Bago ko po ginawa ang panawagang ito ay mataimtim muna akong nanalangin sa Panginoong Diyos upang humingi ako sa Kaniya ng patnubay. Nanliliit po kasi ang aking pakiramdam sapagkat sino ako para manawagan samantalang ako man ay isang taong nagkukulang at nagkakamali. Ang totoo, may mga pagkakataong iniisip ko na tigilan ko na ang aking ginagawa na pagsusulat lalo pa nga at may mga ministro at mga manggagawa na napapahamak dahil napagbibintangan ng Sanggunian na ako sila. Halos madurog ang aking puso sa awa sa kanila lalo na sa kanilang mga pamilya. Masakit ding isipin na ang akin pong ginagawa ay ipinakakahulugan ng iba na paglaban ko sa Pamamahala at nagsasapanganib hindi lang sa akin kundi maging sa aking asawa at mga anak. Pero, tinatanong ko po ang aking sarili kung tama ba na ipikit ko na lang ang aking mga mata at itikom ang aking bibig sa mga nagaganap na kurapsyon at katiwalian na labis nang nakasisira sa Iglesia? Dapat ba akong pumayag at magsawalang-kibo na lamang habang may mga ministro na nasa kapangyarihan na sa halip na protektahan ang Pamamahala ay sumisira sa imahe nito? Hindi ba’t tulad din ng lahat ng mga ministro ay may sinumpaan akong tungkulin sa Diyos na ipagsasanggalang ko ang Iglesia at ang Pamamahala sukdulang ialay ko ang aking buhay?
Ang isang nag-udyok sa akin sa paglusong ko sa Ministeryo ay ang mataas na pagtingin at paghanga ko sa mga nauna sa akin sa ministeryo lalo na ang mga matatanda na ngayon. Nakita ko sa kanila ang mataas na uri ng pagdadala ng tungkulin, pagmamahal, at pagmamalasakit sa Iglesia at sa Pamamahala. Magiting sila sa pagtatanggol sa Iglesia laban sa sinuman at alinmang sumisira sa mga aral nito. Nagtitiis sila ng gutom, puyat, hirap sa mga paglalakbay, at iba pa, upang pagmalasakitan ang Iglesia. Anupa’t gagawin nila ang lahat sukdulang manganib ang kanilang buhay alang-alang sa Iglesia. Nasaksihan ko rin na bilang ganti ng Diyos sa kanilang pagmamahal sa Iglesia ay laging puno ng biyaya ang mga pagsamba, at ang Iglesia ay hindi kailanman pinabayaan ng Diyos.
Ako po ay sumasampalataya na ang mga katangiang nabanggit ay taglay pa rin ng karamihan kung hindi man ng lahat ng mga ministro sa panahong ito. Bagama’t tayo ngayon ay nabubuhay sa materyalistikong daigdig, nasa atin pa ring mga ministro at mga manggagawa ngayon ang pagmamahal at pagmamalasakit sa Iglesia. Nasasaktan pa rin ang ating kalooban kapag may nakikita tayong mga kurapsiyon, katiwalian at pagwasak sa kaayusan at kabanalan ng Iglesia at nagpapabigat sa buhay at pamumuhay ng mga kapatid. Sa lahat ng aking mga naisulat na ay hindi ako kailanman nanawagan na labanan ang ating pinakamamahal na Tagapamahalang Pangkalahatan. Tulad ninyo ay mahal na mahal ko siya. Kaya nga sa paglubha ng mga katiwalaang ginagawa ng mga miyembro ng Sanggunian at ng ilang mga Tagapangasiwa na kasapakat nila dahil sa pakinabang ay ilang ulit kong tinanong ang aking sarili. Paano ko ipagtatanggol at ipadarama na ako ay nasa panig ng Namamahala? Mananahimik na lang ba ako o magpapatianod na lang sa mga katiwaliang ginagawa ng ilang mga ministro at magkunwari sa Namamahala na pawang mabuti ang nangyayari sa Iglesia samantalang ang mga ministro at mga manggagawa ay hirap na hirap sa pagsasagawa ng ipinagagawa sa kanila ng Sanggunian na mga labag sa tuntunin ng Iglesia at higit sa lahat ay sa aral ng Diyos? Naaayon ba sa aral ng Diyos na itala na dinuduktrinahan