Isang magandang araw po Ka. AE!
Sa totoo lang po ay hindi ko alam kung paano sisimulan ang pagsasalaysay sa inyo ng nilalaman ng aking isipan. Subalit, paunlakan n’yo po sana ang isang kaanib ng Iglesia Ni Cristo na labis ang pagmamahal rito.
Maaari po bang manatiling lihim ang aking personal na impormasyon? Tulad po ng marami, nais ko din po sanang maingatan ang aking karapatan bilang isang Iglesia Ni Cristo. Hayaan n’yo po sanang magpakilala ako bago paman ang lahat.
Handog po ako sa Iglesia at mula pa pagkabata ay nahubog na ako sa paglilingkod sa ating Panginoong Diyos. Masasabi kong labis po ang aking pananampalataya. Mula pa pagkabata, ako’y mang-aawit. Hindi ko po ito pinabayaan, kaya naman nanatili ako sa tungkuling ito at kalaunan ay tinawag ng Diyos sa pagiging isang Guro sa Pagsamba ng Kabataan. Pinangako ko na po sa Ama na pagtatapatan ko ito hanggang sa aking kamatayan o hanggang wakas man.
Bilang isang mananampalataya, batid ko ang kahalagahan ng paghahandog lalo na’t ito’y nakapagbibigay lugod sa ating Ama. Kahit na nga po napakahirap ng aming kalagayan, pinagsusumakipan ko pa ring makapag simpan makatugon lamang sa tungkuling ito. Kamakailan lang nang itinagubilin ang TANGING HANDUGAN NA NAUUKOL SA SELEBRASYON NG PAGTATAPOS NG SENTENARYO, UKOL po sa UNITY GAMES, ay buong lugod at sabik po akong nag-isip kung paano matutugunan ang kilusang ito. Inihanda ko ang aking sarili sa isipang ang paghahandog ay UKOL SA IKA-LULUGOD NG DIYOS. Subalit, bigla po akong kinabahan nang sinabi ng aming destinado, NA PINAPAYAGAN NA NG PAMAMAHALA NA MAGBIGAY NG SOBRE MISMO SA MGA KAPATID. Anupa’t salungat po ito sa aking nalalamang doktrina ng Iglesia. Naisip kong marahil malaki talaga ang kakailanganing gugugulin ng Iglesia pagdating ng araw ng selebrasyon. Gayonpaman, nang sumapit na ang mismong itinakdang araw para mag handugan ay masaya at buong puso po akong naghandog dahil nga po ito ay para sa ika-luluwalahati ng AMA at hindi para sa sinomang mga TAO.
Lumipas ang maraming araw ay nawala na po sa isapan ko ang ganoong di pangkaraniwan o kaduda-duang pagbabago sa tuntunin ng Iglesia. Hanggang isang gabi ay may ibinahagi sa aking impormasyon ang isang kapatid ukol nga po sa inyo, AE. Nalaman niya po iyon mismo sa kanyang asawa– anak po ng isang Ministro. AE nabigla po ako. Halos manginig ang aking buong katawan sa aking nalaman. Kahit hindi ko pa nga po nabasa noon ang inyong mga artikulo ay may kung anong bagay ang kumukumbinsi sa akin na may katotohanan ang mga iyon. Bunga na nga po marahil ng nauna ko nang pagdududa. Hindi na po ako napakali sa kasabikang mabasa o makita ang inyong mga ibinubunyag. Subalit matagal-tagal pa bago ko nakita at nabasa ang mga katotohanang inyong isiniwalat. Hanggang usap-usapan na lamang po kami ng kapatid na nagbahagi sa akin hinggil sa inyo.
