Ang kaliwa’t kanang pagtitiwalag ngayon ng Sanggunian hindi lamang sa mga kapatid at mga maytungkulin kundi maging sa mga ministro ang naghasik ng takot sa marami kaya sa kabila ng katotohanang halos bumaligtad na ang kanilang sikmura sa mga katiwaliang pinaggagagawa ng ilang ministrong nasa kapangyarihan ay pinili na lamang nilang manahimik at maghintay sa pagbabago at “pagkilos” ng Diyos. Naghihintay sila ng “himala” at umaasang isang araw ay magigising na lang sila na nagwakas na ang lahat ng katiwalian, wala na sa puwesto ng kapangyarihan ang mga kurap na mga ministro, tumanggap na sila ng parusa ng Diyos, at payapa na ang Iglesia. Natatakot ang mga ministro at mga manggagawa na ilantad ang mga katiwalian ng mga miyembro ng Sanggunian at ng mga sunod-sunuran nilang ministro at mga tauhan dahil sa pangamba na ito ay katumbas ng paglaban sa Pamamahala at nagkakasala sila sa Diyos.
Tunay na dapat hintayin ang pagkilos ng Diyos. Subalit, dapat din na maunawaan nating lahat na ang mga nangyayari ngayon ay pagkilos na ng Diyos upang gisingin ang ating mga damdamin. Tandaan natin na upang tayo ay tulungan ng Diyos ay kailangang tulungan muna natin ang ating sarili; na ang tutulungan ng Diyos ay ang sumusunod sa Kaniyang mga utos. Subalit, paano tayo makaaasa sa tulong o “himala” ng Diyos kung tayo ay nagbubulag-bulagan sa harap ng mga kurapsiyon at katiwalian sa Iglesia? Makaaasa kaya ang isang ministro na siya ay magtatagumpay kung wala siyang ginagawa o ayaw niyang gawin ang mabuti? Tunay na napakaraming halimbawa ng mga himala na ginawa ng Diyos sa Kaniyang bayan. Himala ang naging pagtawid ng Israel sa dagat na gaya ng sa tuyong lupa, subalit hindi sila basta na lang binuhat ng Diyos at dinala sa ibayo ng dagat. Kinailangan nilang maglakbay ng malayo o lumakad at tumakbo. Himala rin ng Diyos na si David ay nanaig kay Goliat, subalit kinailangan munang makipaglaban siya at patunayang hindi siya natatakot sa kaniyang higanteng kaaway. Marami pa tayong maaaring banggitin subalit sapat na ang mga ito upang ating maunawaan na hinihintay tayo ng Diyos na kumilos, huwag matakot, at gawin ang tama o mabuti upang Siya ay maghimala. Panghawakan natin ang nakasulat na kaya kinalugdan ng Diyos ang Kaniyang Sugo ay dahil dinakila niya at ginawang marangal ang Kaniyang kautusan (Isa. 42:21).
Itinuturo ng Biblia na “Ang nakakaalam ng mabuti na dapat niyang gawin ngunit hindi ito ginagawa ay nagkakasala” (Sant. 4:17). Ang “mabuti” ay ang mga salita o utos ng Diyos (Roma 7:12). Ano po ba ang utos ng Diyos, ang magsawalang kibo na lamang sa harap ng mga katiwalian at mga gawa ng kadiliman, makisama sa mga gumagawa nito dahil sa takot sa maaari nilang gawin o magbigay-lugod sa kanila kapalit ng materyal na bagay, o kaya ay ng “pagsulong,” o pananatili sa karapatan? Ang sagot ng Biblia: “Pag-aralan ninyo kung ano ang kalugod-lugod sa Panginoon” (Efe. 5:10). Alam na alam nating lahat lalo na ng mga ministro sa loob ng Iglesia na ang dapat nating bigyan ng kaluguran ay hindi ang tao kundi ang Diyos.
Ano ba ang nakalulugod sa Panginoon? Ang sabi ng Panginoon, “Huwag kayong makikisama sa mga taong gumagawa ng mga bagay na walang ibinubungang kabutihan—mga bagay na dulot ng kadiliman. Sa halip ay ilantad ninyo sila at ang kanilang mga gawa” (Efe. 5:11). Samakatuwid, tungkulin ng lahat lalo na ng mga ministro at mga manggagawa sa Iglesia na huwag makisama sa mga gumagawa ng mga bagay na masasama, tulad ng mga kurapsiyon at katiwalian, sa halip, ay dapat ilantad ang masasamang gawa. Ito ang doktrinang itinaguyod at mahigpit na pinanghawakan ng Kapatid na FelixY. Manalo at ng Kapatid na Eraño G. Manalo kaya hindi nila kinunsinti ang mga kapatid lalo na ang mga ministrong gumagawa ng masama. Naaalala pa ba ninyo ang sinabi ng Ka Erdy sa kapulungan ng mga ministro na kahit walang matirang mangangasiwa ng pagsamba ay lilipulin niya ang mga ministrong ayaw magbago sa halip ay patuloy sa paggawa ng katiwalian at kasamaan. Sinabi niya ito dahil sa pagmamahal niya sa Diyos at sa Iglesia at pananagutan niyang madala ang Iglesia sa kabanalan at kasakdalan para sa kaligtasan. Ganoon manindigan ang tunay na ministro ng Diyos. Hindi ko po sinasabing hindi ito itinuro ng kasalukuyang Tagapamahala ng Iglesia subalit hindi ito pinahalagahan at sinunod ng Sanggunian dahil sa labis nilang pagiging materyalistiko at pagkagahaman sa kapangyarihan.
Ano ang mabuting idudulot kapag nailantad ang masasamang gawa? Sa talatang 13-14 ay ganito ang mababasa: “And when all things are brought out to the light, then their true nature is clearly revealed; for anything that is clearly revealed becomes light.” Hindi nga ba’t nang mailantad ang mga katiwalian ng mga nasa Sanggunian ay lumabas na rin ang tunay nilang katauhan? Na hindi lamang ang mga katiwalian sa Iglesia ang kaya nilang gawin. Na kaya rin nilang magpadukot ng tao, i-terrorize and buong pamilya nito, mag-house arrest, at magpatugis sa kanilang mga itiniwalag na gamit ang mga pulis at militar pati na ang mga “goons” at kung ano-ano pa. Ayon pa rin sa talata, ang paglalantad sa masasamang gawa ang magiging liwanag o magbibigay liwanag sa lahat. Sana lang po ang unang makakita ng liwanag ay ang mga ministro at mga manggagawa sa Iglesia upang sila ang maging kasangkapan sa pagpapaliwanag ng katotohanan sa Iglesia.
Nakalulungkot na ang mga ministrong naglantad ng kanilang mga masasamang gawa ang siya pang pinaratangan na masasama, kinususuklaman ng mga hindi nakakaunawa, itiniwalag at idinemanda, at patuloy na sinisiraan at pinagtatangkaan ang kanilang buhay pati ng kanilang mga mahal sa buhay. Ang lalong nakalulungkot at nakababahala ay ang patuloy na pananahimik ng mga ministro at mga manggagawa na ang marami ay matatanda na sa karapatan. Mga ministrong sumumpa sa Diyos na kanilang ipagsasanggalang ang Iglesia laban sa masasama sukdulang ibuwis nila ang kanilang buhay. Kung ang pakikiapid o pag-aasawa sa sanglibutan ay masama at ikinatitiwalag ng kapatid, hindi po ba lalong masama ang ginagawa ng mga kurap na ministro na sinalaula na ang Iglesia sa pamamagitan ng lahat ng uri ng kurapsiyon o katiwalian. Ang sabi nga sa talatang 12: “Sapagkat kahiya-hiyang banggitin man lamang ang mga bagay na ginagawa nila ng lihim.” Ang totoo, hindi na lihim ang kanilang ginagawa kundi hayagan na nilang ginagawa. Sa totoo rin lang, hindi sila kundi tayo na ang nahihiya sa kanilang mga ginagawa na pagsasamantala sa Iglesia, paglapastangan sa mga tuntunin sa Pananalapi at Kalihiman sukdulang maghirap at maapi ang Iglesia.
Ayaw sana ng mga ministrong dumulog sa Media na gawin yaon sapagkat tulad ng binabanggit sa talata ay “kahiya-hiyang banggitin man lamang ang mga bagay na ginagawa nila,” subalit alam nilang walang nakikinig sa kanilang sinasabi, sa halip, ang karaniwan nilang sinasabi ay “hindi totoo iyan” at “nasaan ang ebidensya?” Pagkatapos ay pagbibintangan na sila na lumalaban sa Pamamahala, aalisan ng karapatan at ititiwalag. Pupuntahan o kakausapin ang lahat ng kanilang mga mahal sa buhay at pagagawin ng salaysay. Dapat sana ay bumuo sila ng grupo ng mga ministrong “neutral” at hindi pumapayag na umiral ang kasamaan, upang sila ang gumawa ng pagsisiyasat subalit ang nangyayari ay sila-sila rin ang “nagsisiyasat” sa kanilang sarili. Kaya ano ang resultang maaasahan natin? Ang pagtakpan ang kanilang katiwalian. Sila rin ang nagtulak sa mga ministro upang malagay sa gipit na kalagayan at matutong lumapit sa Media. Sa akala niyo po ba ay ginusto ng mga ministrong pinarusahan ng Sanggunian na maalisan ng karapatan, matiwalag, kamuhian ng mga walang nalalaman, saktan at pahirapan, tugisin ng kanilang mga armadong tauhan, idemanda at manganib ang kanilang buhay pati na ng kanilang mga pamilya? Sa tingin po ba ninyo ay masarap ang pakiramdam ng hindi nakakapangasiwa ni nakadadalo ng pagsamba? Ang lalong masakit, nangyayari ito sa kabila ng katotohanan na sila ang nanindigan sa aral kahit pa alam nilang malaki ang posibilidad na tatalikuran sila ng kanilang mga kasamahang ministro kapag nagkagipitan, mapipipilan sila dahil sa takot samantalang sila mismo ang laging bumabanggit sa nakikita nilang katiwalaan.
Ang sabi sa talatang 17 ay, “Huwag kayong mga hangal. Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.” Ang panawagan naman ng Diyos sa lahat ng nagwawalang-bahala at kung nababahala man ay walang ginagawa ay: “Gumising ka, ikaw na natutulog” (Efe. 5:14 (b). Huwag po nating katakutan ang galit ng tao kundi ang galit ng Diyos sa nagpabaya sa Kaniyang kawan. Kailan pa gigising at kikilos ang lahat? Maibabalik lamang ang Iglesia sa kaniyang banal at maayos na kalagayan kapag nagising na ang mga natutulog.
Antonio Ebangelista
"They tried to bury us...they didn't know we were seeds."
Official Website: http://www.incdefenders.org/
http://www.iglesianicristosilentnomore.org
Email: [email protected]
Instagram: @antonioebangelista
Twitter: @AEbangelista1
Also visit: https://www.facebook.com/RestoretheChurch
#iglesianicristo #inc100 #inccentennial #centennial #inc4life #incootd #incfashion #icmedianews #inctv #net25 #incmedia #increview #fymfoundation #mycountrymenmybrethren #kabayankokapatidko #incselfiechallenge #incwikileaks #sanggunian #radelcortez #gerrypurification #junsantos #gliceriosantosjr #rodelcabrera #biensantiago #erdzcodera #ernestosuratos #mattpareja #antonioebangelista #silentnomore #iglesianicristosilentnomore
You must log in to post a comment.