Dear Ka AE,
Una po sa lahat ay binabati ko kayo sa inyong tunay na malasakit sa sambahayan ng sugo, sa sambahayan ng yumaong ka Erdy, sa ka EVM at higit po sa lahat ay ang PAGMAMALASAKIT NINYO SA IGLESIA sa kabuuan. Totoo pong hindi pa namamatay ang Ka Erdy ay marami na pong mga nasa mataas na posisyon ang nagmamalabis sa kanilang mga karapatan. Saksing buhay po ako nang ang aking magulang ay nilait, pinagsalitaan ng masama dahil sa pag‑uulat niya ng mga maling kaganapan tungkol sa patas na pag‑papatupad ng mga tuntunin sa Iglesia. Hindi ko po ipapakilala ang aking magulang o ang aking sambahayan, ang masasabi ko lang po na magmula sa aking kabataan (kasama ng aking mga kapatid) ay ipinamulat sa amin ang TUNAY NA HALAGA NG IGLESIA, NA ITO AY IPAGTATANGGOL NAMIN BUHAY MAN AY HILINGIN. Nasanay kami sa pagtupad at sa pagpapatupad ng mga tuntunin sa Iglesia dahil mula sa aming kabataan kami ay humawak ng iba’t ibang tungkulin. Nasaksihan ko po sa aking mga magulang ang napakataas na paggalang sa PAMAMAHALA, sa mga MINISTRO, IBA’T IBANG MGA MAY TUNGKULIN AT HIGIT SA LAHAT ANG PAGMAMAHAL SA MGA KAPATID.
Gusto ko pong ibahagi sa inyo ang leksyon at ang teksto ng kapatid na Erano G. Manalo noong October 14, 1998 sa Video Conferencing na noong siya po ay nabubuhay pa ay nakita na niya na may crisis na po ang liderato ng Iglesia. Malungkot po ako sa nangyayari ngayon sapagkat parang bawat isang kapatid po o may tungkulin ay nagpapakiramdaman. PATI PAGMAMAHAL SA SAMBAHAYAN NG KA ERDY IPINAGBABAWAL. SANA PO MAKITA NAMING MULI ANG KA TENNY, ANG KA ANGEL AT ANG KA MARK. Wala pong kalayaang pumuna o magtanong kung bakit hindi sinasagot ng tuwiran ng Pamamahala ang tungkol sa lahat ng inyong inilathala. Ang pilit nilang sinisira ay ang inyong pagkatao. Hindi po nila masira ang mensahe kaya pilit nilang sinisira ang nagdala ng mensahe. Inaamin ko po, nagalit ako sa inyo dahil dinala nyo ang kasiraan ng Iglesia so social media, subalit naunawaan ko rin po kung bakit naging makatwiran na idaan sa social media kaya patuloy po akong nakikisama sa pagpapanata at buong buo ang aking pagsampalataya na sa takdang oras ng Ama, sa AWA at Tulong Niya MULING MALILINIS ang Iglesia manunumbalik ang tunay na PAG‑IBIG.
Masakit po talaga na marami na pong mga kapatid ang mabilis na itiniwalag dahil LUMALABAN DAW PO SA PAMAMAHALA. Pero napakarami pong mga kapatid na matagal nang hindi sumasamba UMABOT SA LIMA HANGGANG SAMPUNG TAON, nabubuhay ng labag sa pagka Iglesia Ni Cristo, umalis nang walang paalam, SUBALIT hanggang ngayon ay nasa talaan. Ito pong mga kapatid na nag-like lang sa comment, o nagrepost lang article sa FB, akalain mong napakabilis itiniwalag. NAWALA ANG PAG‑IBIG. DAHIL NGA PO SA ATING KASALUKUYANG LEADERSHIP. Magaling kasing mambilog ng ulo itong mga Sanggunian. Saan kayo nakakita ng namamahala na ikukumpara ang kanilang mga accomplishments sa lumipas na administrasyon.
Inilalagay pa sa PASUGO, na sa loob ng 5 taon, may humigit kumulang na 2,000 libo ang naordinahan, may ilang libo ang nag aaral ng ministerial at pati ang pagpapatayo ng bahay sambahan, sa dating administration daw, 20 kapilya lang kada isang taon, pero sa ngayon, Abril pa lang halos ganoon na ang bilang ng ipinatatayong bahay sambahan. Inuulit ko po lubos akong sumasampalataya sa KAHALALAN AT PAGKAHIRANG SA ATING KASALUKUYANG TAGA PAMAHALA . Pero dapat bang ikumpara? Hindi ba ang lahat ay awa at tulong ng ating Dios? Yun ba ay upang patunayan lang kung saan ginagamit ang ating mga pananalapi? Pera-pera na lang po ba ang Iglesia ngayon?
Kaya napakasakit po na makita na ang pinagpagalan ng sugo, ng dating tagapamahala na sinupin ang mga ari‑arian ng Iglesia at mahalin ang mga kapatid ay hindi na maramdaman ngayon.
Masagot lang po ng punto per punto ang lahat ng karangyaan ng mga taga Sanggunian, lalo na si JS, siguro po hindi na kami titingin pa sa FB. Sana po ay bumalik ang dating maningning na kalagayan ng ating Iglesiang pinakamamahal.
Maraming salamat po.
Kapatid na KC
=====================================================
Ito ang LECTURE ng Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia ni Cristo, Kapatid na Erano G. Manalo, sa Video Conferencing na ginanap noong Oktubre 14, 1998. Ang dumalo sa pandaigdig na kumperensiyang ito ng mga ministro ay natipon sa Silid Pulungan at Santuaryo ng Templo Central sa Quezon City, sa Sambahan ng San Jose, California; Temple Hills, Maryland; Chicago, Illinois; at sa Honolulu, Hawaii. Umaabot sa 1,600 ang bilang ng mga ito at kinabibilangan ng lahat ng Tagapangasiwa ng mga Distrito ng Iglesia sa buong mundo, mga pastor, ministro at manggagawa sa Metro Manila, mga ministrong nakadestino sa 43 estado sa Estados Unidos. Nakasama rin dito ang mga maytungkulin – mga nasa pamunuan – sa iba’t ibang lokal sa Estados Unidos ng Amerika.
Dapat tayong magkaisa sa itinuturo ng biblia na pamamaraan o estilo ng pangunguna sa Iglesia.
Panimula
Sa pangalan ng Diyos at ng ating Panginoong Jesucristo, bayaan ninyong batiin ko kayong lahat ng isang taus‑pusong pagbati. Alam ng Diyos kung gaano ang aking paghahangad na maabot kayong lahat.
Pinakahahangad kong huwag mabigo ang Panginoong Diyos sa pagkakaloob sa atin ng mga tungkulin at gampanin sa loob ng Iglesia. Kaya hinihiling ko sa inyong lahat na ituon ninyo ang inyong pansin sa napakahalagang bagay na ating tatalakayin na dapat nating pagpasiyahan sa ating buhay.
Ang pakay natin sa pag‑aaral na ito ay upang matutuhan at maisagawa ang isang mahusay, wasto at nararapat na pangunguna sa Iglesia. Nais nating magkaroon ng mabuti at matatag na ugnayan ang Pamamahalang Pangkalahatan at ang mga nangangasiwa ng distrito. Nais din nating ang mga nangangasiwa ng distrito ay magkaroon ng mabuting pakikipag‑ugnay sa mga pastor, sa mga ministrong nakadestino, at sa pamunuan ng bawat lokal; at ang pamunuan naman ng lokal at lahat ng mga maytungkulin ay magkaroon ng isang mabisa at mabuting pakikitungo sa lahat ng ating mga kapatid. Kaya’t dapat na maging malinaw sa bawat tagapangunang ginagamit ng Diyos sa loob ng Iglesia, ibig sabihi’y ang mga naghahawak ng liderato, ang pagkakasunod‑sunod ng awtoridad upang magawa natin ang isang kapaki‑pakinabang na Pamamahala sa Iglesia ni Cristo.
Krisis sa liderato sa mundo
Alam nating sa kasalukuyan, ang sanglibutang ito na ating pinaglalakbayan ay nahaharap sa isang pandaigdig na krisis dahil sa mga problemang kung ating tingnan ay tila wala nang lunas. Ang krisis na ito ay laganap hindi lamang dito sa Pilipinas, hindi lamang sa buong Asya, kundi maging sa buong mundo.
Ang halimbawa ng mga problemang iyan ay ang nauukol sa seguridad, kawalan ng kapayapaan, pagbagsak ng ekonomiya ng mga bansa dahil sa suliranin sa pananalapi, malulubhang krimen, pagdami ng nahuhumaling sa ipinagbabawal na gamot o sa droga at patuloy na pagbaba ng moral sa lahat ng antas ng lipunan.
Alinsunod sa pagsusuring ginawa ng mga eksperto tungkol sa mga nangyayaring ito sa mundo,ang suliranin ay nagmula sa kakulangan ng positibo, nakatutulong, mabisa, at mapanlikhang liderato. Sa ibang salita, ang krisis ay hindi lamang nasa mga bagay na nabanggit ko na sa inyo. Ang mundo’y nasa ilalim din ng krisis sa pamumuno o mayroon itong krisis sa liderato.
Sa kasalukuyan, ang mga tagapanguna dito sa sanlibutan ay nagpapamalas ng kanilang pagkalihis mula sa mga pangunahing katangiang moral at pagpapahalaga na siya sanang dapat na magpadakila sa lahat ng mga bansa.
Sa harap ng ganitong pangyayari, iisa ang katotohanang naiiwan sa atin. Ang pag‑asa ng mundo o ng sangkatauhan ay iisa na lamang; ang ito’y mailigtas sa pagbulusok sa lalong napakalubhang kapahamakan, ang pagsapit nito sa kanyang wakas na araw ng Paghuhukom. Ang nalalabing pag‑asa ng tao ay ang matutuhan niya kung paano siya maliligtas. Itinuro ng Diyos sa atin na maililigtas tayo ng ating Panginoong Jesucristo kung naroon tayo sa tunay na Iglesia. Sa awa at tulong ng Diyos ay narito tayo sa tunay na Iglesia ni Cristo. Kaya sinisikap natin na ang ating mga naaakit ay madala sa uring maliligtas at ang mga wala pa sa loob ng Iglesia ay buong pagpupunyaging ating hinihikayat upang sila man ay makabahagi sa kaligtasan.
Subalit magkakaroon lamang ito ng katuparan kung ang liderato sa loob ng Iglesia ay nasa tamang direksiyon at nasa tamang estilo o pamamaraan ng pangunguna sa Iglesia.