Isang gabi, lumpait po ako sa isang kapatid. Siya po ang aming pangulong Pangulong Diakono. Naisip kong magtanong sa kan’ya dahil sa tingin ko’y matatag niyang matatanggap ang aking sasabihin kung sa kali mang wala siyang alam. Subalit, salungat po ang naganap. Matagal na rin po pala niyang alam ang nangyayaring katiwalian sa Iglesia lalo na po sa himpilan ng CONSTRUCTION. Nagkataon po kasing FOREMAN siya at marami din po siyang kakilala na naglilingkod sa loob ng CENTRAL. Nakalulungkot isipin, subalit minabuti nalamang niyang manahimik para na rin sa kapakanan ng pagkakaisa ng Iglesia. Dahil marami pa rin sa kapatid ang mahina ang pananampalataya.
Dahil dito, mas lalo pa pong umigting ang aking pagnanasa na mabasa ang inyong mga artikulo at hindi po ako nabigo. Namulat ang aking isipan sa napakaraming bagay na matagal na inilihim ng SANGUNIAN sa kabuuan ng Iglesia. Kamakailan nga lang po ng nagkaroon kami ng Tanging pagtitipon na pinangunahan mismo ng isa sa mga taong inyong ibinunyag. Hayagan niya pong isinalaysay na, “Kung doble na ang ating pagsisikap ay ganoon din ang Diyablo. High-tech na kumbaga. Gumagamit na rin ng Social Media para sirain ang Iglesia.” Doon po ako naalarama. Nasabi ko sa isip ko habang nakatitig sa kaniya, “ ITO NGA ANG TUNAY NA PAKAY NILA” –ang bilugin ang utak ng mga kapatid upang maniwala at sumipatya sa kanila. Ang hindi nila alam, mas lalo lang nilang tinutulak ang mga kapatid na nakaaalam sa kanilang katiwalian na magkaisa at makiusap sa Ama na tulungang mailagay ang Iglesia sa patas na hustisya. Sino ba naman ang makukumbinsi sa pagtetekstong hindi ginagabayan ng Ama. Opo, tama po! Noong sila ay nagteteksto na, iba ang leksyong nasa kanya sa leksyon namang nasa tagabasa. Lagi po silang nagkakamali. Naawa na laman ako sa mga kapatid na walang kamuwang-muwang sa nagaganap. Kapag nagtatanong siya nang, “Maipapangako n’yo ba ngayon sa ating Ama na kayo ay lubos na makikipagkaisa sa PAMAMAHALA?” sasagot ang mga kapatid na, “OPO”.
Hindi po sa hindi ako nakikipagkaisa sa PAMAMAHALA. Ang totoo’y handa po akong gawin ang lahat makasabay lamang sa kinikilos ng Iglesia dahil alam kong nakatutok palagi ang Ama sa mga anak Niyang labis na nagtitiwala sa Kaniya. Naniniwala pa rin akong kalooban ng Ama ang lahat ng nangyayari at may nakalaang kagantihan anomang aking ginagawa at maging sa kanila..
Ngayon nga po ay may tanging handugan na naman, ukol po ito sa T-shirt na ibibigay para sa gaganaping pamamahayag ngayong Septyembre 26. Nakakapag pabaga-bagabag na namang isipin na kailangang abutin ng kapatid ang presyo ng bawat T-shirt. Hindi naman po ako tisod sa ganyan. Ang sa akin lang po ay bakit nauuso po ang pag-uubliga sa mga kapatid na kumuha ng ganoon bagay na maari naman sanang wala. At tag 200 piso pa talaga bawat isa. Eh, kung sana’y ilagak nalang ang salapi para sa ibang paggagamitan ng Iglesia. Iyong nakalulugod talaga sa Ama. Gayonpaman, handa pa rin po akong maki pagkaisa dahil wala naman akong magagawa.
Naisin ko man pong sabihin ito sa maraming mga kapatid, ay iniingatan ko din naman ang kanilang pananampalataya. Kaya naman wala po akong ibang naiisip na pinaka mabuting paraan ay ipanata ang kasalukuyang nangyayaring unos sa Iglesia. Ang Diyos ay hustisya, at ilalagay Niya sa ayos ang lahat.
