PAKSA: PAGBABAGO SA LEKSYON UPANG PATAMAAN SI KA LITO FRUTO AT IBA PANG MGA TIWALAG
Credits: Maraming Salamat po Ka Emer Culala para sa kopya ng leksyong ito. Maraming kapatid po ang nakinabang ngayon dahil dito.
Abril 22, 2015
Mga mahal na Kapatid,
Narito po ang kopya ng leksyon upang ngayon pa lang ay mabasa na ninyo ang nilalaman at maunawaan ninyo ang tunay na dahilan kaya binago ang Leksyon na ituturo dapat ngayon. Hindi para patibayin ang mga Kapatid, para bigyan sila ng pag-asa at ituwid ang mga nasumpungang mali, kundi upang iturong muli ang doktrina sa pagtitiwalag at lalo pa itong ipagdiinan sa layuning manakot sa mga kapatid upang huwag gumawa ng anumang bagay na magiging sanhi upang itiwalag sila ng Sanggunian at upang tanggalan ng pag-asa lahat ng mga tiwalag na hindi na sila makakabalik sa talaan. Narito po ang kopya ng leksyon at ang mga komentaryo ko po ay nasa (***…***). Maari ninyo itong iprint at dalhin nyo s apanahon ng pagsamba para malaman ninyo kung binabasa nga ba ng Ministro ng buong buo ang lahat ng nakasulat sa Preacher’s Guide katunayang hindi na sila tagapagturo, kundi tagabasa na lamang at binobosesan na lang ang mga nakalimbag na salita at hindi na mula sa kanilang puso ang pagtuturo ng leksyon…
ANG NATIWALAG, NANLAMIG, AT NAALIS SA TALAAN AY TIYAK NA HINDI MALILIGTAS
ISYU
Upang makatiyak ng kaligtasan ay dapat tiyakin na namamalaging nakatala sa Iglesia at hindi dapat pumayag na matiwalag, manlamig o maalis sa talaan.
MGA LAYUNIN
1. Patunayan na ang maliligtas sa Araw ng Paghuhukom ay yaon lamang mga tao na ang pangalan ay nakatala sa aklat ng buhay sa langit. (*** Samakatuwid lahat po ng tiniwalag nila dahil sa tumutulong at nagmamalasakit sa asawa ng Ka Erdy na si Mommy Tenny at maging sa mga anak na sila Ka Angel at Ka Marc Manalo ay pinagdidiinan nilang hindi talaga maliligtas***)
2. Ipaunawa na upang matala ang pangalan sa langit ay kailangang matala muna bilang kaanib sa Iglesia Ni Cristo.
3. Patunayan na ang mga inalis o itiniwalag sa Iglesia ay hindi na sa Diyos at wala na silang karapatang dumiyos sa Diyos. (***Samakatuwid ay walang kabuluhan pa rin ang Pagsamba ng mga tiniwalag na nasa uring nagbabalik-loob***)
4. Patunayan na hindi maliligtas ang mga naalis o natiwalag sa Iglesia kaya dapat magtiis hanggang sa wakas upang maligtas.
PANIMULA
Sumasampalataya tayo na sa panahong ito, ang tanging kaparaanan para makamit ng tao ang kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom ay sa pamamagitan ng pagpasok o pag-anib sa Iglesia Ni Cristo. Kaya nga ang marami sa atin, bagaman namulat sa ibang pananampalataya ay hindi nag-atubiling iwan ang dating relihiyon at umanib sa Iglesia Ni Cristo dahil hangad nating makamit ang kaligtasang pangako ng Diyos. Ngunit hindi sapat na kaanib tayo sa Iglesia Ni Cristo para makatiyak tayo ng kaligtasan. Hinihingi sa atin ng ating Panginoong Jesucristo na magtiis tayo at manatiling tapat hanggang sa wakas. Paano kung sa anumang kadahilanan ay natiwalag o naalis sa talaan ang isang kaanib? Patutunayan sa leksiyong ating pag-aaralan na ang natiwalag, nanlamig, at naalis sa talaan ay tiyak na hindi maliligtas. Ito ay totoo sa lahat ng panahon. (*** Baka kasi yata may nag-iisip na hindi na ito aplikable ngayon kaya nila ito ipinagdidiinan***) Ang pagtitiwalag ay hindi lamang sa panahon ng Sugo ng Diyos sa mga huling araw, kundi mula pa sa panahon ng unang Iglesia. Iyan ang ipinatutupad at sinusunod nating patakaran hanggang ngayon (*** Samakatuwid ay pinalalabas nila na wala silang binago sa prosesong ito ng pagtitiwalag***) . Kaya, kung may pinakamasamang bagay na maaaring mangyari sa isang tao, iyon ay ang siya’y matiwalag sa Iglesia Ni Cristo.
PASIMULA:
SINO ANG TINITIYAK NG BIBLIA NA MALILIGTAS SA ARAW NG PAGHUHUKOM?
1. Ang bawat isa na masusumpungang
nakasulat sa aklat ……………………………………… Dan. 12:1
At sa panahong yaon ay tatayo si Miguel, na dakilang prinsipe na tumatayo sa ikabubuti ng mga anak ng iyong bayan; at magkakaroon ng panahon ng kabagabagan, na hindi nangyari kailan man mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong yaon: at sa panahong yaon ay maliligtas ang iyong bayan, bawa’t isa na masusumpungan na nakasulat sa aklat.