Ang iba’t ibang leadership style
Ang leadership style ay marami, depende sa kung anong organisasyon ang pinaggagamitan nito. Mayroong para sa organisasyong sibiko, mayroong pangkorporasyon na ukol sa negosyo, mayroong para sa mga pusisyong pampulitika, mayroong para sa hukbo o sa militar, at mayroon ding sinusunod na mga estilo ng pangunguna ang iba’t ibang relihiyon ng sanlibutan.
Nagkaroon ng Methodist Church sapagkat nakatuon ang kanilang pansin sa metodo, sa pamamaraan, sa tuntunin, at sa patakaran. Nagkaroon ng Presbyterian Church sapagkat ang mga nangunguna sa kanila ay mga presbitero, mga matatanda sa Iglesia. Subalit sa tinatawag na mga
Congregationalist ay may awtonomiya ang bawat kongregasyon, o kung baga sa atin ay bawat lokal. Sila’y may pagsasarili sa paraan ng pamamahala sa kani‑kanilang lokal na walang pakialam ang kanilang pinaka‑tanggapang pangkalahatan.
Maaaring sumangguni tayo sa mga estilo o sa mga pamamaraang iyon. Sabihin na nating maganda ang kanilang mga patakaran. Subalit huwag nating kalilimutang tayo’y Iglesia ni Cristo. Ang Iglesia ni Cristo ay may kahalalang mula sa Diyos na Siyang may‑ari nito. Ito’y katawan ng ating Panginoong Jesucristo.
Ang paraan ng pangunguna sa Iglesia
Kaya hindi tayo malayang dumampot at manghiram sa iba o kaya’y lumikha ng sarili nating pamamaraan o sarili nating estilo. May nakalagda ng mga pamamaraan, patakaran, at pamamalakad na nakasaad sa Banal na Kasulatan. Iyon ang ating gagamitin.
Ang isa sa mga katangian ng tunay na Iglesia ni Cristo ay ang kaniyang pagkakaisa. May pagkakaisa ang Iglesia sa pananampalataya, sa mga doktrina, sa mga tuntunin, at sa patakaran o paraan ng pamamahala.
Kayo’y mga tagapanguna batay sa awtoridad na tinanggap ninyo sa Diyos. Kung sa pag‑aaral natin ngayon ng mga Salita ng Diyos ay maunawa ninyo na kayo’y may ibang pamamaraan, may ginagamit kayong mga patakarang iba kaysa itinuturo sa Banal na Kasulatan ay dapat kayong bumalikwas, magbago at ibaling ang inyong isipan sa inilagda ng Diyos na paraan ng pamamahala sa Iglesia. Sapagkat kung hindi kayo magbabago ay hindi lamang sisirain ninyo ang kaisahan ng Iglesia, kundi manganganib din na baka hindi kayo maligtas at baka madamay pa pati ang mga taong nasasakupan ninyo.
Kaya upang maiwasan ang pagtatalu‑talo sa pagitan ng mga ministro at mga maytungkulin, at maiwasan ang pagkakabaha‑bahagi o alitan, kailangang pag‑aralan natin ang wastong pangunguna at pamamalakad sa Iglesia.
Bakit napapanahong ito’y ating pag‑usapan? Ano ba ang katulad ng Iglesia ngayon? Basahin natin sa Deuteronomio 1:9‑13 (NPV): Noong panahong iyon ay sinabi ko sa inyo, “Napakabigat nang intindihin ko kayong mag‑isa.
Noong panahong iyon ay sinabi ko sa inyo, “Napakabigat nang intindihin ko kayong mag‑isa. Pinarami na kayo ng PANGINOON ninyong Diyos, kaya ngayong araw na ito, sindami na kayo ng mga bituin sa langit. Nawa’y palakihin ng PANGINOON ninyong Diyos ang inyong bilang ng sanlibong ibayo at gaya ng pangako niya ay pagpalain kayo! Ngunit paano ko madadalang magisa ang lahat ninyong problema, mga pasanin at mga alitan? Pumili kayo ng ilang lalaking matalino, maunawain at iginagalang sa bawa’t lipi ninyo at sila ang pamamahalain ko sa inyo”.
Ito’y pangungusap ni Moises na siyang pangunahing lider noon sa bansang Israel, ang bayan ng Diyos noong una. Ang sitwasyon ng Israel ng sabihin ni Moises ang mga pangungusap na ito ay masasabi nating nakakatulad at nakakahawig ng sitwasyon ng Iglesia ni Cristo ngayon at baka higit pa. Ang sabi ni Moises: “Napakabigat ng intindihin ko kayong mag‑isa”. Sapagkat,
“pinarami kayo ng PANGINOON ninyong Dios,” para na kayong “sindami ng mga bituin sa langit”. Subalit hindi nagsisisi si Moises sa paglago ng Israel. Sinabi niya’y sana ay lalo pang palakihin ng Panginoon ang inyong bilang ng makaibayong higit sapagkat iyon ang ipinangako Niya na pagpapala sa inyo.
Ang Iglesia ngayon ay mas marami kaysa sinasabi ni Moises na dami nila noon. At ang lawak ng nalalaganapan ng Iglesia ngayon ay higit sa lawak ng kinaroroonan ng mga Israelita noon.
Subalit ang sabi ni Moises, “Paano ko madadalang mag‑isa ang lahat ninyong problema, mga alitan, at mga pasanin?” Samakatuwid, hindi maaaring nag‑iisa lamang ang lider. Oo, may pangunahing lider ngunit hindi niya makakayanang mag‑isang dalhin ang lahat ng suliranin ng bayan ng Diyos. Kaya’t ang sabi ng Diyos ay kailangang pumili kayo ng mga lalaking matalino, maunawain, at iginagalang sa bawa’t lipi ninyo at sila ang pamamahalain ko sa inyo.
Ang mga suliranin ng Iglesia sa kasalukuyan
Ang Iglesia sa kasalukuyan ay marami ring problema. May problema sa iba’t ibang distrito at iyon ay hindi natin maiiwasan. May problema tayo sa kakulangan ng mga manggagawa at mga ministro. Kulang tayo sa mga maytungkulin at hindi pa natin naipaaayos ang lahat ng ating mga sambahan.
May mga nanunungkulan sa Iglesia na kulang ng kaalaman sa paghahawak ng pusisyon. May mga ministro at mga maytungkulin na nag‑aastang parang Panginoon. Ang binibigyang diin nila’y ang kanilang ranggo, pusisyon, kapangyarihan, at awtoridad. Ang ilan ay natatakot ibahagi ang awtoridad sa iba. Ang palagay nila’y kailangang nasa kanila lamang at manatili sa kanila ang lahat ng kapangyarihan.
Ang ibinubunga ng pagtupad ng iba, sa halip na kaayusan at kapayapaan, ay alitan sa pagitan ng mga nanunungkulan. Ang ilan ay labis na insensitibo sa damdamin at iniisip ng iba. Ang iba’y nagpapasiya kahit wala pang isinasagawang totohanang pagsusuri at pagsisiyasat sa suliranin. Ni hindi sila sumasangguni sa kanilang mga kasama at ayaw nilang tumanggap ng payo sapagkat sinasarili nila ang pagpapasiya sa isang paroblema.
Ang iba’y nagagalit at naiinis kapag may nasasagupang waring tumututol. Sumasama ang kanilang loob kapag mayroong di sumasang‑ayon sa kanila. Ang iba’y tinatakot at pinipigilan ang mga nais magpahayag ng kanilang damdamin o kaya’y mag‑ulat dito sa Central. Iyan at ang mga iba pa ang tinutukoy ko na suliranin ng Iglesia sa iba’t ibang dako na pasan‑pasan ng
Pamamahala.
Kaya totoong napapanahong hindi lamang magparami tayo ng mga kaanib at ng mga manggagawa at maytungkulin kundi, ang higit sa lahat, sa awa at tulong ng Diyos ay mapaunlad ang kaalaman ng lahat ng mga manggagawa, mga ministro at mga maytungkulin sa wastong pamamaraan ng pangunguna sa banal na Iglesia.
Pamamalakad sa patnubay ng iisang espiritu
Alinsunod sa talatang binasa natin kanina, kailangang pumili ng mga makakatulong ng lider. Binanggit ang ilang katangiang dapat hanapin: matalino, maunawain, at iginagalang. Subalit sapat na ba na makapili tayo ng mga matatalino, maunawain at kagalang-galang upang maisagawa ang wastong paraan ng pangunguna sa Iglesia? Ano, higit sa lahat, ang katangiang dapat na masangkap sa lahat ng ginagamit ng Diyos na mga lider o tagapanguna sa loob ng Iglesia ni Cristo? Basahin natin sa Bilang 11:14 at 16-17 (NPV):
Hindi ko kayang mag-isa ang dami ng taong ito. Napakabigat na pasanin ito para sa akin. (talatang 14)
Pansinin ninyo itong sinabi ng Diyos nang dumarating na si Moises:
Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Dalhin mo sa akin ang pitumpung matatanda nila at kinikilalang lider at opisyal ng iyong mga kababayan. Isama mo sila sa Toldang Tipanan at patayuin sila roong kasama mo. Bababa ako roon at makikipag-usap sa iyo. Kukunin ko ang espiritung nasa iyo at ilalagay ko sa kanila.(talatang 16-17a)
Sa ibang salin, ang nakalagay ay “kukuha ako” dahil kung “kukunin ko sa iyo” ay baka isiping mauubusan sa Moises. Kaya ang angkop na salin ay “kukuha ako mula sa iyo”.
Sa gayon, makakatulong mo sila sa pagdadala ng pananagutan sa mga taong ito at hindi ka na mag-iisa sa pagpasan nito. (talatang 17b)
Hindi sapat na ang mga kinakatulong sa pangangasiwa sa bayan ng Diyos ay nagtataglay lamang ng iba’t ibang katangiang pansarili at ng kakayahan. Ang kailangan ay pagkakaisa. Kaya ang mga kinakatulong ng lider ay kailangang nagkakaisa. Ang sabi ng Diyos kay Moises ay, “Tipunin mo sila sa isang dako, bababa ako, makikipag-usap ako sa iyo, at kukuha ako ng Espiritung nasa iyo at ilalagay ko sa bawat isa sa kanila. Saka mo lamang sila makakatulong”. Nakatatawag ng pansin na ang pamamalakad sa bayan ng Diyos ay kailangang nasa patnubay ng iisang espiritu lamang. Iisang diwa ng pamamahala at iisang patakaran lamang ang kanilang sinusunod. Upang mangyari iyon, doon kinukuha ang espiritu sa espiritung ibinigay ng Diyos sa lider upang siyang ibahagi sa mga makakatulong. Sa gayon ay magiging maayos ang pamamalakad sa bayan ng Diyos.
Kaya kailangang makuha o matarok ninyo kung ano ang diwa o espiritung ibinigay ng Diyos ngayon sa kasalukuyang Pamamahala ng Iglesia. Ito ang dapat na pagkaisahan nating lahat na taglayin. Paano natin malalaman kung tayo ay nagkakaisa ng espiritu at nagkakaisa ng pamamaraan? Sa ano tayo dapat maging kaisa ng Pamamahala? Ganito ang sinasabi sa I Corinto 4:17(MB):
Dahil dito, pinapunta ko riyan si Timoteo, na aking minamahal at tapad na anak sa Panginoon. Siya ang magpapaalaala sa inyo ng mga patakaran ko sa buhay sa aking pakikipag-isa kay Cristo Jesus, at ang mga patakaran ding iyan ang itinuturo ko sa bawat Iglesya saanmang dako.
Alinsunod kay Apostol Pablo, sinugo niya sa Corinto si Timoteo na kanyang kamanggagawa noon sa pamamahala upang “siya ang pagpapaalaala sa inyo ng mga patakaran ko sa buhay”. Ang tinutukoy ba ni Apostol Pablo’y ang kanyang buhay personal? Sinundan niya, “patakaran ko sa buhay sa aking pakikipag-isa kay Cristo”. Iyon ang kanyang pagka-Iglesia ni Cristo. Samakatuwid, kay Apostol Pablo, na siyang namamahala sa Iglesia sa dako ng mga Hentil, manggagaling ang patakaran para sa pagpapalakad sa Iglesia. Upang ang mga patakarang iyon ay makarating sa Iglesiang nasa iba’t ibang dako ay isinalin niya ang mga ito sa kaniyang katulong na si Timoteo at sa mga iba pa. Pansinin ninyo ang sinabi niya sa huling bahagi, “ang mga patakaran ding iyan ang itinuturo ko sa bawat Iglesya saanmang dako”.
Ang Iglesia ni Cristo ay nakalaganap na ngayon sa iba’t ibang panig ng daigdig. Ngunit ipinagdidiinan ko sa inyo, saan man kayo naroon, kailangan ay iisa ang patakarang ipinatutupad natin sa Iglesia. Iyon ang patakarang nanggaling sa Pamamahala sapagkat iyon ang dahilan kaya ipinamahagi ng Diyos ang espiritu o diwa ng pamamahala sa lahat ng kinakatulong upang magkaisa ng patakaran. Kaya napakahalaga na napasasakop ang bawat isa sa Pamamahala ng Iglesia.
Ang pamamahalang teokratiko sa Iglesia
May pumupuna sa Iglesia ni Cristo. Ito raw ay nagsasagawa ng pamamaraang diktadura, sapagkat diumano’y dinidiktahan ng Tagapamahalang Pangkalahatan ang lahat ng mga Iglesia ni Cristo at iyon daw ay masama. Totoo ba na ang Iglesia ni Cristo ay nagsasagawa ng pamamaraang diktadura? Ano bang uri ang pamamahala sa bayan ng Diyos? Anong patakaran ang ipinatutupad ng Pamamahala? Ang kaniyang sariling kagustuhan ba ang ipinatutupad at kung ano lamang ang kaniyang maisipan? Lumilikha ba siya ng sarili niyang mga tuntunin? Tingnan natin sa panahon ng bayang Israel kung ano ang patakarang ipinatupad ni Moises. Ganito ang nakasulat sa Bilang 9:23 (NPV):
Sa atas ng PANGINOON ay humihimpil sila, at sa atas din niya sila nagpapatuloy. Sinusunod nila ang tagubilin ng PANGINOON ayon sa utos niya kay Moises.
Ang bayang Israel noon ay gumagalaw at kumikilos sa atas ng Panginoon. Sa Diyos nanggagaling ang utos. Sa atas ng Diyos ay humihimpil sila, sapagkat sila noon ay naglalakbay sa ilang. Sa atas din ng Diyos ay nagpapatuloy sila. Ang sinusunod nila’y ang tagubilin ng Panginoon na pinararaan Niya kay Moises. Kaya kung may utos na ipinatutupad noon si Moises ay hindi niya iyon sarili. Kung may ipinatupad o ibinigay siyang patakaran ay hindi kaniya iyon kundi atas ng Diyos. Siya lamang ang pinagdaanan. Ang pamamahala sa bayan ng Diyos ay hindi diktadura. Sapagkat pagka diktadura, ang ibig sabihin ay ang kagustuhan ng isang tao ang nasusunod. Ngunit kung ang kagustuhan ng Diyos ang natutupad, iyan ay pamahalaang teokratiko. Ang terminong teokrasya ay galing sa mga salitang Griego; ang pinaka ugat ay theos na ang kahulugan ay “Diyos” at kratos na ang ibig sabihin ay “pamumuno”. Basahin natin ang Colosas 1:25, ganyang-ganyan ang isinasaad na pamamahala, hindi lamang sa Israel, kundi sa tunay na Iglesiang Cristiano:
Na ako’y ginawang ministro nito, ayon sa pamamahala na mula sa Dios na ibinigay sa akin para sa inyo upang maipahayag ang salita ng Dios.
Ang pamamahala sa tunay na bayan ng Diyos o sa tunay na Iglesia ay pamamahala ng Diyos na ibinigay sa tagapamahala ng Iglesia upang maipahayag ang mga salita ng Diyos. Pamamahala ito ng Diyos sapagkat ang gusto ng Diyos ang nasusunod dito. Ang patakaran ng Diyos ang umiiral dito. Ngunit ang pagpapatupad nito ay ang binigyan o dinaanan o dinaluyan ng mga utos at patakaran: Ang Pamamahala sa loob ng Iglesia. Kaya masama pagka hindi tayo sumusunod sa Pamamahala, sapagkat ang kahulugan noon ay hindi natin sinusunod ang Diyos. Pagka tayo’y lumaban at naghimagsik, ang ating nilalabanan ay ang Diyos at hindi ang tao na inilagay ng Diyos sa pamamahala sa Iglesia. Subalit kung tayo’y sumusunod, hindi tayo sumusunod sa taong lider, kundi sumusunod tayo sa Diyos, sapagkat sa Kanya tayo inihahatid ng Tagapamahala sa lahat ng kanyang mga ipinatutupad. Dinadala tayo ng Pamamahala sa pagsunod at pagpapasakop sa Panginoong Diyos.
Si Diotrefes: hindi mabuting lider sa unang Iglesia
Gaano kasama ang hindi pagpapasakop sa Pamamahala? Mayroon bang taong binabanggit sa biblia na bagaman kinakatulong noon ng mga apostol, gayuman ay nagtaglay ng ibang isipan o ibang diwa kaysa pinag-uusapan natin dito? Huwag sanang matagpuan sa kaninumang ministro, maytungkulin, o kapatid ang katulad ng binabanggit sa III Juan 1:9-10,11 (TLB):
Nagpadala ako ng maikling sulat sa Iglesia tungkol dito, ngunit ang palalong si Diotrefes na gustong-gustong ipaggitgitan ang kanyang sarili bilang lider ng mga Cristiano doon ay hindi kinilala ang aking kapamahalaan sa kaniya at tumatangging makinig sa akin. (talatang 9)
Sa panahon ng mga apostol ay mayroon ding ayaw kumilala sa Pamamahala, si Diotrefes. Sapagkat ang gusto niya’y mamahala rin siya. Kaya gustong-gusto niyang ipaggitgitan ang kanyang sarili bilang lider. Ang sabi ni Apostol Juan:
Kapag ako’y dumating, sasabihin ko sa inyo ang ilan sa mga bagay na kanyang ginagawa at ang mga masasamang sinasabi niya tungkol sa akin at ang mga salitang mapanlait na kanyang ginagamit. Hindi lamang siya tumatangging malugod na tanggapin ang mga manglalakbay-misyonaryo, kundi sinasabi rin sa iba na huwag silang tanggapin. At kapag tinanggap nila, sinisikap niyang itiwalag sila sa Iglesia. (talatang 10)
Si Diotrefes ay naninira at nagsasalita ng laban sa pamamahala. Hinahadlangan at sinasansala niya ang mga utos na galing kay Apostol Juan. Ayaw niyang kilalanin ang mga ipinadadala ni Apostol Juan na mga taong kailangang gamitin sa Iglesia.
Awa ng Diyos ay wala pang ganyan sa Iglesia ni Cristo ngayon. Ngunit sinasabi natin ngayon pa na kung magkakaroon ay si Diotrefes ang katulad niya. Ganito pa ang sabi ni Apostol Juan:
Minamahal na kaibigan, huwag mong hayaang makaimpluwensiya sa iyo ang masamang halimbawang ito. Sundin mo kung alin lamang ang mabuti. Tandaan mo, na napatutunayan ng mga gumagawa ng matuwid na sila’y mga anak ng Diyos at napatutunayan ng mga nagpapatuloy sa kasamaan na sila’y malayo sa Diyos. (talatang 11)
Ang sumusunod ay hindi nagiging alipin ng taong namamahala. Ayon kay Apostol Juan, kapag ikaw ay sumusunod, napatutunayan mong ikaw ay anak ng Diyos; kapag hindi ka sumusunod at nagpatuloy ka sa masamang espiritung iyan, napatutunayan mo namang ikaw ay malayo sa Diyos. Hindi ko sinasabi ito upang itanghal at itaas sa inyo ang Pamamahala kundi, gaya ng sinabi ko kanina, ang pinakamalubhang krisis sa mundo ngayon ay ang krisis sa liderato, at ito’y huwag nating payagang mangyari sa Iglesia. Sundin natin ang mga patakarang inilagda ng Diyos.
Si Abimelec: isang masamang hukom
Sa panahon ng matandang Israel, sino naman ang masamang halimbawa ng nanungkulan sa bayan ng Diyos na dahil hindi ang Diyos ang naglagay sa kanya ay inilagay niya ang kaniyang sarili at masama pa ang paraang ginamit niya? Ganito ang sinasabi sa Mga Hukom 9:1-20,51-56 (NPV):
Nagpunta si Abimelec sa Siquem sa kanyang mga amain sa panig ng kanyang ina. Sinabi niya sa kanila at sa buong angkan ng kanyang ina, “Tanungin ninyo ang mga mamamayan ng Siquem kung ano ang gusto nila: pamunuan sila ng lahat ng pitumpung anak ni Jerobaal o ng isang tao lamang. Tandaan ninyo, ako’y laman ninyo at dugo”. Nang sabihin nila ito sa mga mamamayan ng Siquem, kumiling sila kay Abimelec. Ang sabi nila, “Siya’y ating kapatid.” Siya’y binigyan nila ng pitumpung piraso ng pilak mula sa templo ni Baalberit. Ginamit iyon ni Abimelec na pang-upa sa mga barumbadong mga palaboy na naging tagasunod niya. Nagpunta si Abimelec sa bahay ng kanyang ama sa Ofra at pinatay sa ibabaw ng isang bato ang pitumpu niyang kapatid na mga anak ni Jerobaal. Ngunit si Joatam na bunsong anak ni Jerobaal ay nakatakas pagkat siya’y nagtago. At ang lahat ng mamamayan ng Siquem at Betmilo ay nagtipon sa tabi ng malaking punong kahoy sa may haligi ng Siquem at doon pinutungang hari si Abimelec. (talatang 1-6)
Ang binasa natin ay bahagi ng kasaysayan ng Israel sa panahon ng pamamahala na tinatawag na “mga hukom”. Ang kahulugan noon ng salitang “mga hukom” ay hindi katulad ng kahulugan nito ngayon na sila ang mga taong humahatol sa mga usapin. Ang mga hukom na binabanggit sa Biblia ay mga lider na itinindig ng Diyos sa Israel pagkamatay ni Josue. Labinglima ang mga hukom na ito, mula kay Othoniel hanggang kay Samuel.
Ang Israel noon ay nagkawatak-watak. Wala silang lider kaya sila naging bukas sa paglusob ng mga kaaway sa magkabikabila. Kaya nagtitindig ang Diyos ng mga taong parang mga pinunong militar o pinuno ng hukbo upang siyang lumaban at makipagbaka sa mga kaaway. Sila ang tinatawag na mga hukom. Sila ang mga naging tagapagtanggol ng Israel.
Kaya nagkagayon ang Israel ay dahil sa tumaas-bumaba ang kanilang buhay espirituwal. Ang Israel ay paulit-ulit na tumalikod sa Diyos. Pagka sila ay nasa pagtalikod at nagtindig ang Diyos ng mga Hukom, muling umaalsa ang kanilang pagkakilala at pananampalataya. Ngunit pagka wala na ang lider ay muli silang tumatalikod. Kaya taas-baba ang kanilang buhay espirituwal.
Si Abimelec na binabanggit sa mga talatang ating binasa ay anak ni Jerobaal. Si Jerobaal ay siya ring si Gideon, isang magaling na hukom at lider na nagligtas sa Israel sa mga Madianita. Si Gideon, ang panglimang hukom, ay maraming asawa, kaya marami ring mga anak. Bukod sa mga anak niya sa kanyang mga asawa, nagkaroon din siya ng anak, sa isa sa kanyang mga alipin o alila, ito ngang si Abimelec. Noon, ang patakaran ay huhugutin sa mga anak kung sino ang hahalili sa ama bilang lider ng bayan. Nang si Gideon ay namatay, kailangang kumuha sa kanyang mga anak ng kahalili.
Si Abimelec ay nagpunta sa Siquem, ang lugar ng kanyang mga kamag-anak. Doon siya nag-umpisang mang-intriga. Ang tanong niya sa kanila:”Ano ang gusto ninyo, ngayong wala na si Gideon, wala na si Jerobaal? Sino ang gusto ninyong mamuno sa inyo: yaong pitumpung anak o isa lamang?” Ang sabi ng mga taga-Siquem, “ Ikaw ang gusto namin sapagkat ikaw ay aming kapatid, ikaw ay aming kamag-anak.” Binigyan pa nila ng salapi si Abimelec na ginamit nito upang makakuha ng mga “barumbadong mga palaboy”, mga goons, kung baga sa panahon natin, upang gamitin niya sa pang-aagaw sa kapangyarihan, at upang ilagay ang kanyang sarili sa pusisyon. At upang kaniyang malipol ang mga kaagaw niya ay kaniyang pinatay ang 70 kapatid niya. Ang ginawa ng mga taga-Siquem ay siya ang iniluklok bilang hari.
Kaya si Abimelec ay kabilang sa hanay ng mga hukom. Napasa kaniya ang pusisyon sa pamamagitan ng mga intriga, manipulasyon, at pagpatay. May ganyan ba sa lokal, na minamanipula ang mga bagay-bagay upang ipilit na siya, halimbawa ang maging pangulong diakono? O kaya’y upang maalis ang isa sa mga nasa pamunuan ay gumagawa siya ng mga manipulasyon, kumukuha ng mga kakampi at pumapatay, hindi ng buhay, kundi ng karangalan sa pamamagitan ng mga paninirang puri at mga paratang na kasinungalingan at mga tiwaling pag-uulat upang maalis sa puwesto ang gusto niyang palitan?
Bakit nagkaroon ng ganoon sa Israel noon? Tandaan ninyo, bagama’t pinatay ni Abimelec ang 70 kapatid niya ay may natirang isa, si Joatam, na siyang bunso. Ano ang sabi ni Joatam nang mabalitaan niya ang nangyari? Ituloy natin ang ating binabasa sa talatang 7:
Nang ito’y mabalitaan ni Joatam, umahon siya sa taluktok ng Bundok ng Gerizim at humiyaw, “ Makinig kayo sa akin, mga taga-Siquem, upang pakinggan din kayo ng Dios. Isang araw, lumabas ang mga punongkahoy para magtalaga ng kanilang hari.”
Lumikha si Joatam ng isang fable o pabula, isang kuwento na hindi totoo sa pangyayari subalit may aral na gustong ituro. Iyon ang ginamit ni Joatam para sabihin niya ang gusto niyang sabihin sa mga kausap niya. Ang sabi niya:
“Isang araw, lumabas ang mga punongkahoy para magtalaga ng kanilang hari. Sinabi nila sa punong olibo, “ikaw na ang maghari sa amin”. Subalit sumagot ang puno ng olibo, “iiwan ko ba ang aking langis na ginagamit sa pagpaparangal sa mga dios at mga tao para umindayog sa gitna ng ibang punong kahoy?” Sumunod, sinabi nila sa puno ng igos, “Halika, ikaw ang maghari sa amin””. Sumagot ang igos, “Pababayaan ko ba ang masarap at matamis kong bunga para umindayog sa gitna ng ibang punongkahoy?” Nang magkagayon, sinabi nila sa ubas, “halika, gagawin ka naming hari.” Sumagot ang ubas, “pababayaan ko ba ang aking alak na nagpapasigla sa mga dios at mga tao para umindayog sa ibabaw ng ibang punongkahoy?” Sa bandang huli, sinabi ng mga punong kahoy sa dawag, “ikaw ang maghari sa amin”. Sumagot ang dawag, “kung talagang gusto ninyo akong maging hari, sumilong kayo sa lilim ko. Kung hindi, magpapalabas ako ng apoy at susunugin ko ang mga sedro ng Libano”.(talatang 8-15)
Ang isinasalaysay ni Joatam ay tungkol sa mga punongkahoy na gustong magkaroon ng hari. Lumapit sila sa mga piling punongkahoy tulad ng puno ng olibo, lumapit sila sa puno ng igos, lumapit sila sa ubas, ngunit pare-parehong tumanggi. Sila pa naman sana ang may mga katangian. Tumanggi sila sapagkat mayroon silang kapakanang pansarili na hindi nila maisakripisyo. Higit na mahalaga sa kanila ang kanilang kapakanan kaysa pangasiwaan ang ibang mga punongkahoy. Ang nangyari’y naubos na ang mga piling punongkahoy at walang natira kundi ang dawag. Ang dawag ay hindi mabuting kahoy. Kung tawagin ito sa ibang salita ay pasirang damo. Iyon ay sinusunog lamang. Ang sabi raw ng dawag, “kung gusto ninyo akong maging hari ay nasa inyo ‘yan. Ngunit sisilong kayo sa lilim ko at pagka hindi ay magpapalabas ako ng apoy at susunugin ko kayong lahat.”
Ano ang ibig sabihin nito? Kung ilalapat natin sa pangyayari ngayon, naghahanap tayo ng mga maytungkulin, mga pamunuan. May mga nagtataglay ng kakayahan at mga katangian ngunit kapag nilapitan at inalok ay tumatanggi. Sinasabi nilang, “Hindi ko maiiwan ang aking ganito o ganoon, makasisira iyan sa trabaho ko, baka maubos ang panahon ko.” Kalilipat nang kalilipat ng pinipili at kinukuha ay wala ng natira. Kaya ang nalalagay ay yaong hindi pa muna karapat-dapat. Huwag naman nating sabihing sila’y mga dawag kundi hindi pa sila preparado upang maghawak ng tungkulin. Hindi dapat nangyayari iyon. Masamang tumanggi sa tungkulin.
Ang sabi ni Joatam, iyan ang nangyayari sa inyo, pinagpapatay ninyo ang mabubuti, ang itinira ninyo ay dawag, si Abimelec. Ano ang masamang ibinunga nito kay Abimelec? Ituloy natin ang pagbasa sa mga talatang 16-20:
Nagpatuloy si Joatam, “Ngayon, marangal ba at matuwid ang pagkakalagay ninyo kay Abimelec bilang hari? Naging makatarungan ba kayo kay Jerobaal at sa kanyang sambahayan? Pinakitaan ba ninyo siya ng nararapat? Alalahanin ninyong kayo’y ipinaglaban ng aking ama. Itinaya niya sa panganib ang kanyang buhay para mailigtas kayo sa kamay ng mga Madianita (ngunit ngayon, kayo’y naghimagsik laban sa sambahayan ng aking ama. Pinatay ninyo ang pitumpung anak niya sa ibabaw ng isang bato, at ginawa ninyong hari si Abimelec na anak ng isa niyang aliping babae. Ginawa ninyo siyang hari ng Siquem pagkat siya’y inyong kapatid). Ngayon, kung talagang marangal at matuwid ang ginawa ninyo kay Jerobaal at sa kanyang sambahayan, maging kagalakan nawa ninyo si Abimelec at kayo nama’y maging kasiyahan niya. Kung hindi, lumabas sana ang apoy mula kay Abimelec at sunugin kayong mga taga-Siquem at Bet-milo, at magmula naman sa inyo ang apoy na susunog kay Abimelec.