Kaya nga po ako saludo sa inyo. Maihahalintulad ko pa kayo sa ating Pambansang Bayani, si Dr. Jose Rizal. Tulad n’yo, galit din po siya sa mga tiwali at mapang-abusong tao. Minsan din siyang naging loyal sa kaniyang relihiyon subalit hindi siya natakot na isiwalat ang katiwalian ng mga mapang-abusong PARI para sa kapakanan ng minamahal niyang bayan, ang PILIPINAS. Minsan po siyang sumulat para sa kaniyang minamahal na bayan:
To My Country:
In the catalogue of human ills there is to be found a cancer so malignant that the least touch inflames it and causes agonizing pains; afflicted with such a cancer, a soocial cancer, and has your dear image appeared to me, when, for my own heart’s ease or to compare you with others, I have sought, in the centres of modern civilization, to call you to mind.
Now, disirous of your welfare, which is also ours, and seeking the best cure for your ills, I shall do with you what was done in ages past with the sick, who were exposed on the steps of the temple s that the worshippers, having invoked the god, should propose a remedy.
To this end, I shall endeavor to show your condition, faithfuly and ruhtlessly. I shall lift a corner of the veil which shrouds the disease, sacrificing to the truth everything, even self-love for, as your son, your defects and weakness are also mine.” – JOSE RIZAL
Nakakalungkot isipin na halos magkalapit ang nangyayari ngayon sa nangyari noon. Totoo nga namang napakasama ng salapi. Ginagawa niyang sakim ang tao. Kung noon ay malaya nilang nagagawa ang magpakalunod sa kayamanan ng Iglesia, ngayon na po ang panahon para umahon sila. Dahil, matagal na silang binigyan ng pagkakataon ng Diyos na magbago ngunit patuloy sila sa pang-aabuso. Akala nila’y pababayaan lamang ng Diyos ang kanilang ginawaga dahil nga sila ay nasa MINISTERYO! Hindi! Kung ang mga karaniwang kapatid ay nililinis, mas lalo SILA! Ngayon na nga po ang panahon, AE! Nililinis na ng Ama ang Iglesia. Malapit na po ang Araw ng Paghuhukom.
Tulungan nawa kayo ng AMA.
– Kapatid na Y.N.
====================================================
Kapatid na Y.N.,
Salamat po Kapatid sa inyong liham. Nauunawaan ko po ang inyong damdamin ukol sa mga bagay na inyong naoobserbahan. Ang totoo naman po talaga, kaya lubhang napakarami ang mga sumusubaybay sa aking mga blogs at naniniwala sa akin, ay hindi naman dahil sa kilala nila ako o naniniwala sila sa pagkatao ko, kundi dahil sa sila, kayo, ang mismong nakakakita, nakapapansin, nakararamdam at nakararanas ng mga kakaibang pagbabago at mga pangyayari sa Iglesia ngayon. Ang mga bagay na aking isinisiwalat ukol sa mga katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan at pagbabago sa pananalapi sa Iglesia at marami pang iba ay nakapagbigay sa maraming kapatid ng kabatiran na “hindi lang pala kami ang nakakapuna nyan”, “hindi lang pala ako ang nakapapansin nito”, “hindi lang pala ako ang nag-iisip nyan”, kundi marami na rin palang mga kapatid ang may ganyang napupunang hindi na talaga tama sa Iglesia. Bakit hindi tama? Dahil ba sa hindi lang ito ang kinagisnan natin o kaya ay hindi ayon sa kagustuhan natin? Hindi po, hindi na ito tama dahil sa lumilihis na ito sa aral ng Biblia na itinuro