnomore