April 30, 2015
Mga mahal na Kapatid,
Marahil po ay kumalat na sa inyong Lokal ang issue na ititiwalag na daw po ang magkapatid na Ka Angel and Ka Mark Manalo. At narito po ang leksyon na kanilang pinabalangkas kay Kapatid na Dan V. Orosa upang bigyan ng “justification” ang kanilang gagawing pagtitiwalag sa magkapatid at sa lahat ng sinumang magkukwestyon sa Sanggunian.
Bago po ninyo ito basahin, nais po naming ipabatid sa inyo na ang leksyon na ito ay ginawa ng Kapatid na Felix Y. Manalo, ang sugo ng Diyos sa mga huling araw na ito. At upang matanggap natin ito ng buong galang at pagkaunawa ay isinangguni ko po ito sa mga kaibigan kong mga Tagapangasiwa at mga Ministro upang malaman ang kanilang pananaw ukol dito.
Wala po kaming anumang tutol sa hanay ng Sugo sa leksyong ito, wala rin po kaming tutol sa nilalaman ang mga talata, ang nais lang po naming ipapansin sa inyo ay kung paanong ginamit itong leksyon na ito ng Sugo upang bigyan ng sapat na dahilan ng Ka Dan. V. Oras na hindi dapat batikusin, punahin at kwestyunin ang mga Taga-Sanggunian dahil katumbas daw ito ng paghihimagsik sa Sugo at sa Pasugo at tatanggap ng kaparusahan gaya ng binabanggit sa mga talata ng Biblia.
Ang mga komento po ng mga kasama po naming mga Tagapangasiwa at mga Ministro ay nakapaloob sa [***…***]. Minarapat po naming hindi na muna sabihan ang pangalan ng mga tapat na Ministrong ito upang huwag silang mapag-initan ng mga taga-Sanggunian. Narito na po ang Leksyong pang Sabado at Linggo:
ANG IBUBUNGA SA MGA KAPATID NA MAY PAGHIHIMAGSIK SA SUGO AT SA PASUGO
ISYU
Ang Diyos ang tuwirang kinakalaban ng sinumang kapatid na naghihimagsik o lumalaban sa Sugo at sa pasugo Niya at ito ay kaniyang ikapapahamak.
MGA LAYUNIN
Ituro na ikinagagalit ng Diyos ang paglaban at pag-upasala ng sinuman laban sa Sugo at sa inilagay niyang Tagapamahala sa Kaniyang bayan.
Ipaunawa kung kanino tuwirang lumalaban ang naghihimagsik laban sa Sugo at sa Pamamahala na inilagay ng Diyos.
Ipakita kung ano ang ibinubunga ng galit ng Diyos sa mga taong lumaban noon sa pamamahala ni Moises sa bayan ng Diyos.
Ipakilala ang kasamaan ng paglaban sa Pamamahala maging sa panahong Cristiano.
PANIMULA
Sa buwang ito ay gugunitain natin hindi lamang ang ika-129 taon ng kapanganakan ng kapatid na Felix Y. Manalo sa Mayo 10, 2015, kundi pati na ang mga aral ng Diyos na itinuro niya at itinataguyod sa loob ng Iglesia Ni Cristo. Kasama sa mga itinuro ng Kapatid na Felix tungkol sa pagsusugo ng Diyos ng mga taong pinili Niya upang manguna at mamahala sa Kaniyang bayan ay ang paglitaw mula rin sa bayan ng Diyos ng mga naghihimagsik o lumalaban. Maaaring ang paglaban nila sa Namamahala ay sa aral na itinataguyod at ipinatutupad o kaya ay batay lang sa kanilang pakiramdam o paniniwala na may maling ginagawa ang lider sa bayan ng Diyos. Subalit anuman ang itinuturing na dahilan, matuwid kaya sa harap ng Diyos na gawin ang paglaban at pag-upasala sa Namamahala sa bayan ng Diyos? Ano kaya ang damdamin ng Diyos sa kaninumang naghihimagsik o nagsasalita ng laban sa inilagay Niyang tagapanguna sa Kaniyang bayan?
PASIMULA:
IKINAGAGALIT BA NG DIYOS ANG MAG-UPASALA SA KANIYANG MGA SUGO?
Nagsalita ng laban kay Moises ……………………… Blg. 12:1-2
At Si Miriam at Si Aaron ay nagsalitaan laban kay Moises tungkol sa pagkapagasawa niya sa isang babaing Cusita: sapagka’t siya’y nag-asawa sa isang babaing Cusita. At kanilang sinabi, Ang Panginoon ba’y kay Moises lamang nakipagsalitaan? hindi ba nakipagsalitaan din naman sa atin? At narinig ng Panginoon.
Sino sina Miriam at Aaron? Sila ay mga kapatid ni Moises. Ano ang pinupuna ni Miriam kay Moises at kinausap niya si Aaron tungkol dito? Ang ginawa ni Moises na pag-aasawa ng isang babaeng Cusita o isang taga-Etiopia.
Alam natin na ang Israel ang bayang hinirang ng Diyos noon. Sila lang ang may kahalalan sa harap ng Diyos. Kaya nagsasalita sina Miriam at Aaron laban kay Moises.
Papaano ipinagtanggol ng Diyos si Moises sa ginawa nina Miriam at Aaron na pagsasalita laban sa kaniya?
Ang katangian ni Moises…………………………………. Blg. 12:3
Ang lalake ngang Si Moises ay totoong maamong loob, na higit kay sa lahat ng lalaking nasa ibabaw ng lupa.
Ang sabi ng Diyos, “si Moises ay totoong maamong loob, na higit kay sa lahat ng lalaking nasa ibabaw ng lupa.”
Pansinin natin na sa paningin ng Diyos, nakahihigit sa lahat si Moises.
Ano ang patotoo ng Diyos tungkol kay Moises na ipinahayag sa harap nina Miriam at Aaron?
Ang patotoo ng Diyos kay Moises…………………… Blg. 12:4-8
At sinalita agad ng Panginoon kay Moises, at kay Aaron, at kay Miriam, Lumabas kayong tatlo sa tabernakulo ng kapisanan. At silang tatlo ay lumabas. At ang Panginoon ay bumaba sa isang tila haliging ulap, at tumayo sa pintuan ng Tolda, at tinawag si Aaron at si Miriam: at sila’y kapuwa lumabas. At kaniyang sinabi, Dinggin ninyo ngayon ang aking mga salita: kung mayroon sa gitna ninyo na isang propeta, akong Panginoon ay pakikilala sa kaniya sa pangitain, na kakausapin ko siya sa panaginip. Ang aking lingkod na si Moises ay hindi gayon; siya’y tapat sa aking buong buhay: Sa kaniya’y makikipagusap ako ng bibig, sa bibig, ng maliwanag, at hindi sa malabong salitaan; at ang anyo ng Panginoon ay kaniyang makikita: bakit nga hindi kayo natakot na magsalita laban sa aking lingkod, laban kay Moises? Ang lalake ngang Si Moises ay totoong maamong loob, na higit kay sa lahat ng lalaking nasa ibabaw ng lupa.
[Nota: Basahin ang “buhay” sa talatang 7 na “bahay”.]
Ang sabi ng Diyos, “Ang aking lingkod na si Moises ay … tapat sa Aking buong bahay: sa kaniya’y makikipagusap Ako ng bibig sa bibig, ng maliwanag, at hindi sa malabong salitaan; at ang anyo ng Panginoon ay kaniyang makikita.”
Samakatuwid, kung sa ibang mga propeta ay napakilala at nakikipag-usap ang Diyos sa panaginip o sa pamamagitan ng pangitain, ngunit iba kay Moises. Tuwiran Siyang nakikipag-usap sa lingkod Niyang si Moises.
Pinalampas ba o pinagpaumanhinan ng Diyos ang ginawa nina Miriam at Aaron na pagsasalita laban kay Moises? Hindi. Ang sabi ng Diyos, “Bakit hindi kayo natakot na magsalita laban sa Aking lingkod, laban kay Moises?”
Ano ang naging damdamin ng Diyos kina Miriam at Aaron dahil sa ginawa nilang pagsasalita o pag-upasala laban kay Moises?
Galit ng Diyos kay Miriam at kay Aaron………….. Blg. 12:9-10
At ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa kanila; at siya’y umalis At ang ulap ay lumayo sa Tolda; at narito, si Miriam ay nagkaketong, na pumuting gaya ng niebe; at tiningnan ni Aaron si Miriam, at narito, siya’y nagkaketong.
Ang sabi sa Biblia, “Ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa kanila; [at] si Miriam ay nagkaketong.”
Ano ang aral na dapat nating matutuhan sa leksiyong ito na ating tinatalakay na binalangkas pa ng Sugo ng Diyos na si Kapatid na Felix Manalo noong siya ay nabubuhay pa? Na kahit kabilang sa bayan ng Diyos o kapatid pa sa pananampalataya, kahit sariling kamag-anak pa o mga kapatid pa sa laman ng Namamahala sa bayan ng Diyos, kapag nagsasalita ng pag-upasala o paglaban, ang Diyos ang unang nagagalit at nagbubunga ito ng kapahamakan sa mga lumalaban.
[*** Dito ay malinaw na ginagamit na ng Ka Dan angmga talata ng Biblia mula sa leksyon ng Sugo upang ipagbigay diin na “kahit pa sariling kamag-anak o mga kapatid pa sa laman ng Namamahala sa bayan ng Diyos, kapag nasasalita ng pag-upasala o paglaban, ang Diyos ang unang nagagalit at nagbubunga ito ng kapahamakan sa mga lumalaban”. Inuulit namin, walang mali sa talata, at sa leksyong ito, subalit alamin natin, bakit ba ginawa ng Kapatid na Felix Manalo ang leksyon ito, ito ay dahil sa mayroong mga naghimagsik sa Sugo at sa Pasugong ito. Ano ba ang malimit na itinuturo noon ng Kapatid na Felix Y. Manalo sa kaniyang mga pagtuturo? “Huwag kayong maniwala kay Manalo, dito sa Biblia, sa mga salita ng Diyos kayo maniwala”. Samakatuwid maging ang Sugo ay hindi ipinangaral ang kaniyang sarili, kundi ang mga salita ng Diyos. Kailan nakapaghihimagsik ang isang tao sa Sugo at sa Pasugong ito? Kapag nalalapastangan nya ang mga aral na itinuro ng Diyos. Maihahambing natin yan sa isang tao na gumagalang nga sa sugo at sa pasugo, walang sinasabing masama o kinukwestyon sa Sugo, subalit nilalabag naman ang aral ng Diyos… hindi ba’t katumbas din yan ng paghihimagsik sa Sugo dahil sa aral ng Diyos na itinuro ng Sugo sya naghihimagsik. Kaya suriin natin ang kasalukuyang ginagawa ng ilang mga tiwaling Sanggunian, Tagapangasiwa ng Distrito at mga Ministro, maaaring ipagmamalaki nila na wala silang sinasabing anumang laban sa Pamamahala, wala silang pinupuna o kinukwestyon, anupa’t wala nga silang kakibu-kibo sa harap ng mga kasalukuyang nangyayari ngayon, subalit tingnan natin ang kanilang mga pagtupad? Sang-ayon pa ba sa itinuro ng Sugo at sa Pasugong ito? Isa na dyan ang itinuro ng Sugo na hindi dapat maya’t-maya ay nagtatanging handugan, dapat bago may gagawing anumang proyekto sa Iglesia ay titiyakin muna ng Pananalapi na may pondo ang kabang yaman ng Iglesia… iyan ba nasusunod ng Sanggunian? Hindi po. (Maaring makita nyo dito ang video ng bilin na iyan ng Sugo sa pamamagitan ng Kapatid na Eraño G. Manalo:Video Link: https://youtu.be/Cn7bS5vfN7k) Ang katiwalian ba, pagmamalabis sa tungkulin, panggigipit sa mga kapatid, ang maluhong pamumuhay mula sa hindi maipaliwanag na kayamanan, ang pakikipag-negosyo ba sa mga supplier at contractors ng Iglesia, ang pagnenegosyo ng mga memorabilia at coffee table books, ito ba ay itinuro din ng Sugo? Hindi po. Kaya bakit iyan ang ginagawa ng mga taga-Sanggunian ngayon? Kaya sa panahon ngayon, sino talaga ang naghihimagsik, lumalapastangan at nag-uupasala sa Sugo at sa Pasugong ito?***]
ANO ANG IBINUNGA NG GALIT NG DIYOS KAY CORE AT SA KANIYANG MGA KASAMA SA KANILANG PAGHIHIMAGSIK KAY MOISES?
Si Core at ang mga kasamahan ……………………. Blg. 16:1-2
Si Core nga na anak ni Ishar, na anak ni Coath, na anak ni Levi sangpu ni Dathan at ni Abiram na mga anak ni Eliab, at si Hon na anak ni Peleth, na mga anak ni Ruben, ay nagsikuha ng mga tao: At sila’y tumindig sa harap ni Moises, na kasama ng ilang mga anak ni Israel, na dalawang daan at limang pung prinsipe sa kapisanan na tinawag sa kapulungan na mga lalaking bantog:
Sino-sino pa ang gumawa ng paghihimagsik o paglaban sa pamamahala ni Moises noon sa bayan ng Diyos? Ang sabi sa Biblia, “Si Core [na mula sa lahi ni Levi] sangpu ni Dathan at ni Abiram … at si Hon … ay nagsikuha ng mga tao [at] sila’y tumindig sa harap ni Moises.”
Gaano karami ang nahikayat ni Core na lumaban kay Moises? Ang sabi pa, “Kasama ng ilang mga anak ni Israel, na 250 prinsipe … na mga lalakeng bantog.”
Kanina sa ating naunang tinalakay, sariling mga kapatid ni Moises ang lumaban. Ngayon naman ay mula sa lahi ni Levi o sa mga maytungkulin na nangangasiwa sa pagsamba at paghahandog ng bayan ng Diyos ang naghimagsik at marami pa ang nahikayat.
Ano ang ginawa ng mga taong ito sa pangunguna ni Core?
Nagpulong laban kay Moises ………………………… Blg. 16:3
At sila’y nagpupulong laban kay Moises at laban kay Aaron, at sinabi nila sa kanila, Kayo’y kumukuha ng malabis sa inyo, dangang ang buong kapisanan ay banal, bawa’t isa sa kanila, at ang Panginoon ay nasa gitna nila: bakit nga kayo’y magmamataas sa kapisanan ng Panginoon?
Ang sabi sa Biblia, “Sila’y nagpupulong laban kay Moises at laban kay Aaron.” Ano ang kanilang paratang o akusasyon laban kina Moises at Aaron? Ang sabi nila, “Kayo’y kumukuha ng malabis sa inyo, kayo’y nagmamataas sa kapisanan ng Panginoon.”
Ano ang katumbas ng mga salita nilang ito? Nagmamalabis na raw o sobra na raw ang ginagawa nina Moises at Aaron. Sila raw ay nagmamataas na sa kapisanan ng Panginoon.
Ano ang naging kahulugan para sa Diyos ng ginawang ito ni Core at ng mga kasamahan niya?
Nagpipisan laban sa Panginoon …………………… Blg. 16:11
Kaya’t ikaw at ang iyong buong pulutong ay napipisan laban sa Panginoon: at si Aaron, ano nga’t siya’y inyong inupasala?
Ang sabi kay Core, “Ikaw at ang iyong buong pulutong ay napipisan laban sa Panginoon,” Papaano nila nagawang magpisan laban sa Panginoon? Nagawa nila ito sa pamamagitan ng kanilang pagsasalita o pag-upasala sa namamahala sa bayan ng Diyos.
Mga kapatid, ito ang pag-ingatan natin. Huwag tayong magkamali na tularan ang ginawa ni Core at ng kaniyang mga kasamahan. Huwag nating gagawin ang anumang pagsasalita o pag-upasala sa Namamahala sa atin. Huwag nating gagawin na humikayat ng magiging kaisa natin sa pagsasalita laban sa Namamahala.
Sa panahon ngayon, maaaring magawa ito sa pamamagitan ng mgacellphones at iba pang communication devices (pagtawag o texting), o kaya sa paggamit ng Internet, sa mga social networking sites na doon padadaanin ang mga komento o mga salitang paglaban sa lider sa bayan ng Diyos.
Paano kung may magsabi ng ganito: “Hindi ako lumalaban sa Panginoon Diyos, tao lang ang aking nilalabanan”?
Ano ang dapat maunawaan ng sinumang lumalaban sa tao na inilagay ng Diyos upang mamahala sa Kaniyang bayan?
Ang paglaban sa lider ay paglaban sa Diyos……….. Exo. 16:8
At sinabi ni Moises, Ito’y mangyayari, pagbibigay ng Panginoon sa inyo sa kinahapunan ng karne na makakain, at sa kinaumagahan ng pagkain, na makabubusog; sapagka’t naririnig ng Panginoon ang inyong mga pagupasala na inyong iniuupasala laban sa kaniya: at ano kami? ang inyong mga pagupasala ay hindi laban sa amin, kundi laban sa Panginoon.
Ang sabi ni Moises, “Naririnig ng Panginoon ang inyong mga pag-upasala … ang inyong mga pag-upasala ay hindi laban sa amin, kundi laban sa Panginoon.”
Ito bang mga salitang ito na ipinahayag ni Moises ay batay sa kalooban ng Diyos? Napatunayan ba sa pangyayari na ang paglaban sa Namamahala ay paglaban sa Panginoong Diyos?
ANO ANG IPINASYA NG DIYOS KAY CORE AT SA KANIYANG MGA KASAMAHAN?
Lilipulin sa isang sandali ……………………………………. ………….Blg. 16:20-21
At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi, Humiwalay kayo sa gitna ng kapisanang ito, upang aking lipulin sila sa isang sangdali
Ang sabi ng Diyos, “Aking lilipulin sila sa isang sangdali.”
Ano ang dapat nating mapansin sa sinabing ito ng Diyos? Isang malaking kasamaan sa harap ng Diyos ang paglaban sa inilagay Niyang Tagapamahala. Ang katunayan: ang pasiya ng Diyos ay lilipulin Niya sila sa isang sandali.
Papaano sila nilipol ng Diyos sa isang sandali?
Bumuka ang lupa at nilamon…………………………. Bilang 16:31-33
At nangyari, na pagkatapos na masalita niya ang lahat ng salitang ito, na ang lupa na nasa ilalim nila ay bumuka: At ibinuka ng lupa ang kaniyang bibig at nilamon sila, at ang kanilang mga sangbahayan, at ang lahat ng lalake na nauukol kay Core, at lahat ng kanilang pagaari. Na anopa’t sila at lahat ng nauukol sa kanila, ay nababang buhay sa Sheol: at sila’y pinagtikuman ng lupa, at sila’y nalipol sa gitna ng kapisanan.
Paano nilipol ng Diyos sina Core at mga kasama niya? “Ibinuka ng lupa ang kaniyang bibig at nilamon sila, at ang kanilang mga sangbahayan, at ang lahat ng lalake na nauukol kay Core, at lahat ng kanilang pagaari. Na anopa’t sila at lahat ng nauukol sa kanila, ay nababang buhay sa Sheol: at sila’y pinagtikuman ng lupa, at sila’y nalipol sa gitna ng kapisanan.”
Isipin ninyo kung gaano kakila-kilabot ang pangyayaring ito. Kalagim-lagim na kapahamakan ang dumating kay Core at sa kaniyang mga kasamahan.
Kung magaan lamang na kasalanan ang magsalita o mag-upasala sa Namamahala ay hindi sana ganito kabigat ang ginawa ng Diyos sa kanila.
Papaano itinuro ng mga apostol ang tungkol sa nangyaring ito kina Core at sa mga kasama niya na lumaban kay Moises?
Nangapahamak sa pagsalangsang ni Core…….. Jud. 1:11
Sa aba nila! sapagka’t sila’y nagsilakad sa daan ni Cain, at nagsidaluhong na walang pagpipigil sa kamalian ni Balaam dahil sa upa, at nangapahamak sa pagsalangsang ni Core.
Ang sabi ni Apostol Tadeo, “Sa aba nila! Sapagkat sila’y nangapahamak sa pagsalangsang ni Core.”
Mga kapatid, matuto tayo sa pangyayaring ito na naganap sa unang bayan ng Diyos.
Mayroon din bang lumaban sa mga aral ng Diyos na itinuro ng mga apostol?
[*** Dito ay pinagdiinan naman sa pagtuturo ang lumalaban sa Pamamahala mula naman sa hanay ng mga Maytungkulin at ipinakita rin ang kahihinatnan ng sinomang lumaban sa taong inilagay ng Diyos na Mamahala sa kaniyang Bayan. Wala pa ring mali sa mga talatang ito lalo nga at totoong ito ay naganap sa bayang Israel. Dapat itong maging leksyon sa sinuman na lalaban sa Tagapamahalng Pangkalahatan at sa kanilang mga katuwang. Bakit hindi pinakundanganan ng Panginoong Diyos ang mga taong kumwestyon kay Moises at sa kaniyang mga katuwang? Sapagkat walang katotohanan ang kanilang ibinibintang kay Moises. Nanatiling tapat si Moises sa mga utos ng Diyos. Ang mga katuwang ni Moises ay nanatiling tapat na sumusunod sa lahat ng iniutos ng Panginoong Diyos. Ito ang dahilan kaya nilamon ng lupa ang lahat ng mga lumaban sa kanila. Subalit sa panahon ngayon, buong giting kayang makakaharap ang mga taga-Sanggunian sa harap ng Iglesia at magtaas ng kamay at mangako sa harap ng Tagapamahalang Pangkalahatan at sa Iglesia at sumumpa na talagang wala syang kasalanang anuman sa mga utos ng Diyos. Na hindi sya gumawa ng anumang labis sa kaniyang Tungkulin. Na hindi sya nakibang sa anumang transaksyon sa Iglesia, na hindi sya namumuhay mula s amahalay na pakinabang, na hindi sya kumuha mula sa kabang yaman ng Iglesia sa paraang ginamit ang handog sa personal na dahilan at hindi para sa kaukulan nita, na hindi sya kailanman nagtaksil sa mga utos ng Diyos. Dapat kaya nga nilang gawin iyon dahil ganun na lamang ang pagtitiwala sa kanila ng ating Tagapamahalang Pangkalahatan. Binanggit pa nila ang cellphone, texting, social media na ginagamit ito para manira sa Pamamahala, bagamat aaminin natin na mayroon nga talagang gumagawa nito, inaaglahi ang Sugo, ang Pamamahala, ang Iglesia, mga kalaban natin sa pananampalataya, iyan ang tinutukoy na parurusahan ng Panginoong Diyos. Subalit papaano kung ginagamit din ang mga teknolohiyang iyon para naman isiwalat ang katotohanan, na siya naman utos ng Panginoong Diyos. Papaano kung ginagamit ito para isiwalat ang katiwalian sa layunin na ito ay puksain, na utos din ng Panginoong Diyos na ibunyag ang kamalian upang magliwanag ang katotohanan. Bakit ba humantong sa social media ang pagbubunyag ng katotohanan? Dahil ba sa layuning makapanira o manggulo? Kung titingnan natin ang kasaysayan, matagal ng may nagaganap na katiwalian subalit dahil sa ang gumagawa nito ay ang mismong nasa Sanggunian, ano ang maasahan natin kung susulat tayo ng ulat laban sa kanila at ang makakatanggap din ay sila at ang magsisiyasat din ay sila. Sa tingin ba ninyo ay hahayaan nilang makarating sa Tagapamahalang Pangkalahatan ang kanilang mga ulat? Hindi. Ito ang naranasan ng maraming mga tao na ilang beses ng ginawa ang wastong paraan ng pag-uulat na ito ay sa pamamagitan ng pagsulat sa Tagapamahalang Pangkalahatan, subalit sa halip na gawin ng Sanggunian ang wasto at iparating ito sa Ka Eduardo, sila na ang nagsariling kalooban at itinago nalamang ang mga ulat na ito upang huwag silang mapinsala sa kanilang tinatamasang kapangyarihan sa kanilang tungkuling pinoprotektahan.Kaya suriin natin muli, sa panahon natin ngayon, sino na ba ang naghihimagsik sa Diyos? Yung mga kapatid na nag-uulat ng tama ukol sa mha katiwalian at kalabisan ng mga Tagasanggunian, o angmga Taga-Sanggunian na nagtatago sa saling “Pamamahala” dahil sila ang mga katuwang at bahagi ng tagapamahalang Pangkalahatan para hindi na rin sila kwestyunin sa kanilang ginagawang may kamalian. Kapag ba mayroon ng ginagawang kamalian, katiwalian, at ito ay ginagawa ng mga Ministro sa mismong loob ng Iglesia, sa mga matatas na posisyon sa Iglesia, maaari na ba nating pahintulutan ito at ipagwalang bahala dahil sa takot na baka tayo masumpa? Sino ba ang masusumpa? Yung bang mga kapatid na naninindigan sa totoo, sa panig ng pagsunod sa kalooban ng Diyos o yung mga lumalapastangan sa aral ng Diyos at kinakalakal ang Iglesia?***]
SA PANAHON NG MGA APOSTOL, ANO ANG IBINUNGA SA MGA NAGSILABAN SA ARAL?
Ibinigay kay satanas………………………………………. I Tim. 1:19-20
Na ingatan mo ang pananampalataya at ang mabuting budhi; na nang ito’y itakuwil ng iba sa kanila ay nangabagbag tungkol sa pananampalataya: Na sa mga ito’y si Himeneo at si Alejandro; na sila’y aking ibinigay kay Satanas, upang sila’y maturuang huwag mamusong.
Ang binasa natin ay mga pahayag ni Apostol Pablo. Siya ang tagapamahala sa unang Iglesia sa dako ng mga Gentil.
Ano ang ibinunga sa mga nagsilaban sa aral? Ang sabi ni Apostol Pablo, “Ang iba sa kanila ay nangabagbag tungkol sa pananampalataya … ito’y si Himeneo at si Alejandro.” Sila ay kabilang sa mga alagad o mga kaanib sa unang Iglesia. Sa Diyos pa ba sila nang sila ay naalis na sa tunay na pananampalataya? Ang sabi ni Apostol Pablo, “Sila’y aking ibinigay kay satanas.” Ano ang katumbas nito? Hindi na sila sa Diyos.
Kaya, karapatan ng Tagapamahala sa Iglesia na magpasiya para alisin o itiwalag sa pagiging sa Diyos ang sinumang nasa loob ng Iglesia na tumatalikod sa aral ng Diyos na saligan ng tunay na pananampalataya.
Tandaan natin na kasama sa aral ng Diyos ang pagsunod, ang pagpapasakop, at ang paggalang sa Pamamahala sa loob ng Iglesia. Kaya sinuman na hindi makatutugon sa aral na ito ay tumatalikod din sa pananampalataya.
Bakit kailangang itiwalag ang sinuman kung nagtataglay na ng ibang pananampalataya o sumasalungat na sa Pamamahala?
Laban sa aral o pasugo …………………………………. II Tim. 2:17-18
At ang kanilang salita ay kakalat na gaya ng ganggrena: na sa mga ito ay si Himeneo at si Fileto; Na mga taong tungkol sa katotohanan ay nangasinsay, na sinasabing ang pagkabuhay na maguli ay nakaraan na, at ginugulo ang pananampalataya ng iba.
Ang sabi rin ni Apostol Pablo, “Ang kanilang salita ay kakalat na gaya ng ganggrena.”
Ano ba iyong ganggrena? Ang ganggrena ay ang pagkamatay ng mga tissue sa mga bahagi ng katawan ng tao dahil sa kakulangan ng suplay ng dugo na nagbubunga ng pagkabulok sa bahagi ng katawan na nagkakaroon nito. Kumakalat ito kung hindi maaagapan. Kaya nababalitaan ninyo na may pinuputulan ng paa, binti o kamay para hindi na makahawa sa iba pang bahagi ng katawan.
Iyan ang nakakatulad ng mga taong nasisinsay o nalilihis sa katotohanan. Maaari rin silang makahawa sa iba kung hindi kaagad alisin sa katawan o sa Iglesia.
Sinu-sino ang tinutukoy ni Apostol Pablo na nasumpungan noon sa ganitong paglaban sa aral na itinuro ng sugo ng Diyos? Ano ang pinsalang nagawa nila noon sa Iglesia? Ang sabi niya, “Si Himeneo at si Fileto [na] sinasabing ang pagkabuhay na mag-uli ay nakaraan na, at ginugulo ang pananampalataya ng iba.”
Kaya tama lang na sila ay ihiwalay o itiwalag sa Iglesia. Magsilbing babala at paalala sa atin ang mga pangyayaring ito sa leksiyon na ating pinag-aralan.
KONKLUSYON
Hilingin natin sa Diyos na kahabagan tayo at ang ating sambahayan na makapanatili sa loob ng Iglesia at sa kapalarang nakaukol sa pasugong ito ng Diyos sa mga huling araw. Ipakiusap natin sa Diyos sa patuloy Niyang pagpalain at ingatan ang Kapatid na Eduardo V. Manalo upang ganap tayong maihanda sa ating inaasahang kapalaran.
Wala na sanang mahiwalay. Wala sanang kahit sinuman sa ating sambahayan o sa ating angkan ang masumpungan na tatalikod sa pananampalatayang ito na ating tinanggap mula sa Diyos.
GABAY SA TAGAPAGTURO by DVO BY:
SABADO/LINGGO: MAYO 2/3, 2015 FELIX Y. MANALO
[***Mga Kapatid, napansin po ninyo sa talatang binasa na kaya inihiwalay ang mga tao at ibinigay kay Satanas ay dahil sa sila ay laban sa aral at sa pasugong ito. Tayong mga kapatid na nagtutulong tulong dito sa Social Media, na bagamat tumatanggap tayo ng mga pananakot, pinatutulung-tulungan ng ACTIV na ipa-shutdown ang ating mga accouts sa layunin na huwag ng maipamahagi ang isinisiwalat nating katotohanan ukol sa katiwalian, na ang pinakalayunin naman natin ay upang maituwid ang mga ito, malinis ang Iglesia mula s alahatng uri ng katiwalian at paglapastangan sa mga aral ng Diyos. Iyan ang ating ipinamamahagi, hindi ang paglaban sa aral. Inihahayag nga natin ang mga taong nasa paglabag sa aral gaya ng mga nasa Sanggunian at ang kanilang mga katuwang sa katiwalian at pagmamalabis sa Iglesia. Sila ang mga dapat itiwalag dahil sa sila ang kumakalakal sa bayan ng Diyos. Subalit sa halip na sila ay magbago ay ginagawa pa rin nila ang lahat ng kanilang magagawa para mapagtakpan ang kanilang mga katiwalian, kung anu-anong pananakot ang kanilang ginagawa sa mga kapatid, ginagamit pa nila ang mga salita ng Diyos para pangatwiranan lamang ang kanilang mga gagawing sunod-sunod na mg apagtitiwalag sa lahat ng mga kapatid na kanilang paghihinalaan na laban sa Sanggunian. Hindi ito ang kalooban ng Diyos. Sana kung babalik lang tayo sa mga dalisay na salita ng Diyos ay makikita natin kung totoo bang ang ipinagagawa sa atin ngayon ng Sanggunian na pinagbebenta ng mga tickets ang mga Ministro at mga maytungkulin para sa mga concerts at kung anu-ano pang mga events sa Philippine Arena, yun bang mga maya’t-mayang pagtatanging Handugan para sa iba’t-ibang proyekto sa Iglesia, yu bang walang kapararakang paglustay sa salapi ng Iglesia na para bang personal bankbook ng isang Sanggunian eh tama pa ba, yun bang kung anu-anong pinagkakakitaan na nila sa Iglesia gaya ng coffee table books, memorabilias, barong, amerkana, baller bands, na mula sa Unlad Kabuhayan na pilit na pinabebenta s abawat Lokal at kinakailangang bilhin talaga ito dahil kapag hindi ay hindi daw ito pagpapasakop sa Ka Eduardo na may atas nito, ginamit pa ng Sanggunian ang pangalan ng Tagapamahalang Pangkalahatan, tama pa rin ba ang mga ito? yung bang maluhong pamumuhay ng Sanggunian samantalang napakaraming mga kapatid ang naghihirap, yun bang hindi pagbabayad sa mga Supplier/Contractor ng Iglesia ng ilang buwan, o kadalasan ay hindi na talaga, lahat ba ng mga ito ay sang-ayon sa kalooban ng Diyos? Dapat sana ay ito ang masagot muna ng mga Taga-Sanggunian bago nila gamitin ang leksyon na ito upang ipanakot sa mga kapatid na ititiwalag sila oras na hindi sila sumunod sa Sanggunian o kwestyunin man lang ang kanilang ipinatutupad kung itoy ayon pa sa kalooban ng Diyos o ayon na lang sa kanilang sariling karunungan. Matatalino na ang mga Kapatid, hindi nyo sila mabobola o matatakot ng ganyan ganyan lang. Hayaan nyo silang magpasya kung ang mga pinagagawa ngayon ng Sanggunian ay ayon pa rin sa aral na kanilang tinanggap mula sa Sugo ng Diyos at sa mga naunang namahala sa Iglesia…***]
Nawa po ay makapagprint po kayo ng kopya ng leksyon ito at dalhin po ninyo sa araw ng Pagsamba ng Huwebes at Linggo upang makita ninyo kung ang Ministrong mangangasiwa sa Lokal ninyo ay babasahin lang ng buo ang leksyon na magmimistulang tagabasang binosesan lang ang leksyon o kung ituturo nya ito ng may buong pag-ibig at pagmamalasakit sa layunin na ang mg ananghihina dahil sa mga nangyayaring kaligaligan ngayon ay mapaglampasan nila dahil ito ang paraan ng Panginoong Diyos upang subukin ang ating puso kung tayo ba ay mananatiling tapat sa Kaniyang mga kalooban kahit pa may mga naka-ambang mga panganib, pagbabanta, pananakot at mga bagabag. Sana mga kasama kong mga Ministro, maging maingat tayong mabuti sa pagtuturo ng leksyon ito upang huwag tayong mapagkamalang nananakot lang para mapigilan ang mga kapatid na magtanong at magsuri. Hayaan natin silang magtanong at magsuri, wala naman tayong itatago, hayaan nating ang mga kapatid mismo ang makaalam ng katotohanan upang lalo silang mapatibay sa kanilang pananampalataya. Hikayatin natin sila na huwag pumayag na kailan man na tayo ay lalaban sa Tagapamahalang Pangkalahatan sa paraang tayo ay lalapastangan sa mga kalooban at utos ng Panginoong Diyos, sa Sugo at sa Pasugong ito sa mga huling araw na ito. Sana ay lalong marami pang mga kapatid, mga maytungkulin at mga Ministro ang maninindigan sa panig ng katotohanan, sa panig ng kalooban ng Panginoong Diyos. Patunayan natin sa Ama na tayo ay kapatdapat sa banal na tawag na itinawag nya sa atin ng tayo ay mapaloob sa kaniyang bayan.
Mga mahal na kapatid, lalo po nating pagibayuhin ang ating pagpapanata sa Ama upang kahabagan nya ang buong Iglesia sa pangunguna ng ating pinakamamahal na Kapatid na Eduardo V. Manalo. Nawa ay ihayag na ng Panginoong Diyos sa Tagapamahalang Pangkalahatan ang lahat ng mga katiwaliang nagaganap ngayon sa pangunguna ng mga taong pinagtiwalaan nyang mangalaga sa Iglesia, ang Sanggunian. Sana ay protektahan ang Kapatid na Eduardo V. Manalo mula sa lahat ng uri ng panganib sa kaniyang paligid at manatiling malakas at makapangyarihan upang magabayan nya ang buong Iglesia sa ganap na pagbabagong buhay at paglilinis sa loob ng Iglesia at papanumbalikin ang Iglesia sa kaniyang malinis at walang dungis na kalagayan. Diringgin lang tayo ng Ama kung sakaling buong kababaang loob tayong mangungunyapit sa Kaniya at aasa na Siya lamang ang maaaring makatulong sa atin lalo na sa panahong ito na laganap ang mga kumakaaway sa Iglesia sa loob at labas nito, marami ang nagnanais namanamantala sa Pamamahala at sa Iglesia. Kapag sama-sama tayong dudulog at magmamakaawa sa Panginoong Diyos, tutuparin Nya ang Kaniyang pangako sa Kaniyang bayan, diringgin Nya tayo sa ating pagmamakaawa at ihahayag Nya ang lahat ng mga taong tampalasan upang huwag na silang makapinsala sa Iglesia, sa ganoy manunumbalik ang kapayapaan at katiwasayan sa ating mga paglilingkod sa Ama, lalung lalo na sa ating mga pagtupad ng Tungkulin. Kahabagan nawa tayo ng Ama at ingatan tayo mula sa lahat ng mga nais na puminsala sa atin at sagkaan ang ating layunin na maibalik ang Iglesia sa kaniyang malinis at maningning na kalagayan.
Maraming salamat po.