Ang sabi ni Joatam ay ang Diyos ang maglalahad o magpapakita kung tama ang ginawa ninyo, kung matuwid ang pagkakalagay ninyo kay Abimelec. Kung matuwid, magiging karapat-dapat at kasiyahan ninyo siya; ngunit kung hindi, lahat kayo ay masusunog. At ang magsusunugan ay kayo-kayo rin.
Ano nga ba ang nangyari? Natupad ba ang sinabi niya? Ano ang natupad: ang mabuti o ang sumpa? Ganito ang sabi sa mga talatang 51 hanggang 56:
Sa loob ng lunsod ay may matibay na muog na pinagtataguan ng lahat ng tagaroon. Sinarhan nila ang daan at umakyat sila sa bubungan ng muog. Nang palapit si Abimelec sa pintuan upang sunugin ito, isang babae ang nagbagsak ng gilingang bato. Tinamaan siya sa ulo at nabasag ang kanyang bungo. Kaya dali-dali niyang tinawag ang kaniyang tagadala ng sandata at inutusan ito, “Saksakin mo ako ng iyong tabak para hindi nila masabing isang babae lamang ang nakapatay sa akin”. Kaya siya’y sinaksak nito at namatay. Nang makita ng mga Israelita na patay na si Abimelec, nag-uwian na sila. Sa ganitong paraan, si Abimelec ay siningil ng Dios dahil sa pagpatay sa pitumpung kapatid niya.
Hindi pinagpaumanhinan o pinalampas ng Diyos ang masamang ginawa ni Abimelec sa paglalagay niya sa kaniyang sarili. Sa halip na hintaying ilagay siya ng Diyos ay gumawa siya ng sari-saring maniobra upang malagay siya sa katungkulan. Subalit hindi pumayag ang Diyos. Natupad ang sinabi ni Joatam. Nagkaroon si Abimelec ng isang napakapait na kamatayan. Babae lamang ang nagbagsak sa kaniya ng isang gilingang bato at nabasag ang kaniyang ulo ngunit hindi siya namatay agad. Kaya, hiniling niya sa tagadala niya ng sandata na siya ay saksakin at patayin sapagkat isang malaking kahihiyan na babae ang makapatay sa kaniya. Aywan ko kung mapapahiya pa siya kung siya’y patay na. Ngunit ang ipinakikita rito ay hindi mabuti na ating guluhin ang kaayusang ginagawa ng Diyos.
Ang pangunguna ay serbisyo
Binasa natin ang dalawang masamang halimbawang iyon: si Diotrefes sa panahon ng unang Iglesia at si Abimelec sa panahon ng Israel. Huwag sana natin silang tularan.
Kailangang tayo’y ilagay ng Diyos. Upang tayo ay mailagay ng Diyos, magdaraan tayo sa pagkakasunod-sunod ng awtoridad. Susunod tayo sa iisang tuntunin at patakaran saan man tayo naroon.
Ang mga kapatid nating mga taga-Kanluran ay malayo sa distansiya lamang, ngunit malapit sila sa aral, sa doktrina, sa patakaran, at sa tuntunin. Nasa atin ng lahat ang kailangan. Saganang-saganang ipinamahagi iyon ng Diyos. Ang kailangan lamang ay pagbalik-aralan at ulit-ulitin nating basahin ang mga ito. At higit sa lahat ay buong pitagan, buong galang, buong kababaang-loob, at buong pag-ibig na sundin natin ang mga aral ng Diyos.
Ang Diyos ang may sabing isang espiritu lamang ang dapat na nasa atin. Siya ang nagsabing kailangang isang patakaran lamang ang sinusunod natin at iisa lamang ang sentro ng pamamahala. Siya rin ang nagsabing pasakop tayo sa Pamamahala at Siya rin ang nagpakita ng masamang ibinunga sa mga hindi sumunod, sa mga lumaban, sa mga naghimagsik, sa mga gumawa ng iba’t ibang masasamang kaparaanan para lamang magkaroon ng katungkulan sa loob ng bayan ng Diyos.
Kaya kung gusto ninyong malaman ang patakarang inilagda ng Biblia sa pamamahala sa Iglesia, wala ng hihigit pa sa sinabi ng ating Panginoong Jesucristo, na Siyang may-ari at Ulo ng Iglesia. Sa Marcos 10:42-44 (MB) ay ganito ang nakasulat:
Kaya’t pinalapit sila ni Jesus at sinabi, “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ay siyang pinapanginoon, at ang mga dinadakila ay siyang nasusunod. Ngunit hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat.
Ibinigay ng ating Panginoong Jesucristo ang dapat na maging estilo natin sa pangunguna o patakaran sa pamamahala at pangangasiwa. Ang sabi Niya’y huwag ninyong parisan ang mga pinuno ng mga Hentil, ibig sabihin ay ang mga pinuno ng sanlibutan.
Ang mga pinuno ng sanlibutan ay nagpapa-panginoon at sila’y nagpapakilalang sila’y dakila. Samakatuwid ang prinsipal sa kanila’y ang karangalan, katanyagan at pusisyon.
Ang sabi ng ating Panginoong Jesucristo ay hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, sinuman sa inyo ang may ibig maging dakila ay dapat maging lingkod at sinumang nais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. Ang ibig sabihin, ang pangunguna ay serbisyo. Ito’y paglilingkod, una’y sa Diyos, saka sa ating kapuwa o sa ating mga kapatid.
Kapag hindi natin iyan nagawa at sa paghahawak natin ng katungkulan ay ipinagpipilitan natin ang ating awtoridad sa halip na pagsilbihan ang ating mga kapatid, hindi tayo tunay na lider sa Iglesia, kundi bagkus ay pinuno ng sanlibutan at ang gayon ay hindi dapat manatili sa loob ng Iglesia. Sa loob ng Iglesia, anuman ang laki ng katungkulan ng isang tao at gaano man kataas ang kanyang pusisyon, iyon ay ginagamit hindi upang magpapanginoon sa iba kundi upang magsilbi. Magsilbi tayo sa layuning madala natin ang tao sa Diyos at sa kaligtasan.
Ang sinabi bang ito ng ating Panginoong Jesucristo ay ginawa Niya? Tandaan ninyo ang sinabi Niya, huwag kayong magpapa-panginoon. Kung babasahin ninyo ang Mateo 23:8 at patuloy, sinabi rin Niyang huwag kayong patatawag na Rabi, huwag kayong patatawag na panginoon sapagkat iisa ang inyong guro at iisa ang inyong Panginoon: si Jesucristo. Si Cristo ang talagang Panginoon. Mamanginoon man tayo sa Kaniya ay marapat lamang. Ngunit papaano Niya ginamit ang Kaniyang pagka-Panginoon? Ganito ang sinasabi sa Marcos 10:45:
Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami.
Ang sabi ng ating Panginoong Jesucristo ay hindi Siya naparito para paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang Kaniyang buhay. Isipin ninyo, ang pinakadakilang tao ay nagsilbi at ang pinuhunan ay ang pinakamahalaga: ang Kaniyang buhay. Samantalang ang iba, panahon lamang ay pinanghihinayangan na at dumadaing na. Salapi lamang ang isasakripisyo ay ayaw na. “Hindi bagay sa akin, Ako yata ang pangulong diakono”. O kaya’y “Obispo ako ng lokal” “Aba, ako ang tagapangasiwa ng distrito, bakit ako ang gagawa niyan?” Mali ang ganyang mga isipan. Kahit buhay natin, kung kailangan, ay dapat nating puhunanin sa pagtupad ng tungkulin.
Ang marami nating mga manggagawang nangamatay na ay nagbuwis din ng buhay. Namatay sila sa katandaan na wala silang tinamasang anumang tinatangkilik upang maipamana sa kanilang mga anak. Iniwan nila ang kanilang pamilya sa kamay ng Diyos. Hindi sila naghangad ng anumang bagay para sa kanilang personal na pakinabang.
Ang marami nating mga maytungkulin ay nagsasakripisyo araw-araw sa pagdalaw sa mga kapatid, sa paghanap sa mga nawawala, sa pagdalo sa mga pulong at sa kanilang pagpunta nang maagang-maaga sa pagsamba. Ginagawa nila iyon sapagkat ibig nilang ipakita sa Diyos na ang tungkulin nila ay paglilingkod at hindi pagmamapuri, ni karangalang pansarili. Ganyan ang hinahanap nating mga tao sapagkat sila ang nakatutugon sa pamamaraang sinabi ng ating Panginoong Jesucristo.
Manguna hindi bilang Panginoon kundi tagapaglingkod
Paano tayo makararating sa diwang ito ng pangunguna na itinuro ng ating Panginoon na siyang tamang espiritu sa paghawak ng tungkulin? Ano ang tinuro ng mga apostol ukol dito? Ganito ang sabi ng apostol ni Cristo sa I Pedro 5:1-3 (TLB):
At ngayon, isang payo para sa inyo mga matatanda sa Iglesia. Ako man ay isang matanda sa Iglesia, nakita ng aking sariling mata ang pagkamatay ni Cristo sa krus, at ako man ay makakahati sa Kaniyang kaluwalhatian at sa Kaniyang karangalan sa Kaniyang pagbabalik. Mga kasama kong matatanda sa Iglesia, ito ang aking pakiusap sa inyo. Pakanin ninyo ang kawan ng Diyos, alagaan ninyo ito nang may buong pagkukusang loob, hindi pagalit, hindi dahil sa mapapakinabang ninyo mula rito kundi dahil nasasabik kayong paglingkuran ang Panginoon. Huwag kayong maging panginoong malulupit kundi pangunahan ninyo sila sa pamamagitan ng inyong mabuting halimbawa.
Isinagawa ng mga apostol sa Iglesia ang patakarang iniwan ng ating Panginoong Jesucristo na ang estilo ng pangunguna ay hindi katulad ng sa sanlibutan at hindi bilang panginoon, kundi bilang tagapaglingkod. Ang sabi ni Apostol Pedro’y nakikiusap ako sa inyong matatanda sa Iglesia, akong katulad ninyong matanda rin sa Iglesia. Kailangang pakanin ninyo ang kawan ng Diyos, alagaan ninyo nang may buong pagkukusang-loob. Ibig sabihin ay sumusunod ang tao dahil nauunawaan niya at naturuan siya; nahikayat siya at hindi pinilit. Hindi kusa ang paglilingkod pagka pinilit.
Hindi rin dapat na ang pagpapatupad ay pagalit. Hindi dapat na gumagamit ang lider ng pananakot o pagbabanta ng pag-aalis ng karapatan para lamang siya’y sundin, o kaya ay ipanakot ang Central. Huwag nating gagawin iyan.
Ang iba’y masyadong marahas sa pagpapatupad. Masakit silang magsalita. Ang iba’y nambubulyaw, nagsisisigaw pagka sila’y may ipinatutupad. Hindi tayo tunay na tagapanguna sa bayan ng Diyos pagka tayo’y ganiyan.
Anuman o sinuman ang nasasakop ninyo, gaano man karami o gaano man kakaunti, sila ay mga anak ng Diyos. Kailangan natin silang pakanin, alagaan, turuan, ngunit hindi sa paraang para tayong Panginoon nila.
Tandaan ninyo, hindi tayo ang Panginoon. Ang pamamahala ay hindi ang tao, sa Diyos nagmumula ang dapat ipatupad ng pamamahala. Ang ating tagapamahala ay ang ating Panginoong Jesucristo, Siya na ating Pangulo ang nagturo: Huwag kang mag-astang Panginoon. Magsilbi ka. Pakinabangan ka ng pinangangasiwaan mo.
Ang sabi ni Apostol Pedro, upang magawa ito ay dapat na nagpapakain tayo, binubusog natin sila sa pag-asa, sa pananampalataya, sa pagtitiis, sa pagsunod, at sa pagbabagong-buhay. Maaakit natin sila kapag nakita nilang tama ang sinasabi ng Biblia at hindi dahil tinakot natin sila o dahil may ipinananakot tayo sa kanila. Huwag na huwag nating gagawin iyan.
Ang leadership-style ni Apostol Pablo
Ito ba ay isinagawa rin ni Apostol Pablo? Tingnan natin ang style ni Apostol Pablo sa kaniyang pakikitungo sa mga kapatid. Dapat ay ganyan din tayong lahat. Paano magagawa ng isang lider ang sinasabi na magsilbi tayo sa ating kapatid? Ganito ang itinuro ni Apostol Pablo sa I Tesalonica 2:10-12 (MB):
Saksi namin kayo at gayon din ang Diyos na kami ay tapat, mabuti, at ganap sa pakikitungo sa inyo na mga sumasampalataya. Tulad ng alam ninyo, kami’y naging parang ama ng bawat isa sa inyo. Pinalakas namin ang inyong loob, inaliw kayo at hinimok na mamuhay nang tapat sa paningin ng Diyos na humirang sa inyo upang makahati sa kaniyang kaharian at kaluwalhatian.
Paano namahala o nag-lider si Apostol Pablo sa Iglesia noong panahon niya? Ang sabi niya, “saksi kayo at higit sa lahat ang Panginoong Diyos na kami’y naging tapat, mabuti at ganap sa pakikitungo sa inyong mga sumasampalataya.” Paano siya nakitungo sa Iglesia? Ang sabi niya, “Kami’y naging parang ama” Karamihan sa mga maytungkulin ay ama, kung hindi man ay ina, kaya ito’y madali nilang maiintindihan.
Ang sabi pa ni Apostol Pablo ay “ Pinalakas namin ang inyong loob.” Hindi niya sinabing “Tinakot namin kayong lahat.” O kaya’y “Pinagbantaan namin kayo.” Hindi. Ang sabi niya’y, “Pinalakas namin ang inyong loob, inaliw kayo, hinimok- hindi pinilit na mamuhay nang tapat sa Diyos upang pagdating ng araw ay maligtas kayo at makahati sa kaniyang kaharian” Ito ang isipan ng isang tunay na lider. Ang kaniyang intensiyon o layunin ay madala ang tao sa Diyos, sa kaharian ng Diyos, sa kaligtasan. Kaya ang lahat ng kaniyang pagsasakit, pagsusumikap, at pagpupunyagi ay tungo sa direksiyong yaon at hindi upang dalhin ang tao sa kaniyang sarili, upang magsariling kalooban, o magtatag ng sarili niyang lokal, o maghari-harian sa kaniyang nasasakupan at huwag mapakialaman ng sinuman.
Kung binanggit dito ang pagdadala ng ama, alalahanin din natin na mayroon ding ama na hindi mabuti ang paraan ng upbringing sa kaniyang anak. Kayo, mga ama, paano ninyo pinalalaki ang inyong anak? Sa laging pamamalo, pagkagalit, pagbabanta at pananakot sa kanila o sa pag-ibig, pagmamahal, pagtuturo, at pagtitiis sa kanilang mga kamalian?Ngunit hindi naman nangangahulugang kukunsintihin silang mamalagi sa mali o hindi tayo marunong dumisiplina sa anak.
Dapat ay marunong mangasiwa sa sariling sambahayan
Sa bahaging ito ay ibig ko ring manawagan sa lahat ng mga ministro at mga maytungkulin. Kung nais ninyong malaman kung tama ang paraan ng pamamahala ninyo sa Iglesia ay tingnan ninyo kung maayos ang takbo ng inyong sambahayan. Kung sa tahanan ninyo mismo ay hindi kayo nagkakasundong mag-asawa bagkus ay nag-aaway at hindi na mapayapa at humahantong pa sa paghihiwalay; kung ang mga anak ninyo ay hindi nabubuhay ng buhay Cristiano, kung hindi ninyo sila nasusupil at hindi man lamang nasusubaybayan kung saan nagpupunta, kung sino ang kabarkada, at kung ano ang iniinom, ay ni wala kayong karapatan, ang sabi ni Apostol Pablo, na mamahala sa Iglesiang sa Diyos sapagkat hindi kayo marunong mangasiwa sa inyong sariling tahanan.
Kaya ang larawan, ang show window, ng tunay na tagapanguna, ay ang kaniyang pamilya. Tingnan mo ang sambahayan niya. Pagka sa sambahayan pa lamang ay marami ng depekto, hindi ito maaaring manguna sa sambahayan ng Diyos o sa Iglesiang sa Diyos.
Tandaan natin: kailangang dalhin sa tamang paraan ang mga anak at kailangang dalhin sa tamang paraan ang Iglesia. Hindi sa pamimilit at hindi rin sa sobrang kaluwagan. Hindi sa pananakot, hindi sa labis na pagpaparusa, pananakit at hindi naman sa kapabayaan na anupa’t, kahit anong gawin nila ay napapayagan natin sa pag-aakalang iyon ang pagmamahal ng isang magulang sa kaniyang anak. Mali iyon. Kunsintidor na magulang ang tawag doon. At alam na natin ang sasapitin ng kanilang anak pagdating ng araw. Ganyan din ang mangyayari sa Iglesia pagka hindi tama ang ating pagdadala.
Pagmamahal ang dapat gumabay sa atin
Paano nagawa ni Apostol Pablo na maging tapat, mabuti, at ganap sa pakikitungo sa mga sumasampalataya? Paano siya nakapagpalakas ng loob at nakaaliw? Paano niya nahikayat na mabuhay nang matuwid sa paningin ng Diyos ang kaniyang mga nasasakupan? Dahil sa damdaming kumokontrol sa kaniyang pag-uugali at gumagabay sa kaniya. Ganito ang sabi ni Apostol Pablo sa I Tesalonica 2:5-6 at 7-8:
Alam ng Diyos at alam din ninyo na sa aming pangangaral ay hindi kami gumagamit ng pakunwaring papuri o ng mga salitang nagkukubli ng masakim na hangarin. Hindi kami naghangad ng papuri ninyo o ninuman, bagamat may katwiran kaming maghintay niyaon bilang mga apostol ni Cristo naging magiliw kami sa inyo tulad ng isang mapagkalingang ina sa kaniyang mga anak dahil sa laki ng aming pagmamahal sa inyo. Itinalaga namin ang aming sarili sa pangangaral sa inyo ng mabuting balita. Hindi lamang iyan, pati na aming buhay ay ihahandog namin kung kakailanganin. Lubusan na kayong napamahal sa amin.
Ang damdaming gumabay kay apostol Pablo, nagtulak sa kaniya sa mabuting pangunguna, at kumontrol ng kaniyang pag-uugali ay ang pag-ibig at pagmamahal. Ang sabi niya sa Iglesia: “Dahil sa laki ng aming pagmamahal sa inyo ay itinalaga namin ang aming sarili na kung kakailanganin pati na ang aming buhay ay ibibigay namin sapagkat lubusan na kayong napamahal sa amin.”
Nang tanungin ng mga Judio ang ating Panginoong Jesucristo: “Ano ba ang pinakadakilang utos sa kautusan,” ano ang sinabi Niya? Pag-ibig. Iibigin mo ang Diyos nang buong puso, buong pag-iisip, buong kaluluwa at buong lakas mo. Pagkatapos, iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Ano’ng sabi ni Apostol Pablo? “ Datapuwa’t ngayo’y nananatili ang tatlong ito: ang Pananampalataya, ang pag-asa at ang pag-ibig, nguni’t ang pinakadakila sa mga ito ay ang pagibig ( I Cor. 13:13)”
Alin daw ang pinakadakila? Ang Pag-ibig.
Masamang ang pag-ibig pa ang mawala sa isang tagapanguna, na anupa’t nasa kaniya na ang lahat ng bagay na sa palagay niya ay nagpataas sa kaniya ngunit ang pag-ibig ay wala. Kaya, balewala sa kaniya kung mapariwara ang lokal, kung nawawala ang kapatid, kung maraming hindi sumasamba, kung maraming hindi nagbabagong-buhay. Balewala sa kaniya kung ang mga manggagawa ay wala namang ginagawa araw-araw.
Hindi ganyan ang ating mga maytungkulin at mga ministro. Marami tayong mga ministro na kahit maysakit ay nagtatrabaho. Kahit matandang-matanda na ay nakikiusap pa:”Huwag po ninyo akong aalisan ng karapatan>” Ganyan ang marami nating maytungkulin. Sapagkat mahal nila ang Diyos. Mahal din nila ang kanilang tungkulin. At mahal nila ang kanilang kapatid.
Pagka mahal natin ang ating kapatid ay hindi tayo itutulak ng masamang ugali. Hindi tayo itutulak sa hindi wastong paraan ng pakikitungo, hindi tayo paghaharian ng poot, hindi tayo gagawa ng pagkakampi-kampi, o ng pagkakabaha-bahagi dahil mahal natin ang ating kapatid at mahal natin ang Iglesia.