Sa ano kabilang ang mga maliligtas? Sa bayan ng Diyos. Kaya hindi totoo ang sinasabi ng iba na maliligtas din sila kahit wala silang kinaaanibang relihiyon dahil kumikilala at tumatawag din naman daw sila sa Diyos. Ang sabi sa Biblia, “Sa panahong yaon ay maliligtas ang iyong bayan.” Ngunit ano ang katangian ng nasa bayan ng Diyos na maliligtas? Ang sabi pa, “Bawat isa na masusumpungan na nakasulat sa aklat.”ν
T. Alin ang aklat na kinatatalaan ng mga pangalan ng mga maliligtas?
2. Aklat ng buhay….. ……………………………………. Filip. 4:3
Oo, ipinamamanhik ko rin naman sa iyo, tapat na kasama sa pagtulong, na iyong tulungan ang mga babaing ito, sapagka’t sila’y nangagpagal na kasama ko sa evangelio, at kasama rin naman ni Clemente, at ng ibang aking mga kamanggagawa, na ang kanilang pangalan ay nangasa aklat ng buhay.
T. Maliligtas ba ang hindi masusumpungang nakasulat sa aklat ng buhay?
3. Ibubulid sa dagat-dagatang apoy ang
hindi nakasulat sa aklat ng buhay………………Apoc. 20:15
At kung ang sinoman ay hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay, ay ibinulid sa dagatdagatang apoy.
Ang sinasabi rito ay ang mangyayari sa hinaharap. May pasiya na ang Diyos na pagdating ng Araw ng Paghuhukom ay hindi maliligtas ang sinumang hindi nakasulat sa aklat ng buhay. Sa halip ay ibubulid sa dagat-dagatang apoy, ang sinumang hindi masusumpungan ang kaniyang pangalan sa aklat ng buhay sa langit. Kaya kung mayroon tayong dapat na matiyak, iyon ay kung nakatala ang pangalan natin sa aklat ng buhay sa langit.ν
I. PAPAANO MATATALA SA LANGIT ANG ATING PANGALAN UPANG TAYO’Y MALIGTAS?
(*** Dito ay detalyadong ipapaliwanag ang proseso kung papaano mapapabilang ang isang tao sa Aklat ng Buhay sa Langit upang magtamo ng kaligtasan***)
1. Kapag tayo’y nakatala sa Iglesia―
ang Iglesia’y nakatala sa langit………………………..Heb. 12:22-23 TLB
Ngunit kayo’y lumapit sa Bundok ng Sion, sa lunsod ng buhay na Diyos, sa Jerusalem ng langit, at sa pagkakatipon ng di-mabilang na masasayang anghel; at sa iglesia, na binubuo ng lahat ng mga nakatala sa langit; at sa Diyos na Hukom ng lahat; at sa mga espiritu ng mga tinubos na nasa langit, na pawang pinasakdal na, at kay Jesus mismo, na dinala sa atin ang kaniyang kamangha-mangha at bagong tipan; at sa dugong iwinisik na buong kagandahang-loob na nagpapatawad sa halip na sumisigaw ng paghihiganti gaya ng dugo ni Abel.
Ang binabanggit dito na pagkakatipon ay sa hinaharap din—sa langit ang tinutukoy. Sino ang tiyak na makakabilang sa pagtitipong iyon sa langit? Lahat ng mga nasa Iglesia na ang pangalan ay nakatala sa langit. Kaya dapat ay nakatala tayo sa Iglesia para makatiyak tayo ng kaligtasan at ng pagpasok sa kaharian ng langit.ν
T. Papaano ba tayo matatala sa Iglesia upang makabilang tayo sa nakatala sa langit?
2. Ang natalian sa lupa ay
natalian sa langit…………………………………..Mat. 18:18
Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ang lahat ng mga bagay na inyong talian sa lupa ay tatalian sa langit: at ang lahat ng mga bagay na inyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.
Sinu-sino ang mga kausap ng ating Panginoong Jesucristo sa pagkakataong ito? Ang mga apostol na pinaghabilinan Niya ng pamamahala sa Iglesia bago siya umakyat sa langit. Ano ang karapatang ipinagkaloob Niya sa kanila? Ang sabi Niya. “Ang lahat ng mga bagay na inyong talian sa lupa ay tatalian sa langit.” Ano ang kahulugan na upang matalian sa langit ay kailangang matalian muna rito sa lupa? (*** Samakatuwid ay may itinuturong paraan ng pagtatali at pagkakalag***)ν
T. Alin ba ang binabanggit na tali?
3. Ang tali at ang paraan ng pagtatali…………..Kaw. 3:3 at 1
Huwag kang pabayaan ng kaawaan at katotohanan: Itali mo sa palibot ng iyong leeg; Ikintal mo sa iyong puso:
Anak ko, huwag mong kalimutan ang aking kautusan; Kundi ingatan ng iyong puso ang aking mga utos:
Alin ang tali? Ang mga kautusan ng Diyos. Kaya para makabilang ang tao sa mapapalad na ang pangalan ay nakatala sa langit, kailangang talian muna siya ng mga salita ng Diyos.ν
T. Papaano itinatali ang mga kautusan o mga salita ng Diyos sa tao?
S. Ipinangangaral at ang
sumampalataya’y ligtas..……………….….Mar. 16:15-16
At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal. Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa’t ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.
Itinatali ang mga kautusan o mga salita ng Diyos sa tao sa paraang pangaralan siya ng ebanghelyo. Ngunit sapat na bang nakarinig ang tao ng ebanghelyo para siya matalian? Hindi. Sinong nakinig ng pangangaral ng ebanghelyo ang natalian? Ayon kay Cristo, ang sumampalataya at nabautismuhan.ν
Hindi ba gayon ang proseso na ating pinagdaanan? Pagkatapos na maituro sa atin ang mga aral ng Diyos na sinasampalatayanan sa loob ng Iglesia Ni Cristo ay dumaan tayo sa pagsubok at nang mapatunayan natin ang ating pananampalataya, binautismuhan tayo. Pagkatapos ng bautismo, ano ang ginawa sa atin? Itinala tayo sa talaan ng Iglesia bilang ganap na kaanib. Kaya ang nakatala sa Iglesia ang tiyak na nakatala sa aklat ng buhay doon sa langit.ν
Sa mga panauhin, dinudoktrinahan, at sinusubok: Kung nais ninyo na maitala rin sa aklat ng buhay sa langit at nang sa gayon ay makatiyak din ng kaligtasan, hindi maiiwasan ang pag-anib sνa Iglesia Ni Cristo. (*** Mahalagang mapansin ninyo kung paano nila detalyadong ipinaliwanag ang mga hakbang na kailangang sundin bago matala sa talaan sa langit. Hindi basta naturuan lang ng salita ng Diyos ay ligtas na. Hindi basta sumampalataya ay ligtas na. May proseso, turuan ng salita ng Diyos, Sumampalataya at bautismuha ang pinatutunayang may kaligtasan. Walang shortcut. Hindi automatic ligtas na o kaya ay automatic bautismo na agad. May proseso.***)
Ngunit huwag nating kalilimutan na binigyan din ang Pamamahala sa Iglesia ng karapatan na magkalag. At ang kanilang kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.ν
II. PAPAANO NAMAN ANG PAGKAKALAG NA ANG KINALAGAN SA LUPA AY KINAKALAGAN DIN SA LANGIT?
1. Ito ang pagtitiwalag o ang pag-aalis
sa Iglesia ng masamang tao………………………. I Cor. 5:13 NPV
Ang Dios ang hahatol sa mga nasa labas. “Itiwalag ninyo ang masama ninyong kasamahan.”
Paano kinakalagan ang natalian na sa lupa? Ang sabi, “Itiwalag ninyo ang masama ninyong kasamahan.” Pansinin natin na ang Diyos ang may utos na ang masamang tao ay itiwalag sa Iglesia. At ang nagpapatupad nito ay ang Pamamahala na inilagay ng Diyos sa Iglesia. (*** Kapag ito ay itinuturo naming mga Ministro sa panahon ng pagdudoktrina ay malinaw naming sinasabi na ang tanging may karapatan lamang na magtiwalag ay ang Tagapamahalang Pangkalahatan at hindi yung basta sasabihin lang namin na Pamamahala ang magpapasya. Kasi mahalagang maunawaan ng mga dinudoktrinahan pa lamang na kung paanong maingat ang Iglesia sa mga pinapapasok nya sa kawan upang huwag makapasok ng lihim ang mga taong tampalasan ay ganun din sya kaingat sa pagkakalag o pagtitiwalag. Kaya kapag sinabing masama, hindi lang basta masama, kasi maaaring may masama sa pakiwari ko pero di naman masama sa paningin ng iba, kaya ang tamang sinabi dito ay: ang masamang tao na tinutukoy sa talata na dapat itiwalag ay ang mga nasa paglabag sa mga salita ng Diyos.***)ν
Ito ang katumbas ng sinabi ni Cristo sa binasa natin kanina sa Mateo 18:18 na karapatan ng mga inilagay na mamahala sa Iglesia—ang karapatang magtali at magkalag. Binigyan sila ng karapatang magtiwalag. Kaya hindi puwedeng sabihin ng mga itiniwalag sa Iglesia na hindi sila itiniwalag sa langit. Hindi puwedeng ang pagtitiwalag ng Pamamahala ay hindi galing sa Diyos. (*** Muling kapansinpansin na ang karamihan sa sinasabi sa bahaging ito ay hindi nila sinusuportahan ng talata kundi “binoboka” lang. Dapat sana ay pinatunayan nila na sinomang pagpapasyahan ng Tagapamahalang Pangkalahatan na itiwalag ay pasyang galing sa panginoong Diyos sapagkat ang pasya ng Tagapamahalang Pangkalahatan ay minagaling ng espiritu santo ayon sa Gawa 15:8. At sa halip na sinabi nilang Pamamahala, dapat ay tinukoy nila na ang nagpapasya ng anuman para sa kapakanan ng Iglesia ay ang Tagapamahalang Pangkalahatan, gaya ng sa panahon ng mga apostol, bagamat marami din mga kasangguni noon ang tagapamahalang pangkalahatan subalit iisa lang ang nagpapasya, kaya ang banggit sa Gawa 15:19 ay “Ang hatol KO…” Samakatuwid ilan ang nagpapasya? Iisa lang. Dahil kung sinadya nilang gamitin ang salitang Pamamahala lamang ito ay upang bigyan nila ang sarili nila ng karapatan na magtiwalag din. Kasi kung tutuusin, napakalawak ng saklaw ng salitang “Pamamahala sa Iglesia” sapagkat maging ang mga bahagi ng Pamamahala gaya ng receptionist, secretary, staff ay bahagi pa rin ng Pamamahala, kaya ibig din bang sabihin nun ay maaari din silang magtiwalag? Hindi po. Tanging ang Tagapamahalang Pangkalahatan lamang ang pinagkalooban ng karapatang ito at hindi ang Sanggunian o sinoman iba pa. Kaya nga kung makakakita kayo ng Form R2-10 ay makikita ninyo na ang nagpapasya at lumalagda sa huli ay ang Tagapamahalang Pangkalahatan lamang.***)ν
Kung napansin ninyo, nasa lupa pa si Cristo nang sabihin Niya sa mga apostol ang karapatang ito. Kung noong nasa lupa pa Siya ay matibay na ang pahayag na ito, lalo na ngayong nasa langit na Siya. Kaya maling-mali ang sinasabi ng ibang mga itinawalag na ang tao lang naman daw ang nagtiwalag sa kanila at hindi ang Diyos. Ang mga nagsasabi nito ay nagpapalakas ng loob nila sapagkat noong nasa Iglesia pa sila malinaw na malinaw sa kanila na hindi maliligtas ang sinumang natiwalag o naalis sa Iglesia Ni Cristo. Ngunit kahit ano ang gawin nilang pagpapalakas ng loob ng sarili nila ay hindi nagagamot ang kanilang kundisyon—tuluy-tuloy parin sila sa kaparusahan sa dagat-dagatang apoy. (***Napansin ba ninyo kung papaano nila dikdikin ang mga na natiwalag? Hindi na daw nagagamot. Edi bakit mayroong nakakapagbalik loob? Ano kaya ang damdamin ng mga sumasamba ngayon na nagbabalik-loob? Pagtapos silang hikayatin na magbalik-loob at pagkatapos ay ipamumukha lang pala sa kanila na wala ng gamot at wala na silang pag-asang maligtas. Sana pala ay sinabi na lang nila na “sa pamamagitan ng pagtuturo namin ng leksyon na ito ay pormal naming binubuwag na ang PAGBABALIK-LOOB sa Iglesia***)ν
Bakit natin ito natitiyak? Gaano bang kasama kapag ang sinuman ay inalis o itinawalag sa Iglesia?ν
T. Sa Diyos pa ba at kay Cristo ang taong itiniwalag sa Iglesia?
2. Ibinibigay na kay satanas……………………….. I Tim.1:19-20
Na ingatan mo ang pananampalataya at ang mabuting budhi; na nang ito’y itakuwil ng iba sa kanila ay nangabagbag tungkol sa pananampalataya: Na sa mga ito’y si Himeneo at si Alejandro; na sila’y aking ibinigay kay Satanas, upang sila’y maturuang huwag mamusong.
Kanino na ang mga taong inalis o itiniwalag sa Iglesia? Kay satanas na sila. Hindi na sila sa Diyos. (*** Ibig bang sabihin sa talatang ito ay ng oras na iyon ay dinala na sila sa impyerno? Hindi. Ibig pong sabihin na sa pagkakataong iyon, dahil sa kanilang kasalanan ay itinaboy na ng Ama, hindi na sila sa Kaniya kundi ibinigay na Niya o inilaan na Niya kay Satanas pagdating ng araw ng Paghuhukom, kapag hindi sila nakabalik sa Ama ay tyak na mapupunta sila sa dagat-dagatang apoy o impyerno.***)ν
T. May karapatan pa bang dumiyos sa Diyos ang taong hiwalay o natiwalag sa Iglesia?
3. Wala nang Diyos ang hiwalay o tiwalag………… Efe. 2:12
Na kayo nang panahong yaon ay mga hiwalay kay Cristo, na mga di kabilang sa bansa ng Israel, at mga taga ibang lupa tungkol sa mga tipan ng pangako, na walang pagasa at walang Dios sa sanglibutan.
Ano ang napakasamang kalagayan ng mga hiwalay kay Cristo o hindi kaanib sa Iglesia Ni Cristo? Ayon kay Apostol Pablo, sila ay walang tipan, walang pangako, walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan.ν
T. Ano ang ang ibig sabihing ang taong hiwalay o tiwalag sa Iglesia ay walang Diyos?
S. Kahit tumawag ay hindi sasagutin………………. Kaw. 1:28
Kung magkagayo’y tatawag sila sa akin, nguni’t hindi ako sasagot; Hahanapin nila akong masikap, nguni’t hindi nila ako masusumpungan:
Ang sabi ng Diyos, “Tatawag sila sa Akin, ngunit hindi Ako sasagot; hahanapin nila Akong masikap, ngunit hindi nila Ako masusumpungan.” Samakatuwid ay hindi magkakaroon ng kabuluhan ang anumang pagtawag, paglilingkod, at pagsamba sa Diyos ng mga hiwalay o tiwalag na sa Iglesia. Iyon lang ba ang masamang ibubunga ng pagkatiwalag sa Iglesia? (*** Sa bahaging ito ay nakalimutan na ng nag-rνevise ng leksyon na ito na hindi lamang mga kapatid at mga dinudoktrinahan ang sumasamba ngayon. Maging ang mga nagbabalik-loob. Sila ang ngayon ay pinagsisigawan natin sa mukha na “wala ng anumang kabuluhan ang pagtawag, paglilingkod at pagsamba mo sa Diyos kasi tiwalag ka kaya wag ka ng magsikap na sumamba at lumagda sa talaan ng mga nagbabalik-loob, wag ka na ring kumuha ng katibayan, huwag ka na ring maghandugan. Hindi ba ka-ipokrituhan na sa tagubilin mula sa Tanggapan ng Ka Glicerio Santos Jr. noong nakaraang dalawang linggo na ang kakalipas ay itinagubilin na pinapayagan ng maglagak at mag tanging handugan ang mga dinu-doktrinahan, sinusubok at nagbabalik-loob. Basta papasok na pera pinapayagan ng Ka Jun Santos, pero wala daw kabuluhan yan kasi sabi nga wala ka sa Iglesia.***)
Sa mga panauhin: Sana ay napansin ninyo na kung ang nahiwalay sa Iglesia Ni Cristo ay nawawalan ng karapatang sumamba sa Diyos, gayundin ang sinumang tumanggi na umanib sa Iglesia. Sana’y gawin ninyo ang tamang pagpapasiya na umanib na sa Iglesia Ni Cristo.ν
III. ANO ANG SASAPITIN NG HINDI MANANATILI SA IGLESIA NI CRISTO, SAMAKATUWID AY YAONG MGA NATIWALAG,
NANLAMIG, AT NAALIS SA TALAAN?
1. Masusunog sa apoy ayon kay Jesus………………. Juan 15:6
Kung sinoman ay hindi manatili sa akin, ay siya’y matatapong katulad ng sanga, at matutuyo; at mga titipunin at mga ihahagis sa apoy, at mangasusunog.
Paano inilarawan ng ating Panginoong Jesucristo ang kaugnayan sa Kaniya ng mga hinirang Niya? Sila ang mga sanga at Siya naman ang puno ng ubas. Ano ang tiniyak Niyang mangyayari sa mga hindi nakapanatiling sanga Niya o kaanib sa Kaniyang Iglesia? Ang sabi Niya, “Kung ang sinuman ay hindi manatili sa Akin, ay siya’y matatapong katulad ng sanga, at matutuyo; at mga titipunin at mga ihahagis sa apoy, at mangasusunog.”ν
Kaya kahit sabihin ng iba na hindi naman sila itiniwalag kundi sila ang kusang umalis sa Iglesia, hindi rin sila nakapanatiling sanga ni Cristo o kaanib sa Kaniyang Iglesia.ν
Gaano kasama kung ang sinuman ay hindi makapanatili sa kaniyang pagka-Iglesia Ni Cristo? Kapag ang sinuman ay hindi nakapanatili sa Iglesia Ni Cristo dahil nanlamig, natisod o nadaig ng mga kalayawan, ang gayon ay itatapon sa apoy at masusunog. (*** Huwag po sanang kalimutan ng Sanggunian na ang doktrina na ang MATISOD at MAGPATISOD ay kapwa kasalanan sa Diyos***)ν
T. Ano ang sinabi ng mga apostol na kalagayan ng mga taong nasa labas ng Iglesia?
2. Hahatulan ang nasa labas…………………………….. I Cor. 5:13
Datapuwa’t sa nangasa labas ay Dios ang humahatol. Alisin nga ninyo sa inyo ang masamang tao.
Ang mga nasa labas ng Iglesia ay nasa ilalim ng hatol ng Diyos. At ang hatol ng Diyos ay ang kakila-kilabot na kamatayan sa dagat-dagatang apoy. Dahil dito… (*** Sa ibang salin ng Biblia, sa mga nasa labas ang Diyos ang MAGPAPASYA, sa ingles: “…leave to God’s Judgement thos who are outside.” Samakatuwid iba ang hatol na pinal na (Final) sa magpapasya. Maaaring magpasya pa ang Panginoong Diyos lalo nga kung mali ang dahilan o paraan ng pagkakalag o pagtitiwalag sa isang kapatid. Kaya bakit ginagamit ng Sanggunian ang mga talata sa Biblia sa halip na magtuwid sa mga kapatid na nasa paggawa ng kasalanan, sa halip na magpayo upang magbagong buhay, bakit puro pananakot gaya nito. Wala man lamang kahit isang hibla ng pag-asa na itinuro upang maghangad ang mga kapatid na kung nagkasala man ay makapagbago at kung nahiwalay man ay makapagbalik***)ν
T. Ano ang dapat pagsikapan ng bawat isang kaanib sa Iglesia Ni Cristo?
3. Kaya manatili hanggang wakas
upang maligtas…………………………………………….. Mat. 24:13
Datapuwa’t ang magtitiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.