pa ng Sugo na mga naunang Namahala sa Iglesia. Kung hindi naman talaga matibay ang ating pananampalataya at panghahawak sa katotohanang itinuro sa atin ng tayong dinudoktrinahan, idagdag pa ang mga aral na ating naririnig tuwing tayo ay sumasamba at maging ang mga leksyon na itinuturo sa atin ng bago tayo tumanggap ng Tungkulin sa Iglesia, ang lahat ng ito ang nagpatibay sa ating paninindigan BATAY SA MGA ARAL NG DIYOS NA NAKASULAT SA BIBLIA. At kailan man ay mayroong sinoman na magtuturo ng aral, bagay o pamamaraan na lihis na sa aral na ating tinanggap, natural lang na nakararamdam tayo na parang hindi na yata tama ito, subalit dahil sa atin ding pananamapalataya ay mas pinili na lamang natin na manahimik, huwag pansinin o intindihin dahil alam naman natin na tayo ay nasa tunay na Iglesia. Subalit dahil sa hindi rin tayo mapatahimik ng ating budhi lalo nga at alam ng puso at isip natin na may kamaliang nagaganap, naghahanap tayo ng kasagutan sa ating mga katanungan. Subalit papaano tayo mapapanatag, kung sa bawat katanungan natin ay manganganib naman ang ating pagka-Iglesia Ni Cristo dahil sa banta na tayo ay mataguriang KALABAN NG TAGAPAMAHALANG PANGKALAHATAN. Ito ngayon ang pinakamalakas na Sandata ng mga gumagawa ng katampalasanan, ang ipanakot sa Kapatid na kapag hindi tayo matututong manahimik ay ITITIWALAG tayo ng dahil sa di-umano’y paglaban sa Pamamahala, samantalang ang totoo ay nagtatanong lang naman tayo sa layunin na malaman ang katotohanan.
Maging kaming mga Ministro ay wala ring magawa dahil ang pagtatanong o paglilinaw sa mga pagbabago sa tuntunin at pamamaraan sa Ministeryo at sa Iglesia ay pinangangambahan dahil sa ito ay nangangahulugan na kinukwestyon namin ang pasya ng Tagapamahalang Pangkalahatan. Kaya dahil sa puro katanungan ang nasa ating mga isipan at wala namang makukuhanan ng kasagutan, napipilitan na lamang kaming manahimik. Maraming mga Auditor at Ingat-Yaman ng Distrito ang pinagtatanong namin nung biglang ipinahayag ang pasya na dadalhin na ng mga katiwala ang sobre sa mismong bahay ng mga sakop na kanilang dadalawin at doon ay ibibigay na sa kanila, mali pala, ipapakita lamang sa kanila ang mga sobre AT HIHINTAYIN NA HINGIN NG KAPATID ANG SOBRE para daw wag nilang sabihin na pinipilit sila. maraming mga Ministro ang nagtaka at umalma sa bilin na ito dahil sa napakahabang panahon ay naingatan ang kasagraduhan ng Pananalapi sa Iglesia dahil sa mahigpit na mga tuntunin na umiiral dito, at ng simula ng binabago ang mga tuntunin ay hindi maiwasang maalarma una na kaming mga Ministro na nagpapatupad nito, maging ang mga Auditor at Ingat-Yaman ng Distrito ay halatang hindi sangayon sa mga pagbabagong ito kaya ang tanging isinasagot nila sa amin ay “YAN ANG TAGUBILIN MULA KAY KA JUN SANTOS, ITO NGA ANG SULAT O, NAKALAGDA ANG KA JUN, KAYA SUMUNOD NA LANG TAYO AT MANAHIMIK”. Tatanungin ng mga Ministro, bakit mayat-maya na lamang ay puro na lang sa Philippine Arena ang mga Pulong, Aktibidad, Pamamahayag, hindi ba nila alam ang laki ng gastos na gagatusin para lamang pumunta dun, pamasahe, baong pagkain, ticket at marami pang iba, na sana ay ihahandog na lamang sa Tanging Handugan. Ang isasagot: Bilin yan ng Ka Jun. Itatanong ng mga Ministro, bakit ba ibinabagsak nyo na lamang sa amin ang mga tickets sa Philippine Arena, mga memorabilia, mga kalendaryong wala namang gustong bumili dahil lipas na ang petsa, mga T-Shirt nung World Wide Walk for Yolanda na ang ninipis naman at lipas na, mga produkto ng UNLAD na wala namang umoorder pero itinatambak nyo sa aming Lokal, mga Centennial Memorabilia at Coffee Table Book na hindi naman inoorder ng mga Kapatid at kapag hindi namin sila napilit na umorder ay kaming mga Ministro ang pagagalitan? Ang isasagot: Galing yang bilin na yan sa Tanggapan ng Ka Jun. Sasabihin ng Tagapangasiwa ng Distrito, wala naman kaming kahilingan na magkaroon ng Lingap Pamamahayag sa aming Distrito, bakit nyo kami pinadadalhan ng truck truck ng mga plastic bags para sa goodie bags, wala na pong pondo ang Distrito namin dahil sa dami ng ikinakaltas sa amin, nabibigatan na po ang mga kapatid na magdonasyon ng mga sardinas, noodles at bigas dahil karamihan po sa mga kapatid ay mahihirap lamang? Ang sagot sa kanila: Bilin po ng Ka Jun Santos po iyan. Ganyan ang naging senaryo sa lahat ng mga Distrito ng nagsimulang ng itagubilin ang mga pagbabago sa Iglesia. AT SUNOD SUNOD NA YAN. PAGBABAGO SA PAGPAPALAGANAP, SA PANGANGALAGA, SA PAGTUPAD NG TUNGKULIN, SA PANGANGASIWA NG PAGSAMBA AT MARAMI PANG IBA.
Maaari po ninyong tanungin yung kaibigan po ninyong Pangulong Diakono kung natatandaan pa po niya noong itinagubilin sa lahat ng mga Ministro at Manggagawa na ibilin sa lahat ng mga Pangulong Diakono na nangunguna sa panalangin sa Handog, na iwasan ng sabihin sa panalangin ang ganito: “Ama, nawa po ay maingatan Ninyo ang aming mga Handog na makarating na mapayapa sa Tanggapan ng Pananalapi…” ipinatagubilin iyon sa lahat ng mga Pangulong Diakono dahil daw sa baka magkaroon pa ng isipan ang mga kapatid na hindi naiingatan ang mga handog at baka nga naman hindi nakakarating sa Tanggapang Pangkalahatan sa Central. Dapat pala ay ibalik na uli ang panalangin na iyon at gawing: “Ama pakiingatan Mo po ang aming mga handog, nawa ay makarating na mapayapa sa Tanggapan ng Pananalapi sa Central at MATIYAK NA ITO AY MAGAMIT NG WASTO AT MAAYOS PARA SA KANIYANG TUNAY NA KAUKULAN PARA SA IGLESIA…”.
Kaya hindi po tayo magtataka kung bakit lalong parami ng parami ang mga sumusubaybay sa mga blog na ito dahil sa wala ng matakbuhan ang mga kapatid, wala silang mahingan ng payo dahil ang lahat ay sasabihing huwag kang magtanong ng ganyan kasi paglaban yan sa Pamamahala. Bakit kaya naging ganito na ang Iglesia na ating nakilala at kinagisnan? Noong ang isang kapatid o inaakay ay dinudoktrinahan, buong tapang naming sasabihin na sige po magtanong lang po kayo ng magatanong at sisikapin po naming masagot ang lahat ng inyong katanungan sa inyong isip, subalit ngayon na kaanib na, aba bawal na ang magtanong at kapag nagtanong, kalimitan ay pagtitiwalag ang kasunod. Hindi naman ito maikaila ng sinoman dahil ang dami ng mga kapatid ang pinagtitiwalag ng Sanggunian ng WALANG TAMANG PROSESO NG PAGTITIWALAG. Kaya kanino magtatanong ang mga kapatid? Alangan namin sa mga hindi nating kapananampalataya, ang hindihintay ng maraming mga kapatid ay ang dati nilang nararamdaman