ang lahat ng mga naaanyayahan sa lingap pamamahayag na ang tanging layunin ay tumanggap ng mga goody bags? Totoo na si Cristo mismo ay nagpakain sa mga taong nakinig sa Kaniya subalit nang makita Niya na ang mga ito ay sumusunod na lamang sa Kaniya dahil sa tinapay ay Kaniyang sinumbatan sila. Naaayon ba sa aral na mula sa pagduduktrina, sa pagsamba o pagsubok ay kailangang bigyan sila ng mga goody bags, ihatid-sundo sa pagsamba hanggang sila ay mabautismuhan? Hindi ba’t ngayon ay sakit ng ulo ang napakaraming hindi sumasamba? Tama ba na ang lahat ng hindi nabayarang mga tickets sa kung ano-anong concert ay pabayaran mula sa pondo ng mga lokal na galing naman sa inihandog ng mga kapatid at ipinanalangin sa pagsamba? Paano ko matitiis na makitang maraming mga maytungkulin na halos wala nang maibigay sa kanilang pamilya ay ginugugol pa ang kanilang maliit na kinita para mag-abono sa tickets, t-shirts, mga produkto ng Unlad, transportasyon, at walang tigil na mga gawain sa Arena na ang layunin ay maibenta ang tubig ng anak ni kapatid na Jun Santos? Paano ko matitiis na hayagang itinatago ng Sanggunian at ng kanilang mga kasamahan sa Namamahala ang tunay na nangyayari at kalagayan ngayon ng Iglesia? Napakarami pa ng maaari kong banggitin pero masyadong hahaba ang panawagang ito at alam ko rin na alam na alam na ninyo ang lahat ng nagaganap na katiwalian sa Iglesia.
Inuulit ko po mga kamanggagawa ng Diyos. Huwag tayong lalaban sa Pamamahala ng Iglesia, sa halip ay pagmalasakitan natin ang ating Tagapamahalang Pangkalahatan. Subalit, pagmamalasakit po sa Pamamahala at pagmamahal sa Iglesia na nananahimik tayo na parang walang nangyayari? Alam ba ninyo na ang lagi nilang tanong ay nasaan ang ebidensya? Kaya nila iniisip na walang ebidensiya ay sapagkat nananahimik lang tayo. Bakit kapag tayo-tayo lang po ang nag-uusap ay pinupuna natin ang mga katiwalian? Sumulat tayong lahat sa Namamahala at sabay sabay na iulat ang ating nakikitang mga katiwalian at mga paglapastangan sa mga tuntunin, kabanalan at kaayusan sa Iglesia. Kung tayong lahat ay magpaparating sa kaniya ng ating damdamin ay sumampalataya tayo na magkakaroon ng matibay na batayan ang ating Namamahala upang aksiyunan ang mga ito. Huwag tayong matakot sa panggigipit na maaaring gawin ng Sanggunian sa atin. Ititiwalag ba nila tayong lahat, at kung ito ay kanilang gawin, pagtitibayin kaya ng Diyos ang likong paraan ng kanilang pagtitiwalag o ng mga taong ito na sumalaula sa Iglesia? Kaya sila walang tigil sa pananakot ay sapagkat nakikita nila na tayo ay takot na takot. Nakalulungkot na maging ang mga matatandang ministro at mga tagapangasiwa ay nanginginig sa takot at walang manindigan sa tama. Kung buhay kaya sina kapatid na Teofilo Ramos, Sr., Cipriano Sandoval, Benjamin Santiago, Isaias Samson, Sr., Emiliano Magtuto, Sr., Pedro Almedina, Vivencio Pineda at iba pang matatandang ministro, ay magagawa kaya ng kasalukuyang Sanggunian ang mga ginagawa nila ngayon? Tulad ng maraming mga ministrong nangamatay na, sila ang mga bayani ng pananampalataya. Wala na po bang mga bayani ngayon ng pananampalataya? Lahat na lang ba ay mangininig sa takot? Mga kapatid, ang katakutan natin ay ang gagawin ng Diyos sa atin kapag tayo ay naging bulag, bingi at pipi, sa mga katiwaliang nagaganap. Tandaan po natin na tayo ang inilagay at inaasahan ng Diyos na magbabantay at magmamalasakit sa Kaniyang bayan.