Alin ang tinutukoy ritong wakas? Maaring iyon ang wakas ng ating buhay o ang wakas ng sanlibutang ito na siyang Araw ng Paghuhukom. Ano ang dapat matiyak ng bawat isa sa atin? Alinman sa dalawang wakas na iyan ang maunang dumating sa atin, matiyak nating nananatili tayong masiglang kaanib sa Iglesia Ni Cristo. (*** Napansin ba ninyo kung gaano nila kabilis na tinapos nga ganito na lang ang leksyon? Aling pagtitiis ba ang tinutukoy dito? Basta ba magtiis na lamang ay ligtas na? Paano kung nagtitiis ka nga pero nasa paglabag ka naman sa mga utos ng Diyos? Nag titiis ka nga subalit hindi mo naman sinusunod ang mga kalooban ng Diyos, maliligtas ka pa rin ba? Gaya ng mga bumabatikos sa social media… anong sinasabi nila? Keyso naninira lang naman daw kami, nanggugulo, lumilikha ng pagkabahabahagi, bakit hindi na lang daw manahimik at ipaubaya na lang sa Ama ang lahat. Sumamapalataya na lang daw, ang PANGINOON NA ANG BAHALA… Dapat ay nilinaw pa rin sa pamamagitan ng mga talata ng Biblia kung sino ang tinutukoy na nagtitiis na tiyak na maliligtas… sapagkat sangayon sa Mat. 7:21-23, sila ay ang mga gumaganap ng kalooban ng Ama (may AKSYON, hindi pananampalataya lang), sapagkat kahit ipagsigawan natin sa Panginoon subalit wala naman tayong ginagawa para masunod ang Kaniyang kalooban at ipaglaban ito mula sa mga taong bumabaluktot nito para pagsilbihan ang kanilang sariling interes, mauuwi lang sa walang kabuluhan. Sapagkat ang pananampalatayang walang kalakip na gawa ay patay – Sant. 2:17***)ν
(*** Mga kapatid, nais ko lang pong ipapansin sa inyo na kung paanong mahaba at detalyado nilang ipinakita ang proseso ng pagtawag sa Iglesia sa paraang kinakailangang tinalian, samakatuwid ay pangangaralan muna ng ebanghelyo, pagkatapos ay kinakailangang sumasampalataya, at mabautismuhan ay nakatitiyak ng kaligtasan, nasaan sa bahagi ng leksyong ito itinuro man lamang nila ang proseso ng pgakakalag o pagtitiwalag? Hindi nila sinabi sa mga kapatid kung gaano kahigpit din ang proseso ng pagtitiwalag. Kung paanong ang ginagamit na form dyan ay R2-10. At narito ang proseso para sa inyong kabatiran at para na rin sa kabatiran ng mga taga-Sanggunian. Maaari itong sanguniin sa Church Procedures na aklat ng lahat ng mga Ministro, at dahil sa lubhang mahaba yun at detalyado ay hayaan nyo pong ilahad ko na lamang ang mga pangunahing pananagutan sa pagtitiwalag:
1. Kung mayroong pagalabag ay kinakailangang may pormal na ulat dahil kapag wala ay hindi ito pwedeng aksyunan ng Ministro dahil mauuwi ito sa pagiging hearsay o tsismis, maliban na lamang kung ito ay isang public scandalo o kaya ay personal na nasaksihan ng Ministro o mga kapatid.
2. Kinakailangan ay maayos na deliberasyon. Samakatuwid ay ipatatawag ang kapatid at kakausapin ng Katiwala ng Grupo kasama ang II-Katiwala at Kalihim at saksi. Kakausapin upang ipaliwanag sa kaniya kung ano ang ulat sa kaniya at kung ano ang maaaring ipataw sa kaniyang pagdidisiplina kung ito ay hindi malulunasan. Gagawan ng hand-written na salaysay ng mga maytungkulin sa Grupo ang resulta ng deliberasyon.
3. Magsasagawa ng Deliberasyon sa Purok na mayroon din ganoong proseso gaya ng sa Grupo. Pagkatapos sa Purok ay pang-lokal naman. Mayroon pang bukod na pagkausap at pagpapayo na isasagawa ng Ministro at gagawa din ng bukod na salaysay. Gagawan ito ng Kalihim ng R2-10 form in triplicate. Titiyaking kumpleto ang lahat ng impormasyon at saka nakalagdang malinaw ang lahat ng mga kinauukulang maytungkulin.
4. Gagawan pa ito ng patotoo ng Pamunuan at ng Ministro ng Patotoo na kanilang nasiyasat mabuti ang lahat ng impormasyon na kanilang isusumite sa Pamamahala.
5. Gagawan pa ito ng cover letter bago ipasa sa Tagapangasiwa ng Distrito. Ang may ulat ay ipapatawag naman ng Katiwala sa Pagpapatibay (KSP) ng Distrito upang kausapin upang matiyak na tumpak ang lahat ng mga impormasyon na nakasaan sa ulat sa kaniya at matiyak na siya nga ay nakausap ng Ministro at ng Pamunuan.