mula sa mga Ministro na tunay na pagmamalasakit, tunay na pangangalaga, mga pagpapayo na ramdam ng kapatid na nais nyang maingatan ang kahalalan ng kapatid at matiyak ang kaniyang kaligtasan, nais ng lahat ng mga kapatid na kapag sila ay sumamba, ang Ministrong mangangasiwa ay HINDI LAMANG TAGABASA NG PREACHERS’ GUIDE, na nilalapatan lamang ng boses ang mga salitang binabasa nila ng letra por letra. Ang itinuro ng Namamahala sa Iglesia, iyan ay GUIDE lamang. Halos wala ng Minsitro o Manggagawa ngayon ang marunong magturo sa pagsamba ng OUTLINE lamang ang gamit, halos lahat ay nakadepende na lamang sa preachers’ guide kaya sa buong panahon ng pagtuturo ay halos nakadukdok lang sa binabasang leksyon, hindi na makatingin sa mga mata ng kaniyang pinangangasiwaan, walang eye-contact, at wala ng maramdaman na sinseridad sa pagtuturo. Mapalad ang mga Lokal na makakasumpong ng Minsitro/Manggagawa na marunong pang mag-teksto ng mula sa puso, malaman, madamdamin at inspirasyonal at hindi paliguy-ligoy lang at mawidwid. Kaya tuloy ang kapatid na sumasamba, sumba na lamang ng anu-pa-baga, masabi lang na sumamba sya at nagtaob ng tarheta, subalit hindi napakain ang kaniyang kaluluwa, hindi sya nakinabang sa pagsama ng espiritu santo, hindi siya pinalakas at hindi sya nabigyan ng inspirasyon.
Nawa ang lahat ng mga Minsitrong nagbabasa nito ngayon, maalala natin ang itinuro sa atin ng tayo ay nag-aaral pa sa pagkaManggagawa, na ang pinasok natin ay ang pinakamahalagang propesyon sa buong mundo, sapagkat dito sa Ministeryo ay nagpapakain tayo ng kaluluwa para sa ikalalakas nila at hindi sa ikahihina nila, at lalong hindi sa ikamamatay ng kanilang pananampalataya. Nag-Minsitro tayo para maging mabuting katuwang ng Pamamahala para pangalagaan ang kawan ng Panginoong Jesucristo saan man sila naroroon, saan mang lupalop, kontinente, bansa, lalawigan, bayan o barangay, kahit sa kasuluk-sulukan o sa mga tawid bundok, tawid ilog, tawid dagat, pangalagaan natin sila, mahalin natin sila, palakasin natin sila. Nalalapit na uli ang headcount, ano ang damdaming nararamdaman natin nung sinabi sa atin na ang mga hindi makakadalo ay aalisin na sa Iglesia? Natuwa ba tayo dahil sa hindi na lamang nating pasasambahin yung mga madalang na talagang sumamba para maalis na sila sa talaan at ng hindi na makapagpataas pa ng porsyento ng hindi sumasamba sa Lokal? Huwag naman po sana, huwag nating kalimutan na kaya tayo naririto ay upang mangalaga, kaya alagaan natin sila. May katigasan ng ulo, ayaw pasaway, pagtyagaan pa rin natin sila, ipagmalasakit natin sila. Ang sabi nga sa Biblia, iwanan mo ang 99 na tupa at balikan at hanapin mo yung iisa na naiwan at nahiwalay. Ganyan kamahal ng Panginoong Diyos at bawat isang kapatid na inilagay nya sa ilalim ng ating pangangalaga, kaya kung ang Ama nga ay nagpapatuloy sa pagmamalasakit sa Kaniyang anak, sino tayo para talikuran ang mga kapatid na nanghihina na kailangan lamang ang ating pagmamalasakit at pagpapalakas, sino tayo para itakwil ang mga nahuhulog sa paggawa ng kasalanan at nangangailangan lamang ng pagsaway at paggabay upang matulungang manindigan sa tama at talikdan ang kasalanan. Huwag po nating gayahin ang iba na ang tingin