Natatandaan ba ninyo ang alitan sa pagitan ng sambahayan ni Abraham at ni Lot? Si Lot ay pamangkin ni Abraham. Si Abraham ang pangulo, kumbaga sa angkan. Siya ang may tipan. Siya ang may karapatan sa lahat. Ano ang pinag-awayan ng mga kasamahan nila? Ang kanilang mga tinatangkilik: ang lupang kanilang dapat na gamitin.
Kung natatandaan ninyo ang kasaysayan, alam ninyo ang sinabi ni Abraham; “ Hindi dapat mangyari sa atin iyan sapagkat tayo’y magkapatid.” Noon ang tawag sa magkakamag-anak ay magkakapatid, hindi lamang sa laman, kundi maging sa bayan ng Diyos. Tayo ay magkakapatid. Bakit tayo mag-aagawan, bakit tayo mag-aaway, bakit tayo magkakabaha-bahagi? Ang ginawa ni Abraham ay siya na ang nagparaya. Isipin ninyo, siya ang higit na may karapatan, ngunit ang sabi niya:” Ikaw na ang mamili kung ano ang gusto mo. Ang matira ay sa akin. Huwag na lamang tayong mag-away.” Ganyan nagsasakripisyo ang taong nagmamahal. Ngunit hindi nalugi si Abraham. Si Lot ang nalugi sapagkat sinupok ang lahat ng kaniyang tinatangkilik kasama ng Sodoma at Gomorrah. At si Abraham ay higit namang pinagpala ng Diyos.
Kaya hindi lugi ang nagpapakalugi. Lalong nakikinabang ang nagsasakripisyo kung ang nagtulak ay pag-ibig at pagmamahal. Iyan ang ibangon natin sa Iglesia. Magmahalan tayo at magmalasakitan. Huwag tayong magsisiraan at huwag tayong maghihilahan.
Mga dapat isaalang-alang ng sinumang mag-uulat sa Central
Ang sabi ng iba: “Ang hirap dito sa aming lokal. Pagka nag-ulat ka sa Central ay markado ka na. Masamang tao ka. Ulatero ka. Ulatera ka.”
Hindi masamang mag-ulat sa Central. May karapatan ang mga kapatid na sumulat at magsabi ng kanilang mga obserbasyon at mga puna, Ngunit dapat na ilagay sa lugar ang pag-uulat.
Bakit ka tatakbo agad sa Central, wala bang nangangasiwa sa lokal? Wala bang nangangasiwa sa distrito? “ Sila po mismo ang iuulat ko,eh.” Kinausap mo na ba sila at pinagpayuhan? Ipinakita mo ba ang iyong pagmamalasakit? “ Hindi ho at ni hindi ko ilalagda ang pangalan ko” Pagka ganyan, tama man ang sinasabi ng kapatid ay kwestionable rin siya dahil baka ang nag-uudyok sa kaniya ay hindi pag-ibig.
Tandaan ninyo: huwag ninyong pigilan ang gustong sumulat dito sa Central. At hindi totoo na dito ay hinaharang ang mga sulat para sa akin. Ipinagtatapat ko sa inyo na lahat ng sulat na naka-address sa akin ay ako ang bumabasa. Mula sa mailman ng Central, diretso sa aking tanggapan. Hindi totoong nagdaraan kay ganito o kay ganoon ang sulat at susuriin, i-screen-in: “Teka, huwag nating paratingin ito.” Walang ganito sa ating Tanggapang Pangkalahatan. Dito ay walang paboritismo at walang kinikilingan. Sinisikap namin na maging matuwid ang paghatol. Walang pinipili, mahirap man o mayaman, kung dapat asikasuhin at intindihin. Kaya burahin natin ang maling paniniwala na sa Central ay mayroong kinikilingan. Hindi ako papayag na mangyari iyon. Hindi papayag ang Diyos. Kapag may umuusbong na gayon ay agad na pinuputol kung hindi siya mapagpayuhan.
Kaya malaya kayong mag-ulat. Ngunit ito ang sasabihin ko sa mga gustong mag-ulat: ibigin ninyo ang iuulat ninyo sapagkat hindi ninyo sila kaaway. Kung ang kaya lamang nating alagaan ay ang mga walang sakit, ay hindi tayo kailangan. Ang sabi ni Cristo noong Siya’y pinupuna dahil sa Siya’y nakikisalamuha sa mga makasalanan ay, “Ang doktor ay kailangan ng maysakit; iyong walang sakit ay hindi kailangan ang doktor.”
Ang ibig kong tukuyin ay kung nakikitungo tayo sa kapatid na sa palagay natin ay matuwid, iyong gumagawa ng mali ay pakitunguhan din natin. Mas magaling kung iyon ang naituwid natin, kahit na simpleng kapatid ka lang, at lalo na kung maytungkulin, lalo na kung ministro ka pa. Payuhan natin siya. Kung ayaw niyang makinig ay ipanalangin natin siya sa Diyos. Kung ang kaniyang ginagawa ay nakasisira na sa Iglesia ay puwede ka nang mag-ulat.
Hindi ba red tape iyan? Hindi, sapagka’t ang red tape ay mga bagay-bagay para pinsalain at I-delay at huwag mangyari ang mga bagay. Iyan ang nangyayari sa gobyerno. Sa Iglesia, magdadaan ka sa baitang-baitang ng awtoridad. Kaya mahalaga na maunawaan ng lahat ang pagkakasunod-sunod ng awtoridad.
Sa gayon, ang mga tagapangasiwa ng distrito ay hindi naman lalabas na parang walang kaalam-alam. Bigla na lamang darating sa kanila ang tawag-pansin ng Central. Dapat ay nalalaman din nila ang iniuulat dito ng mga kapatid. Kaya nga sila inilagay doon ay upang makatulong sa pangangasiwa. Ang sabi ni Jetro kay Moises, “Iyong mabigat ay sa iyo. Iyong iba, maglagay ka ng puno sa lilimampuin, dadaanin, lilibuhin.” Ang Diyos ang may patakaran nito.
Kaya ko ipinagdidiinan ito ay sapagkat ayaw kong mawala sa atin ang pinakadakilang utos. Hindi tayo maliligtas pagka wala sa atin ang pag-ibig – ang pag-ibig sa Diyos, higit sa lahat, at ang pag-ibig sa ating kapatid at saka sa ating kapuwa.
Papaano ba ipinakikilala ang ugali at aksiyon ng pag-ibig? Ganito ang sabi ni Apostol Pablo sa I Corinto 13:4 -7 (MB):
Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi nananaghili, nagmamapuri, o nagmamataas, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim sa kapuwa. Hindi nito ikinatutuwa ang gawang masama, nguni’t ikinagagalak ang katotohanan. Ang pag-ibig ay mapagbata, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.
Basahin ninyong paulit-ulit iyan sapagkat ito ang dapat na maging gabay ng ating pag-uugali. Ito ang pagsikapan nating gawin at taglayin sa ating pakikipag-ugnayan sa iba.
Maging mahinahon kahit sa sumasalungat
Hindi dapat na madaling magdamdam ang tunay na lider. Kapag siya’y masyadong manipis, maramdamin, at sensitibo ay madali siyang magalit at pagka may bumabangong suliranin ay madali siyang mainis. Pagka hindi tayo approachable o hindi tayo malapitan ay paano tayo makapagsisilbi? Sasabihin ng iba: “Huwag kang pumunta ro’n, sisigawan ka lang. Ikaw pa ang pagagalitan.” Kaya pagka may problema ang kapatid ay hindi malaman kung saan tatakbo. Oo nga nariyan ang Panginoong Diyos, ngunit bakit pa naglagay ang Diyos ng mga tao? Kaya, hindi ko naman sinasabi sa inyo na mambola kayo, na magsalita kayo ng mga bagay na hindi naman siyang nasa loob ninyo, at hindi naman totoo. Ilagay natin sa lugar. Alalahanin ninyo ang sabi ng Biblia: ang pag-ibig ay matiyaga, magandang loob, hindi nananaghili, hindi nagmamapuri, hindi nagmamataas, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, mapagbata, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga.
Ang sabi roon ay huwag magalit. Palagay ko ay wala naman yatang tao na hindi marunong magalit. May natatandaan ba kayong mga lider na nagalit din? May natatandaan ba kayong lider na sa laki ng galit ay pati ang dalawang tapyas na bato ay ibinalibag at nagkadurog-durog? Baka sabihin ng iba, “Ano siyang klaseng lider? Alam niyang ang Diyos ang sumulat ng sampung utos sa dalawang tapyas na bato ay bakit niya ito ibinalibag?” Ngunit may dahilan para siya ay magalit. Gumawa ang bayan ng kalapastanganan sa Diyos, hindi sa kanya. Sumamba ang bayan sa ginawa ni Aaron na guyang binubo. Kaya ang ginawa ni Moises ay dinurog ang guyang ginto, inihalo sa tubig at ipinainom sa bayan. Nagagalit din ang lider. Nagalit din si Moises nang labanan siya nina Core. Ang sabi niya sa kanila, “Hindi kayo sa akin lumalaban.” Ang sabi niya sa Diyos, “Kailangang parusahan Mo ang mga ito.”
Ang ating Panginoong Jesucristo man ay nagalit din nang lapastanganin ang bahay ng Ama. Hindi ko sinasabing kopyahin ninyo ito. Para kay Cristo ay napakasagrado ng sambahan, napakasagrado ng templo. May karapatan Siyang magalit sapagkat Siya’y awtoridad.
Kaya ang pagkagalit ay ilagay din natin sa lugar. Sapagkat kung walang bigong kilos na hindi ka galit ay abnormal ka. Ni hindi ka puwedeng tawaging tao at lalong hindi ka puwedeng tawaging tao ng Diyos o lider ng Diyos. Siguro ay ipinasok ka para sirain ang kaayusan ng pamamalakad sa loob ng Iglesia.
Kung ang pinakikitunguhan natin ay ayaw sumunod at sa halip ay salungat ng salungat, ibig bang sabihin ay puwede na natin silang pakitunguhan nang hindi na gagamitan ng pag-ibig?
Paano natin pakikitunguhan ang sumasalungat na magagamit pa rin ang pag-ibig? Ganito ang itinuro ni Apostol Pablo sa II Timoteo 2:23-26 (MB):
Iwasan mo ang walang kabuluhang pakikipagtalo sapagkat ito’y hahantong lamang sa awayan. Hindi dapat makipag-away ang lingkod ng Diyos; sa halip, dapat siyang maging mabuti sa pakikitungo sa lahat, mahusay at matiyaganag guro. Mahinahon niyang ituwid ang mga sumasalungat sa kaniya, baka sakaling sa ganitong paraa’y bigyan sila ng Diyos ng pagpapakataong magsisi’t tumalikod sa kanilang mga kasalanan, at malaman ang katotohanan. Kung magkagayon, magliliwanag ang kanilang isip at sila’y makawawala sa bitag ng diyablong bumihag sa kanila.