6. Pagkatapos siyasatin ng mga maytungkulin sa Distrito ay saka ito ipapadala sa Tanggapang Pangkalahatan sa Central upang iproseso. AT maghihinatay ng sapat na panahon bago ito ay malagdaan ng Tagapamahalang Pangkalahatan at saka ibabalik sa Distrito at sa Lokal upang basahin sa pagsamba.
7. Sa totoo lang mga kapatid kapag pumunta kayo sa R2-10 Section sa Central, ay magugulat kayo sa sobrang dami ng mga ulat sa ibat ibang lokal at distrito na maingat nilang sinisiyasat. Kapag magkulang lamang ng isang lagda o picture o kaya ay di nakausap ng Katiwala o Ministro ay ibinabalik ito sa Lokal upang ituwid at isaayos. Kaya nga may mga pagkakataon na halimbawa kung ang kaso ay nabuntis, nkapanganak na at 2nd year birthday na nung bata ay hindi pa natitiwalag sa kabila ng madalas na follow up sa Central.
8. Ngayon suriin po natin ang kaso po halimbawa ng Ka Lito Fruto na itiniwalag ng Sanggunian noong Abril 10, alin sa prosesong nabanggit ang kanilang naisagawa? Tama ba ang proseso kung ni hindi man lamang kinausap, siniyasat, pinayuhan o ginawan man ng deliberasyon. Isa itong INSTANT TIWALAG. Inihabol nga lang ito sa pagsamba. Binasura nila ang sagradong proseso ng pagkakalag na nakasulat sa Biblia. Sunod, alamin natin ang layunin ng pagtitiwalag. Bakit ba sya itiniwalag? Ano ang kaso nya? Sinasabi nila na paninira daw sa Iglesia sa social media. Iyon ang pinalalabas na dahilan ng Sanggunian. Subalit kung susuysuyin lamang natin ang tunay na dahilan… ito ay dahil sa tumulong sya sa Pamilya ng Ka Erdy. Samakatuwid, ang pagsunod pala sa Doktrina na aral ng Diyos na mahalin natin at tulungan ang ating kapatid na nangngailangan – I Juan 3:17 Doktrina Lesson No. 17, dahil kapag hindi natin tinulungan ang ating kapatid gayong mayroon tayong kakayahan na tulungan siya, hindi mananahan ang pag-ibig ng Ama sa atin. Kung yung karaniwang kapatid ay tinuruan tayo ng Panginoong Diyos na tulungan natin, yun pa kayang sambahayan ng dating Tagapamahalang Pangkalahatan, ang Kapatid na Eraño G. Manalo, na nagpagal at nagsakit alang-alang sa Iglesia sa loob ng mahabang taon hanggang sa sya ay papagpahingahin na ng Panginoong Diyos.
9. Ang Panginoong Diyos ang may-utos din ng Pagbabalik-Loob na isang proseso din para sa mga kapatid nating mahiwalay ay makapagbagong buhay at makapanumbalik sa tunay na paglilingkod. Subalit sa uri ng sirkular na kanilang ginawa ay katumbas na rin na binubura nila ang anumang pagkakataon na ibinibigay ng Diyos para ang tao ay makabalik sa uring maliligtas. Ito ay pagbabago na sa Doktrina. Kung talagang pangangatawanan nila iyang ginawa nilang pagbabago sa Doktrina sa paraang dapat ay ganun ang dapat na maging pagtuturing sa mga itiniwalag, edi ibig palang sabihin nun ay walang bisa din ang pagbabalik-loob ng Ka Antonio “Jojo” De Guzman na ngayon ay manugang pa ng Ka Eduardo V. Manalo. Dapat pala ay hindi rin sya kausapin, o palakasin ang loob dahil ang katumbas daw nito ay kasabwat din sila at nilagyan pa ito ng Sanggunian ng basehang talata (ayon daw sa II Juan 1:0-11 Amplified Bible). Samakatuwid kung magigiting talaga ang mga taga-Sanggunian, hindi sila dapat double standard at ipatupad ito sa lahat. Ibalik sa pagiging tiwalag si Ka Jojo De Guzman at lahat ng kaniyang mga kasama sa Special Task Force o STF na bumubuo noon sa NewGens na ipinatiwalag ng Ka Erdy noon dahil sa masamang espiritu na ipinagpauna na nya na babaguhin nila ang mga doktrina at tuntunin sa Iglesia. At ito na nga ang katuparan ng sinabi ng Ka Erdy noon kaya nya ipinatiwalag ang Ka Jojo De Guzman at ang kaniyang buong Pamilya maging ang mga STF na BEM Students.