Nananawagan po ako lalo na sa mga matatanda nang mga ministro at mga tagapangasiwa. Hanggang kailan po ninyo matitiis ang Iglesia? Ka Jun Bularan, hindi po ako naniniwala na kayo ay kasapakat ng mga kasamahan ninyo sa Sanggunian. Hindi ninyo sasayangin ang mahabang panahon ng pagtatanggol ninyo sa dalisay na aral ng Iglesia. Maawa naman po tayo sa Iglesia. Ang ating pananahimik ay iniisip ng mga kapatid na pagsang-ayon natin sa mga nangyayaring katiwalian at lalong nagbibigay ng lakas ng loob sa mga tiwaling ministro upang patuloy na pagsamantalahan at apihin ang Iglesia. Papayag po ba tayo lalo na ang matatanda nang mga ministro na abutan ng kamatayan o ng Araw ng Paghuhukom na walang ginawang aksiyon o kaparaanan upang maging malinis ang Iglesia? Kapag nag-antayan tayo ay walang mangyayari. Subalit kapag tayo ang nanguna sa payapang pagkilos, pagsasabi at pagpapatunay sa Namamahala ay makikipagkaisa ang mga kapatid sa pagpapadama sa ating Namamahala na ang kailangan lang ay alisin ang mga taong ugat ng katiwalian at kaguluhan sa Iglesia. Huwag po nating isipin na magbubunga ito ng pagkakabaha-bahagi sa Iglesia manapa ay ng lubos na pagkakaisa upang ibalik ang Iglesia sa kaniyang malinis na kalagayan, karapat-dapat sa kaligtasan.
MGA TUNAY NA KAMANGGAGAWA NG DIYOS, MALUNOS TAYO SA IGLESIA. KUMILOS AT MAGSALITA NA TAYO BAGO MAHULI ANG LAHAT AT MAGALIT SA ATIN ANG PANGINOONG DIYOS.
-Antonio Ebangelista
“They tried to bury us…they didn’t know we were seeds”
Official Websites: http://www.incdefenders.org/
http://www.iglesianicristosilentnomore.org
Instagram: @antonioebangelista
Twitter: @AEbangelista1
Email: INCDefendersSilentNoMore@gmail.com
#iglesianicristo #inc100 #inccentennial #centennial #inc4life #incootd #incfashion #incmedianews #inctv #net25 #incmedia #increview #fymfoundation #mycountrymenmybrethren #kabayankokapatidko #incselfiechallenge #incwikileaks #sanggunian #radelcortez #gerrypurification #junsantos #gliceriosantosjr #rodelcabrera #biensantiago #erdzcodera #ernestosuratos #mattpareja #antonioebangelista #silentnomore #iglesianicristosilentnomore #incsilentnomore #incdefenders
“Unlike you, I don’t have power or money, but what I do have is a very particular set of skills, skills I have acquired over a very long career. Skills that make me a nightmare for people like you. If you tell the truth now, that’ll be the end of it. I will not look for you, I will not pursue you. But if you don’t, I will look for you, I will find you, and I will expose you.” – AE
You must log in to post a comment.