sa mga kapatid ay NUMERO lamang, PORSYENTO lamang, huwag po, mga kapatid natin sila, may pangalan sila, may purok grupo sila, may mga pangangailangan sila, may karamdaman ang ilan sa kanila, may hinanakit sila na nagiging sanhi ng kanilang pagkatisod, may kalumbayan sila na nangangailangan ng pagaaliw, kaya ano tayo sa buhay nila mga kapamatok ko sa Karapatan? Ano tayo sa kawan na ito? Tayo ba ay mga pastol na pabaya, malulupit, walang malasakit, molestyador at namamahala ng may kamay na bakal? Huwag. Dapat tayong maging matyagain, mapagpahinuhod, hindi magagalitin, hindi mainitin ang ulo, maunawain, mapagmahal sa kapatid, mapagmalasakit, matulungin, masisipag at tapat sa mga salita ng Diyos. Kapag NARAMDAMAN ito ng mga kapatid, magkukusa sila. Magkukusa sa pagbabagong buhay, sa pagtulong sa gawing pagpapalaganap, sa kusang loob na paghahandog, sa pagtulong sa iba’t-ibang mga proyekto sa Iglesia. Bakit? Dahil sa naakit sila ng pag-ibig at pananampalataya, hindi sapilitan, hindi dahil sa tinakot. Sumasampalataya ang mga Kapatid na marami pa at higit na nakararami ang bilang ng mga TUNAY NA MINISTRO kaysa sa mga tiwaling Ministro. Ang mga nagpapabaya at nananamantala sa Iglesia, nawa ay magbago na, bumalikwas, at manumbalik sa tunay na espiritu ng Ministeryong tinanggap natin simula ng tayo ay pumasok sa banal na Minsiteryo, ng tayo ay manumpang Manggagawa at ng mapatungan ng kamay ng tayo ay maordinahan. Sa tulong at awa ng Diyos, at sa pakikipagkaisa ng lahat ng mga Kapatid, maaalis din ang lahat ng dumi, dungis at kapintasan na idinulot ng mga tiwaling kawal ng Diyos at ibabalik Niya ang Iglesia sa dati nitong kalagayan na malinis, walang anumang dungis o kulubot at karapatdapat sa kaligtasan.
Sama-sama po nating idalangin ang lahat ng ito sa Ama upang patnubayan Niya ang ating pinakamamahal na Tagapamahalang Pangkalahatan upang kaniyang linisin ang lahat ng katiwalian sa Iglesia at mapangunahan tayong lahat sa karapat dapat na paglilingkod sa Panginoong Diyos, at pagsunod sa Kaniyang mga utos. Tulungan nawa po tayo ng Ama.
-Antonio Ebangelista
“They tried to bury us…they didn’t know we were seeds”
Official Website: http://www.iglesianicristosilentnomore.org
Instagram: @antonioebangelista
Twitter: @AEbangelista1
Email: [email protected]
#iglesianicristo #inc100 #inccentennial #centennial #inc4life #incootd #incfashion #incmedianews #inctv #net25 #incmedia #increview #fymfoundation #mycountrymenmybrethren #kabayankokapatidko #incselfiechallenge #incwikileaks #sanggunian #radelcortez #gerrypurification #junsantos #gliceriosantosjr #rodelcabrera #biensantiago #erdzcodera #ernestosuratos #mattpareja #antonioebangelista #silentnomore #iglesianicristosilentnomore #incsilentnomore #incdefenders
“Unlike you, I don’t have power or money, but what I do have is a very particular set of skills, skills I have acquired over a very long career. Skills that make me a nightmare for people like you. If you tell the truth now, that’ll be the end of it. I will not look for you, I will not pursue you. But if you don’t, I will look for you, I will find you, and I will expose you.” - AE
Can Tagalog articles be translated please into English?
Sent from my iPad
>