10. Ang sabi ng Biblia sa Deut. 32:12, ang sabi ng Panginoong Diyos “Kung anong bagay ang iniutos ko sa iyo ay siya mong isasagawa, wag mong daragdagan, ni babawasan.” Kaya kapag mayroong sinoman na nagturo ng iba kaysa sa aral na ating tinanggap o nagtataglay ng ibang espiritu na hindi nating tinanggap ay tawag ng Biblia doon ay “ibang ebanghelyo” hindi natin ito dapat tanggapin manapa ay dapat natin itong itakwil ayon sa II Cor.11:3-4 gaya ng ginagawang pagbabago ng Sanggunian sa mga Doktrina at Tuntunin na ating tinanggap. Sapagkata ang magbawas at magdagdag sa mga ito para sa sariling pakinabang ay tiyak na parurusahan at aalisin sa punong kahot ng buhay at sa bayang Banal – Apoc. 28:18-19***)
KONKLUSYON
Kaya mahalin natin ang ating pagka-Iglesia Ni Cristo. Huwag tayong papayag na dahil sa paghahangad natin ng mga bagay sa buhay na ito ay maiwala natin ang ating pagka-Iglesia Ni Cristo. Huwag nating ipagpapalit ito sa maling paraan ng pag-aasawa. Maaring dumating sa buhay natin ang mabibigat na pagsubok: makakaranas tayo ng kahirapan, pag-uusig, kapighatian, at iba’t ibang suliranin. Ngunit huwag na huwag nating bibitiwan ang ating pagka-Iglesia Ni Cristo. Ang magtitiis hanggang sa wakas ang maliligtas.
(*** Hindi ba kayo magtataka kung bakit basta ganito na lamang nila tatapusin ang pagtuturo ng Leksyon sa pag-samba na napaka-dry at hindi mo maramdaman ang espiritu ng pag-ibig at pagmamahal ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang Pamamahala. Napakasarap sana kung sa bahaging ito ng pagtatapos ng leksyon ay kakabigin na ng Ministro ang mga kapatid na nasa paglabag, namumuhay sa kasalanan, o kaya naman ay nahiwalay sa Panginoong Diyos ng dahil sa iba’t-ibang kadahilanan, maging ang mga pinanghihinaan ng loob o nawawalan ng pag-asa. Kabigin na natin sila pabalik sa Ama, ibalik ang kanilang dating alab ng pananampalataya at ningas sa paglilingkod. Kung nadapa man sila… kung nahiwalay man sila ng landas, kung sa pakiramdam nila ay itinakwil na sila ng Diyos wala ng pag-asanag makapanumbalik, ipaunawa natin sa kanila, na kaya sila nakasapit sa loob ng gusaling pagsambang ito sa kabila ng maraming hadlang, ay dahil sa hinahanap pa sila ng Ama, pinahintulutan Niyang makatungtong pa sila sa banal na dakong ito, dahil tinatawag siya ng Ama pabalik sa kaniyang mga bisig. Na kung napalo man sya ng Ama dahil sa katigasan ng ulo o sukdulang naitakwil sya dahil sa bigat ng kaniyang pagsalangsang, sinong magulang ang kayang itaboy ang kaniyang anak lalo nga at nakikita nyang nagsisisi, kinilala ang kaniyang kasalanan at nanunumbalik ngayon sa Ama, sinong magulang ang kayang tiisin ang kaniyang anak na lumuluha na at nagmamakaawa na… wala… walang magulang ang kayang tiisin ang kaniyang anak na napagalitan Niya. Kaya nga Niya pinagalitan, kaya nga Niya napalo…. kasi mahal Niya. Ayaw nyang mapahamak, kaya pinalo nya para maturuan ng mahalagang leksyon. At dahil sa ating Ama ay Diyos na mahabagin, sa ating paglapit sa Kaniya, kayo muna mga kapatid ang dumaangin sa Ama, maglambing sa kaniya ng ating mga pangangailangan. Tutuparin ng Ama ang Kaniyang pangako, na hindi pa tayo nakakatapos sa ating panalangin ay agad na Niyang sinasagot ang ating mga panalangin, hinahawakan na nya tayo sa kamay… at kung kulang pa… nawa yakapin na tayong ng Panginoong Diyos sa ating kinaroroonan upang maramdaman natin ang Kaniyang malabay na pag-ibig at padaluyin Niya ang mga biyaya at pagpapala, hindi lang para sa atin, patagusin nya hanggang sa ating tahanan kung nasaan ang ating mga mahal sa buhay, nag-aantabay na muling tanggapin ang pagpapalakas ng ating Ama. Tulungan nawa tayong lahat ng Panginoong Diyos na mapagtagumpayan ang lahat ng uri ng pagsubok sa ating paglilingkod.***)
Antonio Ebangelista
“They tried to bury us…they didn’t know we were seeds.”
Contact Information
Offcial Email: AntonioRamirezEbangelista@gmail.com
Official Blog: Http://incsilentnomorebackup.wordpress.com
Official Facebook Page: https://www.facebook.com/Iglesia-Ni-Cristo-Silent-No-More-by-Antonio-Ramirez-Ebangelista-1611787305760651/
Official Facebook Account: https://www.facebook.com/antonio.ebangelista.77
Official Instagram: @antonioebangelista
Official Twitter: @AEbangelista1
Also visit: https://www.facebook.com/RestoretheChurch
#iglesianicristo #inc100 #inccentennial #centennial #inc4life #incootd #incfashion #icmedianews #inctv #net25 #incmedia #increview #fymfoundation #mycountrymenmybrethren #kabayankokapatidko #incselfiechallenge #incwikileaks #sanggunian #radelcortez #gerrypurification #junsantos #gliceriosantosjr #rodelcabrera #biensantiago #erdzcodera #ernestosuratos #mattpareja #antonioebangelista #silentnomore #iglesianicristosilentnomore