Nagturo si Apotol Pablo ng wastong paraan ng pakikitungo sa mga nasasakupang ayaw sumunod at sa halip ay sumasalungat. Ang turo niya’y, “Hindi ka dapat makipag-away.” May alam ako na dalawang nag-aaway na inayos, nang ayusin ay tatlo na ang nag-aaway – kasama na iyong nag-ayos, sapagkat hindi marunong mag-ayos.
Ang sabi ni Apostol Pablo ay hindi dapat makipag-away ang lingkod ng Diyos. Sa halip ay maging mabuti siya sa pakikitungo sa lahat, mahusay, matiyaga, at mahinahong ituwid ang mga sumasalungat na ang intensiyon ay mapagbago sila.
Sabihin na nating dumating kayo sa isang puntong kahit na anong gawin ninyong pagpapaliwanag ay talagang ayaw tanggapin. Mag-aalsa na ba kayo ng boses at magsisisigaw? Kapag ginawa ninyo iyon ay sira na ang inyong dispusisyon. Natalo na kayo ng sitwasyon.
Ang dapat ay mahinahon pa rin kayo. Sabihin ninyo sa kanila: “Iyan po ang ating doktrina. Ang Biblia po ang may turo na bawal ang diborsyo” (o kaya’y ang homoseksuwalidad, at mga katulad noon.) “ Bawal po ang paglalasing, bawal po ang hindi nagbabagong-buhay. Nasa sa inyo po iyan. Pagka kayo ay sumunod ay madadala po kayo sa kaligtasan. Pagka hindi kayo sumunod ay kayo na ang namimili ng inyong kapahamakan.”
Kung hindi pa rin siya naniniwala ay sabihin ninyo: “Malaya po kayong sumulat sa Central. Itanong ninyo ito doon kung gusto ninyo.” Sa gayon ay payapa kayong maghihiwalay, Ngunit kung sa inis mo ay nagtungayaw ka na at nagbarumbado ka ay dumami ang gulo, dumami ang gusot.
Kaya kapag may bumabangong mabibigat na problema sa lokal na hindi malutas nang maayos, dapat ay magawa nating magpaliwanag ng nararapat. Kailangan ay may kaloob kayo sa pagpapaliwanag at paghikayat. Huwag ninyong itulak na, “Iyan ang sabi ng Central. Iyan ang sabi ng Central. Huwag ninyong pabibigatin ang loob ng kapatid sa Central. Ang sabihin ninyo’y, “Iyan po ang nakasulat sa Biblia. Ito po ang aral. Babasahin ko sa inyo.” Sa gayon ay hindi kayo hahantong sa pagtatalo at pag-aalitan.
Tandaan ninyo: ang pinakamalaking hamon sa inyong kakayahan ay ang harapin na may wastong espiritu ang problema o ang isang taong nasa paglabag. Ang iba’y takot harapin ang ganyan. Ang iba naman ay talagang likas na matapang ngunit masakit magsalita. Subalit kung matututuhan natin ang wastong paraan ay matatanggap tayo bilang lider, mataas na ang rating o antas natin bilang lider. Sapagkat kaya mo, hindi lamang ang payapang sitwasyon, kundi maging ang masalimuot at may alitang sitwasyon. Kung ito ay kaya mong malusutan ay lider ka na. Kung hindi ay hindi ka karapatdapat sa pwestong iyan sapagkat hindi maaaring hindi ka makasagupa ng problema. Kaya ang sabi ni Apostol Pablo ay kailangan ang kahinahunan at kaamuan. Dapat na manatili ang espiritung ito sa buong panahon Ang ating layunin ay mapanumbalik ang tao, madala sa tamang ugali, at maihatid natin sa Diyos.
Maging magiting sa pagsugpo ng kamalian
Suriin natin ang kabilang extreme, ang kabilang dulo. Tandaan natin ang isang extreme: ito ay sobra kung magalit at hindi marunong makitungo sa mga kapatid. Ang isa pang extreme ay ang nagsasabi na, “Para wala ngang problema ay di tumahimik na lamang at huwag na lamang akong kumibo upang huwag masangkot sa gulo. Baka magdamdam ang kapatid at baka kung sawayin ko ay ako pa ang iulat niya.” O kaya naman ay iisipin ng iba: “Magluluwag na lamang ako. Wala ng disi-disiplina. Kukunsitihin ko na lamang ang gumagawa ng mali.”
Tama ba ang mga isipang iyan? Iyan ba ang sinasabi ng Biblia? Ano ba ang dapat nating gawin kapag mayroong nasa kamalian? Ganito ang pahayag ng propeta ng Diyos sa Mikas 3:8 :
Subalit ako’y puspos ng kapangyarihan sapagkat nasa akin ang espiritu ni Yahweh; makatarungaan at buong tapang kong isinisigaw ang mga pagkukulang ng sambahayan ni Jacob at ang mga kasalanan ng Israel.
Ang lider na kinakasihan ng espiritu ng Diyos ay puspos ng kapangyarihan ng Panginoong Diyos. Ang sabi ni Mikas,” Makatarungan ngunit buong tapang na isinisigaw ko ang pagkukulang ng sambahayan ni Jacob at ang mga kasalanan ni Israel.”
Samakatuwid, ang ministro, ang maytungkulin, at ang lider sa Iglesia ay dapat manindigan sa panig ng doktrina at ng Diyos. Kapag nilalapastangan ang Panginoong Diyos o ang mga aral ng Diyos, siya ang tatayo. Kapag sinagasaan ang mga tuntunin, siya ang maninindigan upang sugpuin ang mga bumabangong katiwalian at nang huwag lumala. Tatayo siya upang sugpuin ang mga ayaw magbagong-buhay, ngunit sa mahinahong paraan.
Alam naman natin ang doktrina at alam natin ang tama. Masasabi naman natin sa kapatid na:”Hindi po maaari ang gusto ninyong iyan. Gusto ninyong mabalik sa pagka-pangulong diakono ngunit nagkaroon ng problema ang inyong pamilya. Hindi lamang po ang tuntunin ang malalabag kapag kayo’y ibinalik. Doktrina po ng Biblia na ang hindi marunong mamahala sa kaniyang sariling sambahayan ay hindi dapat mamahala sa Iglesia ng Diyos”
Ngunit ang ginagawa ng iba upang sila ay makaiwas ay sinasabi sa kapatid: “Itanong ninyo sa Central.” Kaya dito lahat sa Tanggapang Pangkalahatan ang bunton. Hindi ko sinasabi sa inyo iyan dahil nahihirapan na kami rito sa Central. Oo, nahihirapan kami, ngunit hindi kami dumadaing. Ngunit ang sinasabi ko ay ito: Ang ganitong uri ng ministro ay walang katuturan. Sayang ang pagkakalagay sa kaniya. Naaksaya ang panahong ibinigay sa kaniya ng Diyos at ng Pamamahala. Kayang-kaya naman niyang ipaliwanag ay ipinapasa pa sa iba upang mailigtas ang sarili sa pananagutan. Tamang sabihin sa kapatid na, “Sumulat ka sa Central” kung talagang ayaw niyang tanggapin ang katuwiran kahit napagpaliwanagan na. Ngunit kung hindi pa tayo nakapagpapaliwanag ay huwag nating sasabihin iyon.
Ang pag-uulat ba ay karapatan ng isang kapatid? Kung may nalalaman ang isang kapatid na gumagawa ng katiwalian o kamalian sa lokal at siya’y hindi na kikibo, pababayaan na niya, at magpipikit na lamang siya ng mata sa takot na siya’y mamarkahang “taga-ulat”, wala ba siyang dapat panagutan? Sa Levitico 5:1(TLB) ay ganito ang sinasabi:
Sinomang tumatangging magbigay patotoo ukol sa kaniyang nalalaman sa isang krimen o kamalian ay nagkakasala
Kahit hindi ikaw mismo ang gumawa ng krimen o ng kamalian ngunit kung ito ay nasaksihan mo, subalit hindi ka kumibo, at ng tinanong ka ay ayaw mong magbigay ng patotoo, ayon sa Biblia, ikaw ay nagkakasala.
HINDI KASALANAN ANG PAG-UULAT. Ang kasalanan ay kung ito ay gagawing may maling motibo, kung ang layon ay magbagsak. O kaya’y nag-ulat siya kaagad kahit hindi pa niya napagpapayuhan ang kaniyang iniuulat o wala pa siyang aksiyong ginawa – iyon ang mali. Kaya huwag nating pigilin ang mga taong gustong magpahayag ng kanilang damdamin. Ang sabi ng Biblia ay kasalanan ng tao kapag nakasaksi siya ng isang kamalian o isang krimen ngunit ayaw niyang magpatotoo.
Huwag gamitin ang tribuna sa panunuligsa
Kung natatandaan ninyo, ang sabi ni Mikas ay isinisigaw niya ng buong tapang ang mga pagkukulang at mga kasalanan ng bayan. Baka ang maging interpretasyon doon ng iba’y, “Aatakihin ko sa pagsamba. ” Mahigpit kong itinatagubilin sa mga ministro na huwag ninyong gagamitin ang tribuna o ang pulong ng mga maytungkulin upang atakihin ang gusto ninyong atakihin.
-Antonio Ebangelista
“They tried to bury us…they didn’t know we were seeds”
Official Website: http://www.iglesianicristosilentnomore.org
Instagram: @antonioebangelista
Twitter: @AEbangelista1
Email: [email protected]
#iglesianicristo #inc100 #inccentennial #centennial #inc4life #incootd #incfashion #incmedianews #inctv #net25 #incmedia #increview #fymfoundation #mycountrymenmybrethren #kabayankokapatidko #incselfiechallenge #incwikileaks #sanggunian #radelcortez #gerrypurification #junsantos #gliceriosantosjr #rodelcabrera #biensantiago #erdzcodera #ernestosuratos #mattpareja #antonioebangelista #silentnomore #iglesianicristosilentnomore #incsilentnomore #incdefenders
“Unlike you, I don’t have power or money, but what I do have is a very particular set of skills, skills I have acquired over a very long career. Skills that make me a nightmare for people like you. If you tell the truth now, that’ll be the end of it. I will not look for you, I will not pursue you. But if you don’t, I will look for you, I will find you, and I will expose you.” - AE
You must log in to post a comment.